Read the New Testament in 24 Weeks
1 Mula kay (A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at mula kay Timoteo na ating kapatid—
Sa iglesya ng Diyos sa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan. 4 Inaaliw niya tayo sa lahat ng ating paghihirap, upang maaliw natin ang nasa anumang paghihirap, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin mula sa Diyos. 5 Sapagkat kung paanong ang paghihirap ni Cristo ay sumasagana sa ating buhay, sa pamamagitan din ni Cristo ay umaapaw ang ating kaaliwan. 6 Ngunit kung pinahihirapan man kami, ito ay upang kayo'y maaliw at maligtas. Kung kami ay inaaliw, ito ay upang kayo'y maaliw, at sa pamamagitan nito'y magkakaroon kayo ng kakayahang magtiis ng mga pagdurusang aming dinaranas. 7 Matibay ang aming pag-asa tungkol sa inyo, sapagkat alam namin na kung kayo'y karamay namin sa pagdurusa, karamay din namin kayo sa kaaliwang tinatanggap namin.
8 Nais (B) naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga paghihirap na sinapit namin sa Asia. Sapagkat napakabigat ang aming naranasan doon na halos hindi namin nakaya, anupa't nawalan kami ng pag-asang mabuhay. 9 Ngunit kami mismo ang tumanggap ng hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay. 10 Siya na nagligtas sa amin mula sa gayong tiyak na kamatayan ang patuloy na magliligtas sa amin. Umaasa kami na patuloy pa niya kaming ililigtas, 11 habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin para sa amin. Sa gayon ay maraming tao ang magpapasalamat dahil sa mga biyayang ibinigay sa amin bilang kasagutan sa maraming panalangin.
Pagpapaliban ng Pagdalaw ni Pablo
12 Sapagkat ito ang aming maipagmamalaki: nagpapatotoo ang aming budhi na ang pamumuhay namin sa sanlibutan, at lalo na sa inyo ay may kalinisan at katapatang mula sa Diyos, hindi ayon sa makamundong karunungan, kundi sa biyaya ng Diyos. 13 Sapagkat ang isinusulat namin ay ang kaya lamang ninyong basahin at unawain. Umaasa ako na lubos ninyo itong mauunawaan, 14 kung paanong naunawaan ninyo kami nang bahagya, na kami ay maipagmamalaki ninyo gaya ninyo na aming maipagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, binalak kong dalawin muna kayo, upang kayo'y magkaroon ng higit pang pagpapala. 16 Ninais kong dalawin kayo noong ako'y (C) papuntang Macedonia, at mula roon ay bumalik sa inyo, at sa ganoon ay maihatid ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Nagdalawang-isip ba ako nang binalak kong gawin ito? Katulad ba ako ng makamundong tao kung magplano, na pinagsasabay ang “Oo at Hindi?” 18 Dahil tapat ang Diyos, ang aming salita sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.” 19 Sapagkat (D) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ang “Oo” ay “Oo.” 20 Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, lahat ng mga ito kay Cristo ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay nasasabi namin ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 At ang nagpapatatag sa amin at sa inyo kay Cristo ay ang Diyos. Hinirang niya kami, 22 tinatakan at ibinigay ang Espiritu sa aming mga puso bilang katibayan.
23 Nagsusumamo ako sa Diyos bilang aking saksi, na hindi ako natuloy sa pagpunta sa Corinto upang hindi kayo mabigatan. 24 Hindi sa ibig naming maging panginoon ninyo sa pananampalataya, sa halip kami ay mga kamanggagawa ninyo upang magdulot sa inyo ng kagalakan, sapagkat kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya.
2 Nagpasya ako na hindi na ako muling dadalaw sa inyo nang may kalungkutan. 2 Sapagkat kung palulungkutin ko kayo, sino ang magpapasaya sa akin, kundi kayo na pinalungkot ko? 3 Kaya't sumulat ako sa inyo, upang pagdating ko ay hindi ako palungkutin ng mga taong dapat ay magpapasaya sa akin. May tiwala ako sa inyong lahat na masaya kayo kung masaya ako. 4 Sumulat ako sa inyo sa gitna ng matinding paghihirap ng kalooban at pangamba ng puso at kasabay ng maraming pagluha, hindi upang kayo'y palungkutin kundi upang malaman ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ko sa inyo.
Pagpapatawad sa Nagkasala
5 Subalit kung may taong naging sanhi ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa katunayan ay kayong lahat—sinasabi ko ito sa paraang hindi kayo masyadong masasaktan. 6 Sapat na para sa taong iyon ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami. 7 Sa halip, patawarin ninyo siya at aliwin, upang hindi siya madaig ng labis na kalungkutan. 8 Kaya't nakikiusap ako sa inyo na ipadama ninyong muli ang inyong pag-ibig sa kanya. 9 Ito ang dahilan kung bakit sumulat ako: upang subukin ko at alamin kung kayo nga'y masunurin sa lahat ng mga bagay. 10 Ang sinumang pinapatawad ninyo ay pinapatawad ko rin. Kung may dapat patawarin ay pinatawad ko na, alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo, 11 upang hindi tayo madaya ni Satanas. Sapagkat alam na alam natin ang kanyang mga binabalak.
Pangamba ni Pablo sa Troas
12 Pagdating (E) ko sa Troas, may pintuang binuksan para sa akin ang Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi mapalagay ang aking kalooban, sapagkat hindi ko natagpuan doon ang aking kapatid na si Tito. Kaya't ako'y nagpaalam sa mga kapatid doon at tumuloy sa Macedonia.
14 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay nagpapalaganap ng samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako. 15 Sapagkat kami ang halimuyak ng handog ni Cristo sa Diyos, na nalalanghap ng mga inililigtas at ng mga napapahamak. 16 Para sa isa kami ay halimuyak ng kamatayan na nagdudulot ng kamatayan; at sa isa naman ay halimuyak ng buhay na nagdudulot ng buhay. Sino ang sapat para sa gawaing ito? 17 Sapagkat hindi kami katulad ng marami na gumagamit ng salita ng Diyos para sa sariling pakinabang, kundi bilang mga tapat na sugo ng Diyos, ay nagsasalita kami para kay Cristo sa paningin ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.