Old/New Testament
Tuntunin tungkol sa mga Sakit sa Balat
13 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Kung ang balat ninuman ay mamaga, magnana o kaya'y magkaroon ng parang singaw, at ang mga ito'y maging sakit sa balat na parang ketong, dapat siyang dalhin kay Aaron o sa mga anak niyang pari. 3 Susuriin ito ng pari at kung makita nitong namuti ang balahibo sa balat at sa palagay nito'y tagos hanggang laman, ang taong iyon ay maysakit sa balat na parang ketong. Kung magkagayon, ipahahayag niya itong marumi. 4 Ngunit kung balat lamang ang namuti at hindi pati balahibo, ihihiwalay siya nang pitong araw. 5 Pagkatapos, susuriin siyang muli sa ikapitong araw at kung sa tingin ng pari ay hindi lumalala ang sakit sa balat, pitong araw pa niya itong ihihiwalay. 6 Pagkaraan ng pitong araw, susuriin niyang muli ang may sakit. Kung nagbalik sa dati ang kulay ng kanyang balat at ang sakit sa balat ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan, ipahahayag siyang malinis dahil isa lamang itong pamamaga. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y magiging malinis na. 7 Ngunit kung mamaga uli ang kanyang balat at kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan, muli siyang haharap sa pari. 8 Sisiyasatin siyang muli at kung ang pamamaga ay kumakalat nga, ipahahayag ng pari na ang maysakit ay marumi. May sakit sa balat na parang ketong ang taong iyon.
9 “Ang sinumang magkaroon ng sakit na ito ay dapat dalhin sa pari 10 para masuri. Sisiyasatin ito at kung ang namamagang balat ay mamuti at magnaknak at ang balahibo nito ay mamuti rin, 11 hindi na siya ihihiwalay pa sapagkat tiyak ngang siya'y marumi. 12 Kung kumalat ito sa buong katawan, 13 sisiyasatin siya ng pari at kung naging maputing lahat ang balat niya, ipahahayag siyang malinis. 14 Subalit sa sandaling magbalik ang dating kulay at ang balat ay muling magsugat-sugat, ituturing siyang marumi. 15 Sisiyasatin siya ng pari at kung gayon nga ang makita rito, ipahahayag nitong marumi ang taong iyon. Ang paglitaw ng mga sugat ay tanda na ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong at siya ay maituturing na marumi. 16 Kung sakaling gumaling ang sugat at pumuti ang balat, dapat siyang pumunta sa pari 17 upang muling magpasuri. Kung makita ng pari na ang kanyang sugat ay pumuti, ipahahayag siyang magaling na. Malinis na siya ayon sa rituwal.
18 “Kung magkapigsa ang alinmang bahagi ng kanyang katawan at gumaling, 19 ngunit ito'y mamaga uli at mamuti o mamula, dapat humarap sa pari ang taong iyon. 20 Kung makita niyang tagos sa laman ang sugat at ang balahibo nito ay namuti, ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong; ang pinagmulan nito ay sa pigsa. 21 Ngunit kung hindi naman tagos sa laman at hindi namuti ang balahibo, ang maysakit ay ibubukod nang pitong araw. 22 Kung lumaganap ito sa ibang bahagi ng katawan, ipahahayag siyang marumi sapagkat siya'y may nakakahawang sakit sa balat. 23 Kung hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ito'y marka lamang ng pigsa at ipahahayag ng pari na malinis ang taong iyon.
24 “Kung mapaso ang isang parte ng katawan at ang parteng hindi napaso ay namula o namuti, 25 susuriin ito ng pari. Kung pumuti ang balahibo nito at tumagos sa laman ang sugat, ito'y sakit sa balat na parang ketong. Ipahahayag na marumi ang taong iyon. 26 Kung makita ng pari na ang balahibo ng napasong parte ng katawan ay hindi namuti at hindi tagos sa laman ang sugat, ihihiwalay niya ang taong iyon nang pitong araw. 27 Pagkatapos, ito'y susuriin ng pari at kung ang sakit ay kumakalat sa katawan, ipahahayag na marumi ang taong iyon. Siya ay may sakit sa balat na parang ketong. 28 Ngunit kung hindi kumakalat o humahawa sa ibang panig ng katawan at maputla ang kulay, pamamaga lamang ito ng napaso; ipahahayag siya ng pari bilang malinis sapagkat ito'y paltos lamang.
29 “Kung ang isang lalaki o babae ay magkasugat sa ulo o sa baba, 30 susuriin siya ng pari. Kung nangangati at tagos sa laman ang sugat, at ang buhok ay numinipis at naninilaw-nilaw, ipahahayag siyang marumi; siya'y may sakit sa balat na parang ketong. 31 Ngunit kung ang nangangating sugat ay hindi naman umabot sa laman at hindi nanilaw ang buhok, ihihiwalay siya sa loob nang pitong araw. 32 Pagkatapos, susuriin siya ng pari. Kung hindi ito kumakalat at di tagos sa laman o hindi naninilaw ang buhok, 33 mag-aahit ang maysakit maliban sa palibot ng sugat, ngunit pitong araw pa siyang ihihiwalay. 34 Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari. Kung ang sugat ay hindi kumakalat sa ibang panig ng katawan, ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Maglalaba siya ng kanyang damit at siya'y magiging malinis. 35 Ngunit pagkatapos niyang makapaglinis at magkaroon muli ng sugat sa ibang panig ng katawan, 36 susuriin siya ng pari. Kung kumakalat ang sugat, ang taong iyon ay ituturing na marumi kahit hindi naninilaw ang buhok sa may sugat. 37 Kung sa tingin ng pari ay hindi kumakalat ang sugat at tinutubuan na ito ng itim na buhok, magaling na ang taong iyon at ituturing nang malinis.
38 “Kung ang sinumang babae o lalaki ay magkaroon ng mga batik na puti sa kanyang balat, 39 susuriin siya ng pari. Kung hindi masyadong maputi ang batik, an-an lamang iyon; siya'y ituturing na malinis.
40 “Kung nalalagas ang buhok ng isang tao, hindi siya ituturing na marumi kahit siya'y kalbo. 41 Kung malugas ang buhok sa gawing noo, siya ay kalbo rin, ngunit ituturing na malinis. 42 Ngunit kung may lumitaw na mamula-mulang sugat sa kalbo niyang ulo o noo, ito'y maaaring sakit sa balat na parang ketong. 43 Susuriin siya ng pari. Kung ang sugat na iyon ay tulad ng sakit sa balat na parang ketong na tumubo sa ibang bahagi ng katawan, 44 ipahahayag ng pari na siya'y marumi dahil sa sakit sa balat na parang ketong na nasa kanyang ulo.
45 “Ang taong may sakit sa balat na parang ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, huwag mag-aayos ng buhok, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi ako! Marumi ako!’ 46 Hangga't siya'y may sugat, ituturing siyang marumi at sa labas ng kampo maninirahang mag-isa.”
Tuntunin tungkol sa Mantsa sa Damit o Kagamitang Katad
47 “Kung magkaroon ng amag[a] ang damit na lana o lino 48 o ang sinulid na lana o lino na di pa nahahabi o anumang yari sa balat, at 49 kung berde o mamula-mula ang amag, ito'y dapat ipakita sa pari. 50 Susuriin niya ito at pitong araw na ipapatago ang damit na nagkabatik. 51 Sa ikapitong araw, muli niyang titingnan ito at kung ang amag ay humawa sa ibang bahagi ng damit, maging ito'y kagamitang yari sa tela o balat, ituturing itong marumi. 52 Susunugin na niya ang mga ito sapagkat ito'y nakakahawa.
53 “Subalit kung hindi naman humahawa sa ibang parte ang mantsa nito, maging ito'y sa damit, sa kagamitang yari sa balat o sinulid, 54 iuutos niyang labhan iyon, ngunit ipapatago pa niya nang pitong araw. 55 Pagkatapos, muli itong sisiyasatin ng pari. Kung hindi pa rin nagbabago ang kulay nito, kahit hindi humahawa, ituturing na itong marumi at dapat sunugin, kahit ang amag ay nasa loob o nasa labas na bahagi ng kagamitan.
56 “Ngunit kung mapuna niyang kumupas ang mantsa, ang bahaging iyo'y gugupitin niya sa damit o kagamitang yari sa tela o balat. 57 At kung may lumitaw pang ibang mantsa, ang damit ay dapat nang sunugin. 58 Ngunit kung malabhan ang damit, kagamitang yari sa balat o sinulid, at maalis ang mantsa, ito'y lalabhang muli at ituturing nang malinis.”
59 Ito ang tuntunin tungkol sa mga amag ng anumang kasuotang damit o balat upang malaman kung marumi o malinis ang mga iyon.
Ang Banal na Hapunan(A)
26 Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.”
27 Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Kayong lahat ay uminom nito 28 sapagkat(B) ito ang aking dugo na katibayan ng tipan[a] ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami.
29 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
30 At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.
Paunang Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(C)
31 Sinabi(D) ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 32 Ngunit(E) pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
33 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
34 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” 35 Ngunit sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(F)
36 Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” 37 Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, 38 kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”
39 Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”
40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
42 Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” 43 Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.
44 Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. 45 Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 46 Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(G)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. 48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”[b] At siya'y nilapitan nila at dinakip.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.