Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel
9 Yamang ako'y kay Cristo, katotohanan ang sinasabi ko; sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagpapatotoo ang aking budhi at hindi ako nagsisinungaling. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa aking mga kababayan at kalahi. Nanaisin ko pang ako'y sumpain at mahiwalay kay Cristo alang-alang sa kanila. 4 Sila'y (A) mga Israelita, sila'y kinupkop bilang mga anak. Ipinakita sa kanila ang kaluwalhatian ng Diyos; ibinigay sa kanila ang pakikipagtipan at ang Kautusan, ang tungkol sa pagsamba, at ang mga pangako. 5 Sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo ayon sa laman, Diyos na Kataas-taasan at Maluwalhati magpakailanpaman. Amen.[a]
6 Hindi nangangahulugang nawalan ng saysay ang salita ng Diyos. Sapagkat hindi naman lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel. 7 At (B) hindi rin lahat ng nagmula kay Abraham ay mga anak ni Abraham, sa halip—nasusulat, “Sa pamamagitan ni Isaac, ang iyong mga anak ay kikilalanin.” 8 Ang ibig sabihin nito, hindi lahat ng anak ayon sa laman ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyong mga ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat (C) ganito ang isinasaad ng pangako, “Sa ganito ring panahon ay babalik ako at magkakaanak si Sarah ng isang lalaki.” 10 At hindi lamang iyon, si Rebecca rin nang siya'y nagdalang-tao sa pamamagitan ng isang lalaki, si Isaac, na ating ninuno, 11 bagaman ang mga bata ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakagagawa ng anumang mabuti o masama, ipinakita ng Diyos ang kanyang pagpili. 12 At ito'y (D) hindi batay sa mga gawa, kundi ayon sa layunin ng tumatawag. Sinabihan si Rebecca ng ganito, “Ang mas matanda ay maglilingkod sa mas bata.” 13 Gaya (E) ng nasusulat,
“Si Jacob ay aking minahal,
ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”
14 Ano ngayon ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay hindi makatarungan? Huwag nawang mangyari! 15 Sapagkat (F) ganito ang sinabi niya kay Moises,
“Maaawa ako sa nais kong kaawaan,
at kahahabagan ko ang nais kong kahabagan.”
16 Samakatuwid ang pagpili ay hindi ayon sa kagustuhan o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa awa ng Diyos. 17 Sapagkat (G) sinasabi ng Kasulatan kay Faraon, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo ay maipakita ko ang aking kapangyarihan, at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya kinaawaan ng Diyos ang nais niyang kaawaan, at pinatitigas ang puso ng sinumang nais niyang pagmatigasin.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Maaaring sabihin ninyo sa akin, “Kung gayo'y bakit sinisisi pa tayo ng Diyos? Sino ba ang maaaring sumalungat sa kanyang kagustuhan?” 20 Ngunit, (H) sino ka ba, O tao, na sasagot nang laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21 Wala bang karapatan ang magpapalayok na bumuo mula sa isang tumpok ng putik ng isang sisidlan para sa mahalagang gamit at ng isa pang sisidlan para sa pangkaraniwang gamit? 22 Kung nais ipakita ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin ba niyang pagtitiisan ang mga sisidlan ng poot na inihanda para sa pagkawasak? 23 Hindi ba't ginawa niya ito upang ipakilala ang yaman ng kanyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noong una pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24 Hindi ba kabilang tayo sa kanyang mga tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? 25 Gaya (I) ng sinasabi niya sa aklat ni Hosea,
“Tatawagin kong ‘Bayan ko’ ang dating hindi ko bayan;
at ‘Minamahal’ ang dating hindi ko mahal.”
26 “At (J) sa mismong lugar kung saan sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’ ”
27 Ito (K) naman ang isinisigaw ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, ang kaunting nalabi lamang sa kanila ang maliligtas. 28 Sapagkat mabilis at tiyak na igagawad ng Panginoon ang kanyang hatol sa daigdig.” 29 Gaya ng sinabi (L) ni Isaias noong una,
“Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng mga anak,[b]
tayo sana'y naging tulad ng Sodoma,
at naging gaya ng Gomorra.”
Ang Israel at ang Ebanghelyo
30 Ano ngayon ang sasabihin natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid ay naging matuwid, at ito'y mula sa pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel na nagsikap maging matuwid batay sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit? Sapagkat sinikap nilang maging matuwid batay sa mga gawa, at hindi batay sa pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 gaya ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, (M) maglalagay ako sa Zion ng isang katitisurang bato,
isang malaking batong ikabubuwal ng mga tao,
ngunit ang sinumang sa kanya'y magtitiwala,
kailanman ay hindi mapapahiya.”
10 Mga kapatid, hangarin ng aking puso at dalangin sa Diyos na maligtas ang sambayanang Israel. 2 Makapagpapatunay ako na masigasig sila tungkol sa Diyos, subalit hindi ito ayon sa tamang pagkaunawa. 3 Dahil hindi nila nauunawaan ang pagiging matuwid na nagmumula sa Diyos, at nagsisikap silang magtayo ng sariling paraan upang maging matuwid, hindi sila nagpasakop sa paraan ng Diyos sa pagiging matuwid. 4 Si Cristo ang katuparan ng Kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya sa kanya.
Kaligtasan para sa Lahat
5 Ganito (N) ang sinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” 6 Ngunit (O) ganito naman ang sinasabi ng pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’ ”—ito ay upang ibaba si Cristo. 7 “O, ‘Sino ang lulusong sa kailaliman?’ ”—ito ay upang iahon si Cristo mula sa mga patay. 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong bibig, at nasa iyong puso.” Ito ang salita ng pananampalataya na aming ipinapangaral. 9 Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon, at sasampalataya ka nang buong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa kamatayan ay maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng puso tungo sa pagiging matuwid at nagpapahayag sa pamamagitan ng bibig tungo sa kaligtasan. 11 Sinasabi (P) ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Walang pagkakaiba ang Judio at Griyego, sapagkat iisa ang Panginoon ng lahat, at siya'y mapagpala sa lahat ng tumatawag sa kanya. 13 Sapagkat, (Q) “Ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.” 14 Ngunit paano sila tatawag sa hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila sasampalataya sa hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? 15 At (R) paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? Gaya ng nasusulat, “Napakaganda ng mga paang nagdadala ng mabuting balita!” 16 Subalit (S) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang naririnig ay sa pamamagitan ng pangangaral ng salita ni Cristo.[c] 18 Ngunit (T) sinasabi ko, hindi ba't narinig nila? Talagang narinig nila, ayon sa nasusulat,
“Umabot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
lumaganap ang kanilang mga salita hanggang sa dulo ng daigdig.”
19 Ngunit (U) ang tanong ko, hindi ba nauunawaan ng Israel? Una, sinasabi sa pamamagitan ni Moises,
“Pagseselosin ko kayo sa pamamagitan nila na hindi naman bansa,
gagalitin ko kayo sa pamamagitan ng isang bansang walang pagkaunawa.”
20 At (V) sa pamamagitan ni Isaias ay buong tapang na sinasabi,
“Natagpuan ako ng mga taong hindi humahanap sa akin;
Nagpakita ako sa mga taong hindi naman ako ipinagtatanong.”
21 Subalit (W) tungkol naman sa Israel ay sinasabi niya, “Mga kamay ko'y nag-aanyaya buong araw sa isang matigas ang ulo at suwail na bayan!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.