Read the New Testament in 24 Weeks
Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti
8 Bilang pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan kayo bilang magkakapatid, maging mahabagin at maging mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gawang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila sapagkat ito ang dahilan ng pagtawag sa inyo, at kayo'y tatanggap ng pagpapala. 10 Sapagkat, (A) sa nasusulat,
“Sinumang nagpapahalaga sa buhay,
at nais makakita ng mabubuting araw,
dila'y pigilin sa pagsasabi ng kasamaan.
at sa kanyang labi'y dapat walang panlilinlang,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y kanyang sundan.
12 Ang mata ng Panginoo'y nakatuon sa mga matuwid,
at ang kanilang panalangin ay kanyang dinirinig.
Ngunit sa mga taong gumagawa ng masama.
Panginoo'y nagagalit at hindi natutuwa.”
13 At sino naman ang gagawa ng masama sa inyo kung nagsisikap kayong gumawa ng mabuti? 14 Subalit (B) magdusa man kayo dahil sa paggawa ng mabuti, pinagpala kayo. Huwag kayong matakot at huwag kayong mag-alala sa maaari nilang gawin sa inyo. 15 (C) Sa inyong mga puso ay italaga ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magtanggol sa harap ng sinumang humihingi sa inyo ng paliwanag tungkol sa pag-asang taglay ninyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at magalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang sinumang humahamak sa inyong magandang asal bunga ng inyong pakikipag-isa kay Cristo. 17 Sapagkat mabuti pang magdusa sa paggawa ng mabuti, kung ito'y kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ay minsan lamang namatay dahil sa mga kasalanan, siya na walang kasalanan para sa mga makasalanan upang maiharap kayo[a] sa Diyos. Namatay siya ayon sa laman, ngunit muling binuhay ayon sa espiritu. 19 Sa ganitong kalagayan, nagtungo siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo, 20 mga (D) espiritung sumuway noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang barko. Iilang tao, walo lamang noon ang nakaligtas sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang inilalarawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi ito paglilinis ng dungis ng katawan kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Cristo. 22 Siya'y umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Ang mga anghel, mga kapamahalaan at mga kapangyarihan ay nagpapasakop sa kanya.
Mga Mabubuting Katiwala ng Biyaya
4 Dahil si Cristo mismo ay nagdusa noon sa katawan, dapat din kayong maging handa sa mga pagdurusa, sapagkat ang nagdurusa sa katawan ay tumigil na sa kasalanan, 2 upang ilaan ang nalalabing panahon ng inyong buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi sa makamundong hangarin sa buhay. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga di-sumasampalataya sa Diyos tulad ng: kahalayan, masasamang pagnanasa, paglalasing, malalaswang kasayahan, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka ang mga dating kasama ninyo kung bakit hindi na kayo nakikisama sa gayunding magulo at walang pakundangang pamumuhay, kaya nilalait nila kayo. 5 Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. 6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang Magandang Balita ay ipinangaral maging sa mga patay, upang kahit sila'y nahatulan sa laman tulad sa mga tao, sila'y mabuhay sa espiritu tulad sa Diyos.
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't panatilihin ninyong malinaw ang inyong pag-iisip at maging mapagtimpi upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit (E) sa lahat, patuloy kayong magmahalan, sapagkat ang pag-ibig ang pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Patuluyin ninyo nang maluwag sa inyong kalooban ang inyong mga kapatid sa inyong tahanan. 10 Bilang mabubuting katiwala ng mga kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang mga kakayahang inyong tinanggap sa paglilingkod sa isa't isa. 11 Kung nagsasalita ang sinuman, magsalita siya bilang nagpapahayag ng mga salita ng Diyos. Kung siya'y naglilingkod, maglingkod siya sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa gayon, sa lahat ng bagay ay papupurihan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanpaman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka na dumaraan kayo sa mabibigat na pagsubok na para bang hindi ito pangkaraniwang pangyayari. 13 Sa halip, dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo upang lubos kayong magalak kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kapag kayo'y nilalait dahil sa pangalan ni Cristo sapagkat ang maluwalhating Espiritu ng Diyos ay lulukob sa inyo. 15 Huwag sanang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil sa pagiging mamamatay-tao, magnanakaw, o sa paggawa ng anumang kasamaan o pakikialam sa buhay ng iba. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito, sa halip ay magpuri kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. 17 Panahon na upang simulan ang paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito nagsisimula, ano pa kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At (F) kung ang matuwid ay mahirap nang makaligtas,
ano kaya ang sasapitin ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?
19 Kaya nga ang mga nagdurusa dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay dapat ipagkatiwala ang kanilang sarili sa tapat na lumikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.
Pangangalaga sa Kawan ng Diyos
5 Sa mga pinuno[b] sa inyo, nananawagan ako bilang kapwa pinuno at saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa karangalang ihahayag, nakikiusap ako 2 na (G) alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, gaya ng nais ng Diyos.[c] Gawin ninyo ito hindi dahil sa pag-ibig sa salapi, kundi dahil sa pagnanais na maglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi bilang halimbawa sa kawan. 4 At pagdating ng Pinakapunong Pastol, tatanggap kayo ng korona ng kaluwalhatiang di kumukupas kailanman.
5 Kayo (H) namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno.[d] Maging mapagpakumbaba kayo sa pakikitungo sa isa't-isa sapagkat nasusulat,
“Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas,
ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”
6 Kaya't (I) magpakumbaba kayo at pasakop sa Makapangyarihang Diyos, at kayo'y itataas niya sa takdang panahon. 7 Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo. 8 Maging handa kayong lagi at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaaligid at umaatungal at naghahanap ng kanyang lalamunin. 9 Labanan ninyo siya at maging matatag sa inyong pananampalataya. Alam naman ninyong ang mga ganitong kahirapan ay dinaranas din ng inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos na pinagmumulan ng biyaya at tumawag sa inyo na maging kabahagi ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo ang siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Pangwakas na Pagbati
12 Sinulat (J) ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silas, na itinuturing kong tapat nating kapatid, upang pasiglahin kayo at patotohanang ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Dito kayo magpakatatag. 13 Binabati (K) kayo ng babaing nasa Babilonia, na hinirang din tulad ninyo. Binabati rin kayo ng anak kong si Marcos. 14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.
Kapayapaan ang sumainyong lahat na nakay Cristo.[e]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.