Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Juan 2-3

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. Inanyayahan din sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. At nang kinulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, ano'ng kinalaman nito sa akin at sa iyo? Hindi pa ito ang aking panahon.” Kinausap ng kanyang ina ang mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya.” Mayroon doong anim na banga na ginagamit ng mga Judio sa paglilinis ayon sa Kautusan. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nga nila ang mga ito hanggang halos umapaw. At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ngayon, kumuha kayo, at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya iyon nga ang ginawa nila. Tinikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak na. Dahil hindi niya alam kung saan ito nanggaling, bagama't alam ng mga lingkod na kumuha ng tubig, tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kanya, “Karaniwang inihahain muna ng tao ang mataas na uri ng alak, at saka pa lamang ihahain ang mababang uri nito kapag ang lahat ay lasing na. Ngunit ngayon mo lamang inilabas ang mataas na uri ng alak.” 11 Ito ang una sa mga himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito sa Cana ng Galilea at sa gayo'y ipinahayag niya ang kanyang kaluwalhatian. At sumampalataya nga sa kanya ang kanyang mga alagad. 12 (A)Pagkaraan nito nagtungo siya sa Capernaum kasama ang kanyang ina, mga kapatid at mga alagad. Doo'y nanatili sila ng ilang araw.

Nilinis ni Jesus ang Templo(B)

13 (C)Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nadatnan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at mga mámamalit ng salapi. 15 Dahil dito, gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya ang lahat palabas ng templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ipinagtatapon niya ang mga salapi ng mga mámamalit at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo ang lahat ng ito! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” 17 (D)At naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, “Ang malasakit para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” 18 Dahil dito, sinabi ng mga Judio sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin bilang dahilan para gawin mo ang mga bagay na ito?” 19 (E)Sumagot sa kanila si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli kong itatayo.” 20 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Itinayo ang templong ito sa loob ng apatnapu't anim na taon, at itatayo mo ito sa loob lamang ng tatlong araw?” 21 Ngunit ang tinutukoy niyang templo ay ang kanyang katawan. 22 At nang siya'y binuhay mula sa kamatayan, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya't naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Kilala ni Jesus ang Lahat ng Tao

23 Nang siya'y nasa Jerusalem noong Pista ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan nang makita nila ang mga himala na kanyang ginawa. 24 Subalit hindi nagtiwala si Jesus sa kanila, 25 dahil kilala niya ang lahat ng mga tao at hindi niya kailangan ang sinuman para magpatunay tungkol sa tao, sapagkat alam niya kung ano ang niloloob nila.

Si Jesus at si Nicodemo

May isang taong nagngangalang Nicodemo, isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. Kinagabiha'y pumunta kay Jesus ang taong ito at sinabi sa kanya, “Rabbi, alam po naming ikaw ay isang gurong mula sa Diyos, sapagkat walang sinumang makagagawa ng mga himalang ginagawa mo malibang sumasakanya ang Diyos.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang tao'y ipanganak mula sa itaas,[a] hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Nicodemo sa kanya, “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Maaari ba siyang pumasok muli sa sinapupunan ng kanyang ina upang maipanganak?” Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kailangang kayo'y ipanganak mula sa itaas[b].’ Ang hangin[c] ay umiihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang tunog nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumupunta. Gayundin ang sinumang ipinanganak sa Espiritu.” Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paano pong mangyayari ang mga ito?” 10 Sumagot si Jesus, “Guro ka ng Israel, at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nagsasalita kami tungkol sa alam namin, at nagpapatotoo sa mga nakita namin; ngunit hindi ninyo ito tinatanggap. 12 (F)Kung ang sinabi ko sa inyo na mga bagay na panlupa ay hindi ninyo pinaniniwalaan, paano kayong maniniwala kung mga bagay na panlangit na ang sasabihin ko sa inyo? 13 (G)Walang sinumang nakaakyat sa langit maliban sa kanya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 (H)At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, ganoon din kailangang maitaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat ganoon inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat isinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang sanlibutan. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na, sapagkat hindi siya sumasampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos. 19 At ito ang hatol: dumating sa sanlibutan ang ilaw, ngunit mas inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw, dahil masasama ang kanilang mga gawa. 20 Ang sinumang gumagawa ng mga masama ay namumuhi sa ilaw, at hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang sinumang nagsasagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, nang sa gayon ay mahayag na ang ginagawa niya ay naaayon sa Diyos.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga ito, nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doo'y nanatili siya kasama nila at nagbautismo. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang dumating at nabautismuhan. 24 (I)(Hindi pa nakakulong si Juan nang mga panahong ito.) 25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't lumapit sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabbi, ang taong kasama mo sa kabila ng Jordan, na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo. Pumupunta sa kanya ang lahat.” 27 Sumagot si Juan, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ibinigay sa kanya mula sa langit. 28 (J)Kayo mismo ay mga saksi nang sabihin kong hindi ako ang Cristo, kundi ako ay isinugong una sa kanya. 29 Ang kasama ng kasintahang babae ay ang lalaking ikakasal. Nakatayo ang kaibigan ng lalaking ikakasal at siya'y lubos na nagagalak dahil sa narinig na niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Dahil dito'y lubos na rin ang aking kagalakan. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”

Ang Nagmula sa Langit

31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (K)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.