Old/New Testament
Ang Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay pagiging tiyak sa mga bagay na inaasahan at paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita. 2 Sa pamamagitan nito, ang mga tao noong unang panahon ay kinalugdan ng Diyos.
3 Sa (A) pamamagitan ng pananampalataya ay nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nilikha mula sa mga bagay na hindi nakikita.
4 Sa (B) pamamagitan ng pananampalataya, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na mainam na handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito, siya'y pinatunayang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang mga kaloob. Sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya ay nagsasalita pa siya bagaman siya ay patay na. 5 Sa (C) pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay kinuhang paitaas upang siya'y hindi dumanas ng kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Bago siya kinuha, napatunayang nalugod sa kanya ang Diyos. 6 At kung walang pananampalataya, hindi maaaring malugod ang Diyos sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay-gantimpala sa mga nagnanais maglingkod sa kanya. 7 Sa (D) pamamagitan ng pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nakikita, kaya't siya'y gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng pagiging matuwid na bunga ng pananampalataya.
8 Sa (E) pamamagitan ng pananampalataya, sumunod si Abraham nang tawagin siya ng Diyos na pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana. Sumunod nga siya, bagama't hindi niya nalalaman ang lugar na kanyang pupuntahan. 9 Sa (F) pamamagitan din ng pananampalataya, siya'y nanirahan sa lupang pangako bilang dayuhan. Nanirahan siya sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako. 10 Sapagkat inaasahan niya ang lungsod na may mga saligan, isang lungsod na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos. 11 Sa (G) pamamagitan ng pananampalataya, bagaman matanda na at baog si Sarah ay tumanggap pa rin siya ng kakayahang magkaanak, palibhasa'y itinuring ni Abraham[a] na tapat ang nangako. 12 Kaya't (H) mula sa isang lalaki na halos patay na ay isinilang ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng di mabilang na mga buhangin sa dalampasigan.
13 Namatay (I) lahat ang mga taong ito na may pananampalataya bagamat hindi nila tinanggap ang mga ipinangako ng Diyos. Ngunit natanaw nila at binati ang mga iyon mula sa malayo. Ipinahayag nila na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa. 14 Ang mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan. 15 Kung ang iniisip nila ay ang kanilang pinanggalingang lupain, nagkaroon pa sana sila ng pagkakataong makabalik. 16 Ngunit ang ninanais nila ay higit na mabuting lupain, isang lupaing makalangit. Kaya't hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.
17 Sa (J) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin ng Diyos si Abraham ay ihinandog niya sa Diyos si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang kaisa-isang anak, 18 gayong (K) sinabi ng Diyos, “Kay Isaac magmumula ang iyong lahi.” 19 Itinuring ni Abraham na may kapangyarihan ang Diyos na buhayin ang sinuman mula sa kamatayan, at sa patalinghagang pananalita, tinanggap nga niya si Isaac mula sa kamatayan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.