Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
1 Corinto 11-12

11 Tularan (A) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Tungkol sa Pagtatalukbong

Ipinagmamalaki ko kayo, sapagkat sa lahat ng bagay ay naaalala ninyo ako, at nananatili kayong matibay sa mga tradisyon gaya ng ibinigay ko sa inyo. Ngunit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos. Ang bawat lalaking nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang may takip ang ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan. Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang walang talukbong sa ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan; sapagkat wala siyang ipinag-iba sa babaing inahitan ang ulo. Sapagkat kung ang babae ay hindi nagtatalukbong, magpagupit na lang siya ng kanyang buhok. Ngunit kung kahiya-hiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, dapat siyang magtalukbong. Sapagkat (B) hindi nararapat sa lalaki ang magtalukbong ng kanyang ulo, sapagkat siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki. Sapagkat (C) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki, at hindi rin nilikha ang lalaki dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki. 10 Kaya nga, nararapat na ang babae ay magkaroon sa kanyang ulo ng tanda ng awtoridad, dahil sa mga anghel. 11 Gayunman, sa Panginoon, ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki at ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae. 12 Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, ang lalaki naman ay isinisilang sa pamamagitan ng babae; ngunit ang lahat ng mga bagay ay mula sa Diyos. 13 Kayo na ang humatol: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong? 14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kahihiyan para sa isang lalaki ang magkaroon ng mahabang buhok, 15 ngunit karangalan naman para sa babae kung siya'y may mahabang buhok? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya bilang pantalukbong. 16 Ngunit kung nagbabalak ang sinuman na makipagtalo, wala kaming gayong kaugalian, ni ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Maling Gawain sa Banal na Hapunan

17 Sa mga sumusunod na tagubilin naman ay hindi ko kayo mapupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti, kundi sa ikasasama pa. 18 Sapagkat una sa lahat, sa pagpupulong ninyo sa iglesya, ay nababalitaan ko na may mga pagkakampi-kampi sa inyo, at parang pinaniniwalaan ko na ito. 19 Sa isang dako, kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagbubukud-bukod upang lubusang makilala kung sino sa inyo ang tunay. 20 Sa pagkakatipon ninyo ay hindi ang hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat sa inyong pagkain, mayroon sa inyong nauunang kumain ng sarili niyang hapunan, kaya may nagugutom, at ang iba nama'y lasing. 22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ba ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo mapupuri.

Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(D)

23 Sapagkat ang tinanggap ko mula sa Panginoon ang siyang itinatagubilin ko sa inyo: na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay; 24 at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Sa (E) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito, tuwing kayo'y iinom nito, bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopa, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating.

Ang Di-Nararapat na Pagganap ng Banal na Hapunan

27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay mananagot sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin nga ng bawat tao ang kanyang sarili, bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan.[a] 30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at maysakit, at ang ilan ay yumao na.[b] 31 Ngunit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. 32 At kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. 33 Kaya nga, mga kapatid, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang hindi kayo mahatulan kapag kayo ay nagtitipon. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.

Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.

May (F) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.

Iisang Katawan, Maraming Bahagi

12 Sapagkat (G) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (H) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.

At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.