Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo dahil kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Yamang nabalitaan ninyo na ipinagkatiwala sa akin ang biyaya ng Diyos para sa inyo, 3 at gaya ng nabanggit ko sa aking maikling liham, ay ipinaalam sa akin ang hiwaga sa pamamagitan ng pahayag. 4 Sa inyong (A) pagbasa nito ay mababatid ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo. 5 Hindi ito ipinaalam sa sangkatauhan noong mga nakaraang salinlahi, ngunit ngayon ay ipinahayag sa pamamagitan ng Espiritu sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 Ito ang hiwaga: na ang mga Hentil ay magiging kapwa tagapagmana, mga kaanib ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangakong nakay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 7 Para dito, ako'y naging isang lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin ayon sa pagkilos ng kanyang kapangyarihan. 8 Bagaman ako ang pinakahamak kung ihahambing sa lahat ng mga banal, ibinigay sa akin ang biyayang ito upang ipahayag sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa walang kapantay na kayamanan ni Cristo; 9 at upang malinaw na makita ng lahat ng tao ang pagtupad bilang katiwala ng hiwagang ito, na sa napakatagal na panahon ay inilihim ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat ng bagay. 10 Sapagkat layunin niya na sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pamunuan at mga maykapangyarihan sa kalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos, 11 alinsunod sa walang hanggang panukala ng Diyos na kanyang isinagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa kanya, may lakas ng loob at pagtitiwala tayong makalalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. 13 Kaya't huwag sana kayong manlupaypay dahil sa mga pagdurusa ko alang-alang sa inyo; ito'y para sa inyong kaluwalhatian.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Kaya't nakaluhod akong nananalangin sa Ama,[a] 15 na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, 17 at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, habang kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. 18 Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, 19 at lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman, upang kayo'y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin, 21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen.
Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo
4 Kaya't ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay nakikiusap sa inyo na kayo'y mamuhay nang naaayon sa pagkatawag din sa inyo. 2 Taglayin ninyo ang (B) lubos na pagpapakumbaba at kaamuan, may pagtitiyaga, at pagpaparaya sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig. 3 Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. 4 May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, 5 isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, 6 isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang dakila kaysa lahat, at siyang kumikilos sa lahat, at nasa lahat. 7 Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. 8 Kaya't (C) nasusulat,
“Nang umakyat siya sa itaas ay dala niya ang maraming bihag,
at namahagi siya ng mga kaloob sa mga tao.”
9 Sa pagsasabing, “Umakyat siya,” di ba't ipinahihiwatig nito na siya'y bumaba rin sa mas mababang dako ng lupa? 10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kataas-taasang dako ng kalangitan upang mapuspos niya ang lahat ng bagay. 11 At siya ang nagbigay sa iba ng kaloob na maging apostol, sa iba'y maging propeta, sa iba'y ebanghelista, at sa iba'y pastor at guro. 12 Ito'y upang ihanda ang mga banal para sa gawain ng paglilingkod, tungo sa ikatatatag ng katawan ni Cristo, 13 hanggang marating natin lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang lubos na pagkakilala sa Anak ng Diyos, tungo sa pagiging ganap na tao, hanggang taglayin ang lubos na kabuuan ni Cristo. 14 Sa gayon ay hindi tayo mananatiling mga bata, na tinatangay ng mga alon at dinadala ng kung anu-anong hangin ng aral, sa pamamagitan ng daya at katusuhan ng mga tao sa kanilang mapanlinlang na paraan. 15 Sa halip, sa pagsasabi ng katotohanan na may pag-ibig, dapat tayong lumago sa lahat ng bagay sa kanya, na siyang ulo, walang iba kundi si Cristo. 16 Sa (D) kanya, ang lahat ng mga bahagi ng katawan ay nagkakalapat at pinagbubuklod sa pamamagitan ng pagtulong ng bawat litid. Ang pagganap ng gawain ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan at nagpapalakas ng sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa harap ng Panginoon, na hindi na kayo dapat mamuhay tulad ng mga pagano. Walang kabuluhan ang laman ng kanilang pag-iisip. 18 Nasa dilim ang kanilang pang-unawa at malayo sa buhay na bigay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng kanilang mga puso. 19 Sila'y nawalan ng kahihiyan at nalulong sa kahalayan, at nawalan ng kabusugan sa paggawa ng sari-saring karumihan. 20 Ngunit hindi ninyo nakilala si Cristo sa ganoong paraan! 21 Kung talagang siya'y inyong narinig at kayo'y naturuan tungkol sa kanya, kung paanong nakay Jesus ang katotohanan, 22 nang (E) hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, ang dating uri ng pamumuhay na pinasasama ng mapanlinlang na pagnanasa. 23 Baguhin na ninyo ang diwa ng inyong pag-iisip, 24 at (F) ibihis ninyo ang bagong pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos, sa tunay na katuwiran at kabanalan.
25 Kaya't (G) tigilan na ang pagsisinungaling! Bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa. 26 Kapag nagagalit kayo (H) huwag kayong magkakasala. Huwag ninyong hayaang lubugan ng araw ang inyong galit, 27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang nagnanakaw ay tumigil na sa pagnanakaw, sa halip ay magtrabaho siya at gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay, upang mayroon siyang maibigay sa nangangailangan. 29 Hindi dapat mamutawi sa inyong bibig ang anumang masamang pananalita, kundi ang mabuting bagay lamang na makapagpapatibay, upang ito ay makatulong sa mga nakikinig. 30 At huwag ninyong palungkutin ang Banal na Espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan niya'y tinatakan kayo para sa araw ng pagtubos. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng kapaitan, poot, pagkamuhi, pag-aaway, panlalait, pati ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging (I) mabait at mahabagin kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo sa isa't isa, kung paanong kay Cristo ay pinatawad kayo ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.