Old/New Testament
Nagbigti si Judas
27 Kinaumagahan, lahat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao ay sumangguni sa isa’t isa laban kay Jesus upang maipapatay nila siya.
2 Tinalian nila si Jesus at ibinigay kay Pontio Pilato na gobernador.
3 Nang makita ni Judas, na siyang nagkanulo kay Jesus, na siya ay hinatulan, nagsisi siya. Isinauli niya ang tatlumpung pilak sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. 4 Sinabi niya: Nagkasala ako sa pagkakanulo ko sa walang salang dugo.
Ngunit sinabi nila: Ano iyan sa amin? Ikaw na ang bahala diyan.
5 Itinapon niya ang tatlumpung pilak sa banal na dako at siya ay umalis. Pagkaalis niya roon, siya ay nagbigti.
6 Kinuha ng mga pinunong-saserdote ang tatlumpung pilak.Kanilang sinabi: Labag sa kautusan na ilagay ang mga ito sa kaban ng yaman sapagkat ibinayad sa dugo ang salaping ito. 7 Nang sila ay nakapagsanggunian na, ibinili nila ito ng bukid ng magpapalayok upang ito ay maging libingan ng mga dayuhan. 8 Kaya nga, ang bukid na iyon ay tinawag, hanggang sa araw na itona: Bukid ng dugo. 9 Natupad nga ang sinabi ni propeta Jeremias. Sinabi niya: Kinuha ko ang tatlumpung pilak. Ito ang ibinigay na kaniyang halaga, na itinakdang halaga ng mga anak ni Israel. 10 Ito ay ibinigay para sa bukid ng magpapalayok ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
Si Jesus sa Harap ni Pilato
11 Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador. Tinanong siya ng gobernador na sinasabi: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.
12 Nang siya ay pinaratangan ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda, wala siyang isinagot. 13 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Narinig mo ba ang marami nilang paratang laban sa iyo? 14 Hindi sumagot si Jesus sa kaniya, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
15 Kinaugalian na ng gobernador na sa tuwing araw ng paggunita ay magpapalaya siya sa karamihan ng isang bilanggo na ibig nila. 16 Nang panahong iyon, ay mayroon silang isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas. 17 Nang sila ay nagtipun-tipon sinabi ni Pilato sa kanila: Sino ang nais ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo? 18 Ito ay sapagkat alam niya na inggit ang dahilan nang ibinigay nila si Jesus sa kaniya.
19 Samantalang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, lumapit sa kaniya ang kaniyang asawa. Kaniyang sinabi: Huwag mo nang pakialaman ang matuwid na taong iyan. Ang dahilan ay lubha akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa lalaking iyan.
20 Ngunit hinikayat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao, na hingiin ng karamihan si Barabas at ipapatay si Jesus.
21 Sumagot ang gobernador: Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko para sa inyo?
Sinabi nila: Si Barabas!
22 Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano nga ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?
Sinabi nilang lahat sa kaniya: Ipapako siya sa krus!
23 Sinabi ng gobernador: Ano ang ginawa niyang masama?
Ngunit lalo silang sumigaw, na sinasabi: Ipapako siya sa krus!
24 Nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa dito at ang mga tao ay nagsimula ng magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng napakaraming tao. Sinabi niya: Wala akong sala sa dugo ng matuwid na lalaking ito. Kayo na ang bahala sa bagay na ito.
25 Sumagot ang lahat ng mga tao: Mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.
26 Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas ngunit ipinahagupit niya si Jesus at ibinigay niya sa kanila upang ipako sa krus.
Copyright © 1998 by Bibles International