Old/New Testament
Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos
34 Sinabi pa ni Elihu,
2 “Makinig kayo, matatalinong tao,
itong sinasabi ko ay pakinggan ninyo.
3 Tulad ng masarap na pagkaing inyong natikman,
salita ng karunungan, nawa'y inyong pakinggan.
4 Atin ngang talakayin itong usapin,
kung ano ang tama ay ating alamin.
5 Ayon dito kay Job ay wala siyang sala,
at katarungan ay ipinagkakait daw sa kanya.
6 Bagama't matuwid itinuring na sinungaling siya,
at tinadtad ng sugat kahit na walang sala.
7 “May nakita na ba kayong tulad nitong si Job?
Kaunti man ay wala siyang paggalang sa Diyos.
8 Panay na masama ang kanyang kasamahan,
nakikisama siya sa mga makasalanan.
9 Sinabi niya na walang mabuting idudulot
ang paglakad at pagsunod sa nais ng Diyos.
10 “Makinig kayo sa akin, mga taong magagaling,
ang Makapangyarihang Diyos ba'y maaakay sa masamang gawain?
11 Ginagantimpalaan(A) niya ang tao ayon sa gawa,
ang iginagawad sa kanila ay iyon lamang tama.
12 Hindi gumagawa ng masama ang Diyos na Makapangyarihan,
hindi niya kailanman binabaluktot ang katarungan.
13 May nagbigay ba sa Diyos ng kapangyarihan?
At sinong naghabilin sa kanya nitong sanlibutan?
14-15 Kapag binawi ng Diyos ang hininga ng tao,
sila'y mamamatay at sa alabok ang kanilang tungo.
16 “Kung matalino kayo, pakinggan ninyo ito.
17 Hindi ba ang Diyos ay makatarungan,
bakit hinahatulan siya na parang makasalanan?
18 Sa mga hari, siya ang nagpaparusa,
kung sila'y masama at walang halaga.
19 Siya ang lumikha sa sangkatauhan,
kaya walang itinatangi, mahirap man o mayaman.
20 Sa isang kisap-mata, ang tao'y mamamatay,
ang hampasin ng Diyos, bigla na lamang papanaw
kahit siya'y malakas o makapangyarihan.
21 Bawat kilos ng tao'y tinitingnan niya,
ang bawat hakbang nito'y di lingid sa kanya.
22 Walang sapat na kadiliman
ang mapagtataguan ng mga makasalanan.
23 Hindi na kailangan ng Diyos na magtakda ng panahon,
upang ang tao'y lumapit sa kanya at gawaran ng hatol.
24 Hindi na rin kailangang siya'y mag-imbestiga,
upang mga pinuno'y alisin at palitan ng iba.
25 Sapagkat alam niya ang kanilang mga gawain,
sa gitna ng dilim, sila'y kanyang wawasakin.
26 Pinaparusahan niya ang masasama nang nakikita ng madla,
27 sapagkat ang kanyang mga utos ay nilalabag nila.
28 Dahil sa masasama, ang mahihirap ay humihibik
kaya't sa daing nila ang Diyos ay nakikinig.
29 “Kung ipasya ng Diyos na huwag kumibo,
walang maaaring sa kanya'y magreklamo.
Kung kanyang talikuran ang sangnilikha, ang tao kaya ay may magagawa?
30 Walang magagawa ang alinmang bansa
upang makaiwas sa pinunong masasama.
31 “Job, inamin mo na ba sa Diyos ang iyong kasalanan,
nangako ka na bang titigil sa kasamaan?
32 Hiniling mo na bang sa iyo'y ipaunawa ang lahat ng iyong masasamang gawa?
Nangako ka na bang titigil na nga sa gawang di tama?
33 Sapagkat sa Diyos ikaw ay lumalaban,
ibibigay kaya niya ang iyong kailangan?
Ikaw ang magsabi ng iyong kapasyahan,
sabihin mong lahat ang iyong nalalaman.
34 “Ang taong mayroong taglay na talino
na makarinig sa aki'y magsasabi ng ganito:
35 ‘Ang salita ni Job ay bunga ng kamangmangan,
at lahat ng sinasabi niya ay walang kabuluhan.’
36 Isipin ninyong mabuti ang mga sinasabi niya,
ang mga sagot niya ay sagot ng taong masasama.
37 Dinaragdagan pa niya ng paghihimagsik ang kanyang mga kasalanan,
hinahamak niya ang Diyos sa ating harapan.”
35 Nagpatuloy pa si Elihu,
2 “Ikaw, Job, ay wala sa katuwiran,
di mo masasabing sa harap ng Diyos, ika'y walang kasalanan.
3 Sa iyong sinasabi, ang mapapala ko'y ano?
Hindi kaya mabuti pang nagkasala na nga ako?
4 Ika'y aking sasagutin sa sinabi mong ito.
Sasagutin kita, pati mga kaibigan mo.
5 “Tumingala ka sa langit at igala ang paningin, masdan mo ang mataas na ulap sa papawirin.
6 Di(B) napipinsala ang Diyos sa mga kasalanan mo,
walang magagawa sa kanya gaano man karami ito.
7 Wala kang naitulong sa kanya sa iyong pagiging matuwid,
wala kang naibigay kahit bagay na maliit.
8 Kung nagkakasala ka'y kapwa mo ang nagdurusa,
sa paggawa ng mabuti'y natutulungan mo sila.
9 “Kapag ang mga tao'y inaapi, sila ay dumaraing,
sila'y nagmamakaawa upang ang tulong ay kamtin.
10 Ngunit hindi naman sila lumalapit sa Diyos,
na nagbibigay ng pag-asa kung dinaranas ay lungkot.
11 Ayaw nilang lumapit sa Diyos na nagbibigay sa atin ng karunungan,
higit sa taglay ng mga hayop o ibon sa kalawakan.
12 Humihibik sila sa Diyos ngunit hindi pinapakinggan,
pagkat sila'y mga palalo at puno ng kasamaan.
13 Huwag sabihing ang Makapangyarihang Diyos ay di nakikinig,
na di niya pinapansin ang kanilang sinapit.
14 “Ikaw na rin ang nagsabing ang Diyos ay hindi mo nakikita,
maghintay ka na lamang sapagkat ang kalagayan mo'y alam niya.
15 Akala mo'y hindi siya marunong magparusa,
at ang kasamaa'y ipinagwawalang-bahala niya.
16 Wala nang saysay kung magsasalita ka pa,
mga sinasabi mo nama'y walang kuwenta.”
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.
3 Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. 4 Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”
6 Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. 7 Pagkatapos(B) ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. 8 Ang(C) Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. 9 Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 10 Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.”
12 Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.
13 Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan. 15 Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos(D) nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David.
Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
17 upang ang Panginoon ay hanapin ng iba pang mga tao,
ng lahat ng mga Hentil na tinawag ko upang maging akin.
18 Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’”
19 Nagpatuloy si Santiago, “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating pahirapan ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. 20 Sa(E) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, at huwag kakain ng hayop [na binigti][a] at ng dugo. 21 Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.”
by