Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
2 Corinto 12-13

Mga Pangitain at Pahayag

12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit wala akong pakinabang dito. Ngunit tutuloy na rin ako tungkol sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. May kilala akong isang lalaking na kay Cristo, na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung siya noon ay nasa katawan, o wala sa katawan. Ang Diyos ang nakakaalam. At alam kong ang taong iyon—kung nasa katawan man, o wala sa katawan, hindi ko alam, ang Diyos ang nakaaalam— ay tinangay at dinala sa Paraiso. Nakarinig siya roon ng mga salitang hindi mabigkas at hindi ipinahihintulot na sabihin ng tao. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili. Ang tanging maipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. Kung naisin ko mang magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit iniiwasan ko ito upang walang sinumang mag-isip tungkol sa akin nang higit kaysa kanyang nakikita o naririnig sa akin. At upang hindi ako magmayabang dahil sa mga kahanga-hangang bagay na ipinahayag sa akin, binigyan ako ng isang tinik sa laman na nagsilbing sugo ni Satanas upang ako'y pahirapan. Ito nga'y upang hindi ako magmayabang. Tatlong ulit akong nakiusap sa Panginoon tungkol dito na sana'y iwan na ako nito. Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil dito, masaya kong lalong ipagmamalaki ang mga kahinaan ko upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga panlalait, mga paghihirap, mga pag-uusig, at mga kasawian. Sapagkat kung kailan ako mahina, noon naman ako malakas.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Naging hangal ako! Ngunit itinulak ninyo ako na magkagayon. Dapat sana'y pinuri ninyo ako, sapagkat hindi naman ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan. 12 Ang mga pagkakakilanlan ng isang tunay na apostol ay buong sikap kong ipinakita sa inyo sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan. 13 Paano nga kayo nalamangan ng ibang iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito! 14 Ngayon, sa ikatlong pagkakataon ay handa akong pumunta sa inyo. At hindi ako magiging pabigat sa inyo, sapagkat hindi ko hinahangad ang anumang mayroon kayo, kundi kayo mismo. Sapagkat hindi ang mga anak ang may tungkuling mag-impok para sa mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak. 15 Malaking kasiyahan sa akin ang gumastos at gastusin para sa inyo. Mababawasan ba ang pagmamahal ninyo sa akin habang lalo ko kayong minamahal? 16 Hindi ako naging pasanin sa inyo. Ngunit ako raw ay tuso at nabitag ko kayo sa daya. 17 Nilinlang ko ba kayo sa pamamagitan ng mga taong sinugo ko sa inyo? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at sinugo ko siyang kasama ng isang kapatid. Pinagsamantalahan ba kayo ni Tito? Hindi ba't pareho lamang ang aming pag-iisip? Hindi ba't pareho lamang ang aming mga hakbang?

19 Marahil, matagal na ninyong iniisip na ipinagtatanggol lang namin sa inyo ang aming mga sarili. At bilang mga na kay Cristo, nagsasalita kami sa harapan ng Diyos. Mga minamahal, ginagawa namin ang lahat ng mga ito upang kayo'y maging matatag. 20 Natatakot ako na baka madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko maiibigan, at ako naman ay nasa kalagayang hindi rin ninyo maiibigan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway, nagseselosan, magkakagalit, nagkakanya-kanya, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Natatakot ako na sa muli kong pagdating ay ipahiya ako ng Diyos sa harapan ninyo, at kailangan kong magdalamhati dahil sa maraming dati nang nagkasala at hindi pa nagsisisi sa nagawa nilang karumihan, pakikiapid, at kahalayan.

Mga Babala at mga Pagbati

13 Ito (A) ang ikatlong pagpunta ko sa inyo. “Ang bawat paratang ay dapat pagtibayin batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.” Noong nariyan ako sa ikalawa kong pagdalaw, binalaan ko ang mga dati nang nagkasala at lahat ng iba pa. Ngayong ako'y wala diyan sa inyo ay muli akong nagbababala, na sa muli kong pagdating, sila'y hindi makaliligtas sa parusang igagawad ko, yamang naghahanap kayo ng patunay na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi kumikilos na may kapangyarihan sa inyo. Sapagkat siya'y ipinako sa krus noong siya'y mahina, ngunit siya'y nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kami man ay mahihina dahil sa kanya, ngunit dahil sa aming pakikitungo sa inyo ay mabubuhay kami kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Suriin ninyo ang inyong mga sarili, kung kayo'y nasa pananampalataya. Subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nababatid na si Jesu-Cristo ay nasa inyo—maliban na lamang kung kayo'y hindi nagtagumpay sa pagsubok. At ako'y umaasa na inyong mauunawaan na kami ay hindi bumagsak sa pagsubok. Dalangin namin sa Diyos na huwag sana kayong gumawa ng masama, hindi upang kami'y magmistulang nagtagumpay sa pagsubok, kundi upang magawa ninyo kung ano ang tama, bagaman kami ay magmistulang mga bumagsak sa pagsubok. Sapagkat wala kaming magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan. Natutuwa kami kung kami'y mahihina ngunit kayo nama'y malalakas. Idinadalangin nga namin ang inyong pag-unlad. 10 Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa sa inyo, upang pagpunta ko sa inyo ay hindi ko na kailangang maging mabagsik sa paggamit ko ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon upang patatagin kayo, at hindi upang wasakin.

11 At ngayon, mga kapatid, kagalakan ang sumainyo. Magpatuloy kayo sa paglago. Maging masigla kayo. Magkasundo kayo. Mamuhay kayo nang may kapayapaan at mapapasainyo ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan. 12 Magbatian kayo ng banal na halik. 13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal.

14 Sumainyo nawang lahat ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng[a] Banal na Espiritu.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.