Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 3:20-35

Paanong Napalabas ni Satanas si Satanas

20 Muling nagkatipon ang napakaraming tao na anupa’t si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi man lamang makakain ng tinapay.

21 Nang marinig ito ng kaniyang mga kamag-anak, sila ay pumaroon upang hulihin siya sapagkat sinasabi ng mga tao: Nasisiraan siya ng bait.

22 Ang mga guro ng kautusan na dumating mula sa Jerusalem ay nagsabi naman: Nasa kaniya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinakapinuno ng mga demonyo ay nagpapa­layas siya ng mga demonyo.

23 Pinalapit ni Jesus ang mga tao sa kaniya at nangusap sa kanila sa mga talinghaga. Paanong mapapalabas ni Satanas si Satanas? 24 Kapag ang isang paghahari ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang paghaharing iyon ay hindi makakatayo. 25 At kapag ang isang sambahayan ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makakatayo. 26 Gayundin, kung si Satanas ay maghimagsik laban sa kaniyang sarili at mahati, hindi siya makakatayo kundi iyon na ang kaniyang wakas. 27 Walang makakapasok sa anumang paraan sa bahay ng isang taong malakas at magnakaw at manira ng kaniyang ari-arian. Malibang magapos muna niya ang taong malakas saka pa lamang niya mananakawan at masisira ang bahay na iyon. 28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat ng kasalanan ay ipapatawad sa mga anak ng tao at ang anuman pamumusong. 29 Ngunit ang sinumang mamusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin kailanman. Nanga­nganib siya sa walang hanggang kahatulan.

30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi nila: Mayroon siyang karumal-dumal na espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

31 Pagkatapos nito ay dumating ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus. Sila ay nakatayo sa labas ng bahay at nagsugo na tawagin siya.

32 Nakaupo ang napakaraming tao sa palibot niya. Sinabi ng mga sinugo sa kaniya: Narito, nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.

33 Sinagot sila ni Jesus: Sino ang aking ina o mga kapatid?

34 Pagtingin niya sa mga taong nakaupo sa palibot, sinabi niya: Tingnan ninyo ang aking ina at mga kapatid. 35 Ito ay sapagkat ang sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International