Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Santiago 4-5

Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan

Ano ba ang sanhi ng inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't ang mga ito'y dahil sa inyong mga layaw na naglalaban-laban sa loob ng inyong pagkatao? Naghahangad kayo ngunit hindi mapasainyo. Kaya't pumapatay kayo. Hindi ninyo makuha ang mga bagay na hinahangad ninyo kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo makuha ang inyong hinahangad dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. Kung humingi man kayo, hindi rin ninyo matatanggap sapagkat hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang gamitin sa inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. Huwag ninyong ipagwalang-bahala ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Diyos na may kaagaw siya sa espiritu na ibinigay niya upang manirahan sa atin.” Ngunit (A) ang Diyos ay nagkakaloob ng higit pang biyaya. Kaya naman sinasabi, “Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.” Kaya't pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo, at siya ay tatakbo palayo sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Gawin ninyong dalisay ang inyong puso, kayong mga nagdadalawang-isip. Managhoy, magluksa at tumangis. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at itataas niya kayo.

Babala Laban sa Paghatol

11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Sinumang magsalita laban sa kanyang kapatid, o humahatol dito ay nagsasalita ng masama laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad ng Kautusan, kundi isang hukom. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya sino ka para humatol sa iyong kapwa?

Babala Laban sa Kapalaluan

13 Makinig (B) kayo, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o ganoong bayan, at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal at kikita nang malaki.” 14 Bakit, alam ba ninyo ang mangyayari bukas? Ano ba ang inyong buhay? Ang buhay ninyo'y usok lamang na sandaling lumilitaw at agad naglalaho. 15 Sa halip, ang dapat ninyong sabihin ay, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo ngayon ay nagmamalaki sa inyong kayabangan! Masama ang lahat ng ganyang kayabangan! 17 Kaya sinumang nakaaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa, ibibilang itong kasalanan niya.

Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman

Makinig kayo rito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok (C) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mga kulisap ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kanilang kalawang ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy ito na tutupok sa inyong laman. Nag-imbak kayo ng kayamanan para sa mga huling araw. Pakinggan ninyo ang sigaw (D) laban sa inyo ng mga sahod ng mga gumapas sa inyong bukirin dahil hindi ninyo ito ibinigay sa mga manggagawa. Umabot na ang mga hinaing ng mga manggagapas sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat. Nagpakasawa kayo sa layaw at karangyaan dito sa lupa. Pinataba ninyo ang inyong puso para sa araw ng pagkatay. Hinatulan ninyo at pinaslang ang walang sala, na hindi naman lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Panalangin

Kaya magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Masdan ninyo kung paano hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa at kung gaano siya katiyaga hanggang sa pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong maging matiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat malapit na ang pagdating ng Panginoon. Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, upang hindi kayo mahatulan ng Diyos. Tingnan ninyo! Nakatayo ang hukom sa labas ng pintuan! 10 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang mga propetang nagpahayag sa pangalan ng Panginoon at gawin ninyo silang halimbawa ng pagtitiyaga sa gitna ng pagdurusa. 11 (E) Alalahanin ninyong itinuturing nating pinagpala ang nanatiling matatag sa gitna ng pagtitiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung gaano kalaki ang kanyang habag at kagandahang-loob. 12 Ngunit (F) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa na saksi ninyo ang langit o ang lupa o ano pa man. Sapat nang sabihin ninyong “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo maparusahan.

13 Nagdurusa ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May (G) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ang magpapagaling sa maysakit, palalakasin siyang muli ng Panginoon at kung siya'y nagkasala, siya'y patatawarin. 16 Kaya't ipagtapat ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa at magdalanginan upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa. 17 Si (H) Elias ay taong tulad din natin. Taimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan sa lupain sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At (I) nang siya'y manalangin upang umulan, bumuhos ang ulan mula sa langit at mula sa lupa'y sumibol ang mga halaman. 19 Mga kapatid ko, kung sinuman sa inyo ay naligaw mula sa katotohanan, at may umakay sa kanya pabalik sa tamang landas, 20 dapat (J) niyang malaman na sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa tamang landas ay nagliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan at maghahatid sa kapatawaran ng maraming kasalanan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.