Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
1 Corinto 9-10

Mga Karapatan ng Apostol

Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba bunga kayo ng aking gawain sa Panginoon? Kung sa iba'y hindi ako apostol, ngunit sa inyo nama'y apostol ako, sapagkat kayo ang tatak ng aking pagkaapostol sa Panginoon.

Ito ang aking pagtatanggol sa mga tumutuligsa sa akin. Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? Wala ba kaming karapatang magsama ng asawa sa aming paglalakbay gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Pedro?[a] O kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanap-buhay? Mayroon bang kawal na naglilingkod sa sarili niyang gastos? Mayroon bang nagtatrabaho sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Mayroon bang nag-aalaga ng mga hayop sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng mga iyon? Sinasabi ko ang mga bagay na ito hindi ayon sa pamantayan ng tao. Hindi ba't ito rin ang sinasabi ng Kautusan? Sapagkat (A) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka lang ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10 Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa atin? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro nang may pag-asa, at ang gumigiik ay dapat gumiik nang may pag-asa, at sila'y kapwa tatanggap ng bahagi. 11 Kung (B) kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan bang umani kami sa inyo ng mga bagay na materyal? 12 Kung ang iba ay may ganitong karapatan sa inyo, di ba lalong mas may karapatan kami?

Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat, upang hindi kami makapaglagay ng balakid sa ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi (C) ba ninyo nalalaman na ang mga naglilingkod sa mga gawain sa templo ay kumakain ng mga bagay mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay nakikibahagi sa mga handog sa dambana? 14 Sa gayunding paraan, (D) itinakda ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng ikabubuhay mula sa ebanghelyo. 15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ako sumusulat nito ngayon upang ganito ang gawin sa akin. Sapagkat mas nanaisin ko pang mamatay, kaysa maagaw ng sinuman ang batayan ng aking pagmamalaki! 16 Kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo ay wala akong maipagmamalaki sapagkat ito ay tungkuling iniatang sa akin. Kaysaklap ng sasapitin ko kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung kusang-loob ko itong ginagawa, ako ay may gantimpala. Ngunit kung hindi kusang-loob, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano naman ang gantimpala ko? Iyon ay ang maipangaral ko ang ebanghelyo nang walang bayad, upang hindi ko magamit nang lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.

19 Bagaman malaya ako, at hindi alipin ng sinuman, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng Kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng Kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng Kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng Kautusan. 21 Sa mga nasa labas ng Kautusan, ako ay naging tulad sa walang Kautusan, ngunit hindi ibig sabihing hindi ako saklaw ng Kautusan ng Diyos, sa halip ako nga'y napapasakop sa Kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng Kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng tao, upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng ilan. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa ebanghelyo, upang ako'y maging kabahagi sa mga biyaya nito.

24 Hindi ba ninyo nalalaman na tumatakbong lahat ang mga kasali sa isang takbuhan, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa paraang kayo'y magkakamit niyon. 25 Ang mga nakikipagpaligsahan sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang sila ay magkamit ng isang koronang nasisira, ngunit tayo'y para sa hindi nasisira. 26 Kaya't ako'y tumatakbo hindi gaya ng walang patutunguhan; hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin. 27 Sa halip ay sinusupil ko ang aking katawan, at inaalipin ko ito, baka pagkatapos na mangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi makapasa sa pagsubok.

Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

10 Mga (E) kapatid, nais kong malaman ninyo na ang ating mga ninuno ay napasailalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat, at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. Silang (F) lahat ay kumain ng parehong pagkaing espirituwal; at (G) lahat ay uminom ng parehong inuming espirituwal. Sapagkat sila'y uminom mula sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo. Ngunit (H) hindi nasiyahan ang Diyos sa karamihan sa kanila, at sila'y pinuksa sa ilang. Ang (I) mga bagay na ito'y nagsisilbing halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay katulad nila. Huwag (J) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, tulad ng iba sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Naupo ang taong-bayan upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” Huwag (K) tayong makiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't sa loob ng isang araw ay may dalawampu't tatlong libo ang namatay.[b] Huwag (L) nating subukin si Cristo na gaya ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila, kaya't sila'y nilipol ng mga ahas. 10 Huwag (M) din tayong magreklamo, gaya ng iba na nagreklamo, at sila'y pinuksa ng taga puksa. 11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at isinulat bilang babala sa atin na inabutan ng katapusan ng mga panahon. 12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal. 13 Ang bawat tuksong nararanasan ninyo ay pawang karaniwan sa tao. Ngunit mapagkakatiwalaan ang Diyos, at hindi niya hahayaang kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip ng tukso ay magbibigay siya ng paraan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayanan.

14 Kaya, mga minamahal ko, layuan ninyo ang pagsamba sa diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matitinong tao; kayo na ang humatol sa sinasabi ko. 16 Ang (N) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikibahagi sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikibahagi sa katawan ni Cristo? 17 Sapagkat may isang tinapay at tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay. 18 Tingnan (O) ninyo ang Israel ayon sa laman, hindi ba't ang mga kumakain ng mga alay ay kabahagi sa dambana? 19 Ano nga ang ibig kong sabihin? Na ang alay sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi! (P) Sa halip, ang mga bagay na iniaalay ng mga pagano ay iniaalay nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at ayaw kong kayo'y maging kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at pati ang kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 (Q) Ibubunsod ba natin sa panibugho ang Panginoon? Mas malakas ba tayo kaysa kanya?

Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos

23 “Maaaring gawin (R) ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaaring gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ay makapagpapatibay. 24 Huwag maghangad ang sinuman para sa kanyang sariling kapakanan kundi para sa kapakanan ng iba. 25 Kainin ninyo ang lahat ng ipinagbibili sa pamilihan nang walang pagtatanong dahil sa budhi, 26 sapagkat (S) “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto.” 27 Kung anyayahan kayo ng isa sa mga hindi sumasampalataya at nais ninyong pumunta, anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo nang walang pagtatanong dahil sa budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Inialay ito bilang handog sa templo,” ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahil sa budhi. 29 Ang tinutukoy ko ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay hahatulan ng budhi ng iba? 30 Kung ako'y nakikisalo nang may pasasalamat sa Diyos, bakit ako'y pipintasan dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat? 31 Kaya kung kayo man ay kumakain o umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng gulo para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos, 33 katulad ng pagsisikap kong bigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa lahat ng bagay, at hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakanan, kundi ang kapakanan ng marami, upang sila'y maligtas.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.