Old/New Testament
17 Gulung-gulo ang aking isipan, bilang na ang aking mga araw,
hinihintay na ako ng libingan.
2 Pinagmamasdan ko ang sa akin ay lumalait, mga salita nila'y lubhang masasakit.
3 O Diyos, ako'y tapat, kaya sa aki'y magtiwala,
ikaw lang ang makapagpapatunay sa aking mga salita.
4 Isip nila'y sinarhan mo upang di makaunawa;
laban sa akin, huwag nawa silang magtagumpay.
5 Siyang dahil sa salapi ay nagtataksil sa mga kaibigan,
kanyang mga anak ang siyang mawawalan.
6 Ako ngayo'y pinag-uusapan ng buong bayan,
pinupuntahan pa upang maduraan lamang.
7 Halos ako'y mabulag dahil sa kalungkutan,
kasingnipis ng anino ang buo kong katawan.
8 Mga nagsasabing sila'y tapat sa akin ay nagulat,
ang mga walang sala, sa aki'y nanunumbat.[a]
9 Ngunit ang mga matuwid ay lalong naniniwala,
at lalo pang nahikayat na sila nga ang tama.
10 Subalit silang lahat, humarap man sa akin,
wala akong maituturo na may talinong angkin.
11 “Tapos na ang mga araw ko, bigo ang aking mga plano,
ang aking pag-asa'y tuluyan nang naglaho.
12 Sabi nila, ang gabi ay araw na rin,
malapit na raw ang liwanag,
ngunit alam kong ako'y nasa dilim pa rin.
13 Ang tanging pag-asa ko'y ang daigdig ng mga patay,
at sa kadiliman doon ako mahihimlay.
14 Ang hukay ay tatawagin kong ama,
at ang mga uod ay ituturing kong mga kapatid at ina.
15 Nasaan nga ang aking pag-asa,
sino ang dito ay makakakita?
16 Madadala ko ba ito sa daigdig ng mga patay,
sasama ba ito sa alabok na hantungan?”
Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama
18 Sumagot si Bildad na Suhita,
2 “Kay rami naman ng iyong sinasabi,
tumahimik ka muna at pakinggan kami.
3 Kami ba'y ano sa iyong palagay?
Mga bakang hangal at walang nalalaman?
4 Sarili mo lang ang iyong sinasaktan, dahil sa galit na iyong tinataglay.
Pababayaan ba ang daigdig dahil lamang sa iyo,
at aalisin ang mga bundok sa kanilang puwesto?
5 “Ang(A) ilaw ng masama'y tiyak na papatayin,
ang kanyang apoy ay di na papaningasin.
6 Ang ilaw sa kanyang tahana'y pagdidilimin.
7 Ang matatag niyang hakbang ngayon ay nabubuwal,
pagbagsak niya'y nalalapit sa kanya ring kasamaan.
8 Di niya namamalayang ang kanyang mga paa ay sa bitag pupunta,
9 kaya naman nasisilo itong kanyang mga paa.
10 Isang silo ang sa kanya'y iniumang,
may bitag na nakahanda sa kanyang daraanan.
11 “Saanman siya bumaling, takot ay naghihintay;
sinusundan siya nito sa bawat hakbang.
12 Mayaman siya noon ngunit ngayo'y hikahos,
naghihintay sa kanya'y hirap at pagdarahop.
13 Nakamamatay na sakit, sa katawan niya'y kumakalat,
mga bisig at paa niya'y unti-unting naaagnas.
14 Dati siya'y panatag sa kanyang tahanan;
ngayo'y kinakaladkad patungo kay Kamatayan.
15 May iba nang nakatira doon sa dati niyang tahanan,
matapos malagyan ng gamot at malinis nang lubusan.
16 Ang kanyang mga ugat at mga sanga, lahat ay natuyo at pawang nalanta.
17 Lahat niyang alaala ay napawi nang lubusan;
nakalimutan nang lahat pati kanyang pangalan.
18 Mula sa liwanag, inihagis siya sa karimlan,
at pinalayas siya sa daigdig ng mga buháy.
19 Isang anak man o apo ay wala siyang naiwan, ni isa'y walang natira sa kanyang sambahayan.
20 Mula silangan hanggang kanluran, nanginginig at kinikilabutan
dahil sa kanyang matinding kasawian.
21 Ang masasamang tao'y ganyan ang kapalaran,
mga di kumikilala sa Diyos ganyan ang kahihinatnan.”
Naniniwala si Job na Pawawalang-sala Siya ng Diyos
19 Ang sagot ni Job,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan
sa mga salitang inyong binibitawan?
3 Maraming ulit na ninyo akong nilait,
di na kayo nahiya na sa aki'y magmalabis.
4 Kung nakagawa man ako ng kasalanan;
walang ibang mananagot kundi ako lamang.
5 Akala ninyo kayo'y mas mabuti kaysa akin,
pinagbabatayan ninyo'y ang hirap kong pasanin.
6 Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang may gawa nito;
ang bitag niyang iniumang ay nasa paligid ko.
7 Tumututol ako sa ganitong karahasan,
ngunit walang nakikinig
sa sigaw kong katarungan.
8 Hinarangan ng Diyos ang aking daraanan;
binalot niya ng dilim ang landas kong lalakaran.
9 Inalis niyang lahat ang aking kayamanan,
sinira pa niya ang aking karangalan.
10 Saanman ako bumaling, ako'y kanyang pinapalo,
parang punong binunot, pag-asa ko'y natutuyo.
11 Matindi ang galit ng Diyos sa akin;
isang kaaway ang sa aki'y kanyang turing.
12 Ang hukbo niya ay tinipon at ako ay kinubkob,
ang aking tahanan ay kanilang sinakop.
13 “Ang mga kapatid ko'y pinalayo niya sa akin;
mga dating kakilala, hindi na ako pinapansin.
14 Pati mga kamag-anak ko'y nag-alisan; naiwan akong walang kaibigan.
15 Dati kong mga panauhi'y di na ako kilala;
para na akong dayuhan sa aking mga alila.
16 Ang utos ko sa kanila'y hindi na rin pinapansin,
makiusap man ako'y ayaw pa rin akong sundin.
17 Pati na ang asawa ko'y nandidiri sa akin;
mga kapatid ko sa laman, ayaw akong makapiling.
18 Ako'y kinukutya ng mga batang paslit; kapag ako'y nakita, pinagtatawanan at nilalait.
19 Mga(B) kaibigan kong matalik sa akin ay nasusuklam,
ang mga minamahal ko, ako'y nilalayuan.
20 Buto't balat na lamang ang natitira sa akin,
ang pag-asa kong mabuhay, maliit na at katiting.
21 Mga kaibigan ko, sa akin sana'y mahabag;
kamay na ng Diyos ang sa aki'y humahampas.
22 Bakit n'yo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos?
Di pa ba kayo masaya sa kahirapan kong lubos?
23 “Ang mga salita ko sana'y maisulat
at maitala sa isang buong aklat!
24 At maiukit sa bato itong mga sinabi ko
upang habang panaho'y mabasa ng mga tao.
25 Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas,[b]
na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas.
26 Pagkatapos na maubos itong aking buong balat,
makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas.
27 Siya'y aking mamamasdan, at mukhaang makikita;
siya'y makikilala nitong aking mga mata.
Ang puso ko'y nananabik na masdan ko na siya.
28 “Ako ay patuloy ninyong uusigin,
pagkat iniisip ninyong ang sala nga ay sa akin.
29 Kayo sana ay mag-ingat sa talim nitong tabak,
na siyang maghahatid ng parusa sa kasalanan,
upang inyong malamang may hahatol nga sa wakas.”
Ang Pangitain ni Pedro
10 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. 2 Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. 3 Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”
4 Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”
Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. 5 Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. 6 Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”
7 Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. 8 Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.
9 Kinabukasan,(A) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[a] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”
14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”
15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.
17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.
Ang Kahulugan ng Pangitain
18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[b] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”
21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”
22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.