Read the New Testament in 24 Weeks
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
10 Ako mismong si Pablo, ay nakikiusap sa inyo, sa ngalan ng kababaang-loob at kahinahunan ni Cristo—akong sinasabing mapagpakumbaba kapag kaharap ninyo, ngunit matapang kapag wala sa harap ninyo! 2 Hinihiling ko na kapag ako'y nariyan na sa inyo, hindi ko na kailangang maging matapang gaya ng alam kong kaya kong gawin laban sa ibang taong nag-aakalang kami ay lumalakad ayon sa pamantayan ng tao. 3 Sapagkat bagaman kami ay nabubuhay pa sa katawang tao, ang pakikipaglaban namin ay hindi ayon sa pamantayan ng tao. 4 Sapagkat hindi galing sa tao ang mga sandatang ginagamit namin sa pakikipaglaban, kundi galing sa Diyos, na may kapangyarihang magwasak kahit ng mga kuta. 5 Ibinabagsak namin ang mga pangangatwiran at anumang kapalaluan na nagmamataas laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag namin ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo. 6 At kapag ganap na ang inyong pagsunod, nakahanda na rin kaming magparusa sa bawat pagsuway.
7 Ang panlabas na anyo lamang ang tinitingnan ninyo. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, isipin niyang muli na kung siya'y kay Cristo ay gayundin naman kami. 8 Sapagkat kung labis ko mang ipinagmamalaki ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Panginoon para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikawawasak, hindi ko iyon ikahihiya. 9 Ayaw kong lumabas na tinatakot ko kayo sa pamamagitan ng mga sulat ko. 10 Sapagkat may nagsasabi, “Mabibigat at matitindi ang kanyang mga sulat, ngunit mahina naman siya kapag kaharap, at walang kuwenta ang sinasabi.” 11 Dapat isipin ng ganoong tao na kung ano kami sa aming mga sulat kapag kami'y wala riyan, ganoon din kami sa gawa kapag kami ay nariyan.
12 Wala kaming lakas ng loob na isama o ihambing ang aming sarili sa mga taong napakataas ng tingin sa kanilang sarili. Ngunit kung sinusukat nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at sa kani-kanila ring sarili inihahambing ang mga sarili, sila ay salat sa pang-unawa. 13 Ngunit hindi kami magmamalaki ng lampas sa saklaw, kundi sa loob lamang ng sukat ng pamantayang ibinahagi ng Diyos sa amin, at kayo ay saklaw niyon. 14 Sapagkat hindi namin inilalampas ang aming mga sarili, na para bang hindi namin kayo naabot. Kami nga ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa sukat sa pamamagitan ng pagmamalaki namin sa pinagpaguran ng iba. Umaasa kami na habang lumalago ang inyong pananampalataya, ang nasasaklaw namin sa inyo ay lalong lalawak, 16 upang maipahayag namin ang Magandang Balita sa mga lupaing lampas pa sa inyo, sa gayo'y hindi namin ipagmamalaki ang gawaing natapos na sa nasasakupan ng iba. 17 Ngunit, “Siyang (A) nagmamalaki ay Panginoon ang ipagmalaki.” 18 Sapagkat hindi ang taong pumupuri sa kanyang sarili ang kapuri-puri, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Pagtiisan muna sana ninyo itong aking kaunting kahangalan. At pinagtitiisan nga naman ninyo ako! 2 Nakadarama ako para sa inyo ng isang maka-Diyos na pagseselos, sapagkat kayo'y itinakda kong maging asawa ng isang lalaki, si Cristo, at maiharap ko kayo sa kanya bilang isang malinis na birhen. 3 Ngunit (B) natatakot ako na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip din ay mailigaw mula sa tapat at malinis na pakikitungo kay Cristo. 4 Sapagkat kung may dumating at nangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, pinagtitiisan ninyo itong mabuti. 5 Masasabi kong hindi ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na ito. 6 Hindi man ako mahusay sa pananalita, mayroon din naman akong nalalaman. Nilinaw naming mabuti sa inyo ang bagay na ito.
7 Kasalanan ko ba kung ibinaba ko ang aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? 8 Ninakawan ko ang ibang mga iglesya, sa pagtanggap ko ng tustos mula sa kanila upang maglingkod sa inyo. 9 Nang (C) kasama pa ninyo ako at ako'y may pangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kaninuman, sapagkat ang mga pangangailangan ko ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Iniwasan ko nga na maging pabigat sa inyo sa lahat ng bagay, at patuloy ko itong gagawin. 10 Habang nananatili sa akin ang katotohanan ni Cristo, walang sinuman sa mga nasasakupan ng Acaia na makapipigil sa akin sa pagmamalaking ito. 11 At bakit? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!
12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisan ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataong kilalanin bilang kapantay namin tungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki nila. 13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Kaya't hindi malayong mangyari na ang kanyang mga lingkod ay magpanggap na mga lingkod ng katwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.
Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang iniisip ninyo, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang makapagmalaki naman ako nang kaunti. 17 Ang pagsasalita ko ngayon sa ganitong pagmamalaking may kapalaluan ay hindi mula sa Panginoon, kundi tulad sa isang hangal. 18 Yamang marami ang nagmamalaki sa mga bagay na ipinagmamalaki ng tao, ako man ay magmamalaki. 19 At tuwang-tuwa pa kayo na nagtitiis sa mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo! 20 Sa katunayan, natitiis ninyo kapag inaalipin kayo ng sinuman, o kahit kinakatay na kayo, o pinagsasamantalahan, o pinagyayabangan, o kaya'y sinasampal. 21 Kahiya-hiya, ngunit inaamin kong napakahina namin sa ganito! Ngunit anumang buong tapang na maaaring ipagmalaki ng iba—nagsasalita akong tulad ng hangal—may tapang din akong maipagmamalaki iyon. 22 Mga Hebreo ba sila? Ako man. Mga Israelita ba sila? Ako man. Mula ba sila sa binhi ni Abraham? Ako man. 23 Sila (D) ba'y mga lingkod ni Cristo? Lalo na ako, na mas maraming pagod sa pagtatrabaho, mas maraming ulit na nabilanggo, hindi mabilang kung ilang ulit nang nabugbog, at paulit-ulit na nabingit sa kamatayan. Para na akong baliw sa pagsasalita ng ganito. 24 Limang ulit akong nakatanggap sa mga Judio(E) ng apatnapung hagupit, binawasan ng isa. 25 Tatlong (F) ulit akong hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nakaranas ng pagkawasak ng barkong sinasakyan, isang araw at isang gabing ako'y nasa gitna ng dagat. 26 Madalas (G) akong naglalakbay. Nasuong ako sa panganib sa mga ilog, panganib sa mga tulisan, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lungsod, panganib sa ilang, panganib sa dagat, panganib sa kamay ng mga huwad na kapatid. 27 Nagtiis ako ng pagod at hirap, at madalas na walang tulog. Naranasan kong magutom at mauhaw, madalas na walang makain, giniginaw at hubad. 28 Bukod sa iba pang mga bagay, araw-araw ko pang pinapasan ang alalahanin para sa mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, di ba't ako'y nanghihina rin? Kapag may nabuwal dahil sa kasalanan, di ba't ako'y nag-iinit sa galit?
30 Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na magpapakita ng aking kahinaan. 31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, na siyang karapat-dapat sa papuri magpakailanman, ang nakaaalam na hindi ako nagsisinungaling. 32 Sa (H) Damasco, binantayan ng tagapamahala na nasa ilalim ni Haring Aretas ang lungsod ng mga taga-Damasco upang ako'y dakpin, 33 ngunit ako'y ibinaba sa pamamagitan ng isang tiklis mula sa isang bintana sa pader at ako'y nakatakas sa mga kamay niya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.