Read the New Testament in 24 Weeks
Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya
5 Huwag mong pagsasalitaan nang magaspang ang nakatatandang lalaki. Sa halip, pakiusapan mo siya na parang sarili mong ama. Ituring mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki, 2 ang mga nakatatandang babae na parang sariling ina, at ang mga nakababatang babae na para mong kapatid—nang buong kalinisan.
3 Bigyan mo ng pagkilala ang mga biyudang talagang nangangailangan. 4 Ngunit kung ang isang biyuda ay may mga anak o mga apo, dapat muna nilang matutuhan ang kanilang banal na tungkulin na pangalagaan ang kanilang sariling sambahayan at tumanaw ng utang na loob sa kanilang mga magulang. Ito ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 5 Ang biyudang tunay na nangangailangan at naiwang nag-iisa ay tanging sa Diyos na lamang umaasa. Kaya patuloy ang kanyang dalangin araw at gabi. 6 Subalit ang biyudang namumuhay sa karangyaan ay maituturing nang patay kahit buháy pa. 7 Iutos mo ang mga ito upang hindi sila mapintasan. 8 Ang sinumang hindi nangangalaga sa kanyang mga kamag-anak at lalo na sa kanyang kasambahay ay tumalikod na sa pananampalataya at masahol pa siya sa hindi sumasampalataya.
9 Dapat isama sa listahan ang isang biyuda kung siya ay animnapung taong gulang pataas, naging asawa ng iisang lalaki, 10 at kilala sa paggawa ng mabuti, gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, may magandang loob sa mga panauhin, naglilingkod sa mga kapatid sa Panginoon, tumutulong sa mga nangangailangan, at naglalaan ng sarili sa paggawa ng mabuti.
11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga batang biyuda, sapagkat maaaring ilayo sila kay Cristo ng kanilang maalab na pagnanasa at sila'y mag-asawang muli. 12 Dahil dito, nagkakasala sila dahil sa hindi nila pagtupad sa una nilang pangako. 13 Natututo rin silang maging tamad at nagsasayang ng panahon sa pangangapitbahay. Nagiging tsismosa rin sila, pakialamera at madaldal. 14 Kaya't para sa akin, mas mabuti pa sa mga batang biyuda na mag-asawang muli, magkaanak at mamahala sa kanilang tahanan, upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang kaaway na tayo'y mapintasan. 15 Sapagkat ang iba nga'y tumalikod na at sumunod kay Satanas. 16 Kung ang babaing mananampalataya ay may mga kamag-anak na biyuda, siya ang dapat mangalaga sa kanila nang hindi na sila makadagdag sa pasanin ng iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang talagang nangangailangan.
17 Ang mga matatandang pinuno na mahusay mamahala sa iglesya ay karapat-dapat sa dobleng parangal lalo na ang mga nagsisikap sa pangangaral at pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang ito'y gumigiik.” (A) Nasusulat din, “Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.” 19 Huwag kang tatanggap ng anumang paratang laban sa matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. (B)
20 Ang nagpapatuloy naman sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng mga piniling anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan at huwag gumawa ng anuman na may pagtatangi.
22 Huwag kang kaagad-agad na magpapatong ng kamay kung kani-kanino. Ingatan mong hindi ka makibahagi sa kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.
23 Mula ngayon, huwag tubig na lamang ang iyong inumin. Uminom ka rin ng kaunting alak para sa iyong sikmura at madalas na pagkakasakit.
24 May mga taong hayag na ang pagkakasala bago pa man humarap sa hukuman. Ngunit ang kasalanan naman ng iba'y huli na kung mahayag. 25 Ganoon din sa mabuting gawain. May mabubuting gawa na madaling mapansin, ngunit kung di man madaling mapansin, ang mga ito nama'y hindi mananatiling lihim.
6 Dapat igalang nang lubusan ng mga alipin ang kanilang panginoon upang hindi lapastanganin ang pangalan ng Diyos at ang mga aral. 2 At kung ang amo nila'y kapwa mananampalataya, hindi dapat mawala ang kanilang paggalang dahil sila ay magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang mas paghusayin ang kanilang paglilingkod dahil ang pinaglilingkuran nila'y mga minamahal na kapatid.
Maling Katuruan at Tunay na Kayamanan
Ang mga ito ang dapat mong ituro at bigyang-diin sa mga tao. 3 Sinumang nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa tunay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at katuruang naaayon sa banal na pamumuhay, 4 siya ay nagyayabang at walang nalalaman. Mahilig siya sa mga pagtatalo tungkol sa mga salita, na nauuwi sa inggitan, alitan, panlalait, masamang hinala, 5 sa pag-aaway ng mga taong marumi ang pag-iisip, ayaw kumilala sa katotohanan, at nag-aakalang ang banal na pamumuhay ay paraan ng pagpapayaman. 6 Subalit ang banal na pamumuhay na may kasiyahan ay malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at pag-alis dito'y wala rin tayong madadalang anuman. 8 Kung tayo'y may pagkain at damit, sa mga ito'y dapat na tayong masiyahan. 9 Subalit ang mga naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng kahangalan at nakapipinsalang pagnanasa. Ang mga ito ang magtutulak sa tao ng kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kapighatian.
Ang Mabuting Laban ng Pananampalataya
11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Pagsikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na siyang dahilan ng pagkatawag sa iyo nang maipahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutos ko sa iyo, sa (C) harap ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, at ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti at may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Ipapakita siya ng Diyos sa takdang panahon, ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
17 Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang magmataas o magtiwala sa kayamanang lumilipas at pansamantala lamang. Sa halip ay magtiwala sila sa Diyos na masaganang nagkakaloob ng lahat ng bagay para sa ating kasiyahan. 18 Turuan mo silang gumawa ng kabutihan at maging mayaman sa mabuting gawa, maging bukas-palad at namamahagi sa nangangailangan. 19 Sa ganitong paraan sila makapag-iipon ng kayamanan para sa matatag na bukas upang magkamit ng tunay na buhay.
20 Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pangangatwiran ng huwad na kaalaman. 21 Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya.
Pagpalain nawa kayo ng Diyos.[a]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.