Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
1 Corinto 4-6

Ang Gawain ng mga Apostol

Kaya't dapat kaming ituring ng tao bilang mga tagapaglingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Bukod dito, inaasahan sa mga katiwala na sila'y matagpuang tapat. Ngunit para sa akin ay napakaliit na bagay ang hatulan ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ni hindi nga ako humahatol sa aking sarili. Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, ngunit hindi ibig sabihin nito na ako'y walang sala. Ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. Kaya't huwag kayong humatol ng anuman nang wala pa sa takdang panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siyang magdadala ng liwanag ng mga bagay na nakatago sa kadiliman, at magbubunyag sa mga hangarin ng mga puso. Pagkatapos, ang bawat isa ay magkakaroon ng papuri mula sa Diyos.

Ang mga bagay na ito, mga kapatid, ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matutuhan ninyo ito: Huwag lumampas sa mga bagay na nasusulat. Sa gayon, ang sinuman sa inyo ay hindi maging palalò laban sa iba. Sapagkat sino ang nagsasabing naiiba ka? At ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo ito tinanggap? Nasa inyo na ang lahat ng gusto ninyo! Mayayaman na kayo! Naging mga hari kayo kahit wala kami! Naging hari nga sana kayo upang kami ay naging hari ding kasama ninyo. Sapagkat sa palagay ko, kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na pinakahuli sa lahat, tulad ng mga taong nahatulan ng kamatayan, sapagkat kami ay naging isang palabas na pinanonood ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal dahil kay Cristo! Ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas! Kayo ay pinararangalan ngunit kami ay hinahamak! 11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at mga pagala-gala, 12 at nagpapagod kami sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Kapag kami'y nilalait, gumaganti kami ng pagpapala, kapag pinahihirapan, kami'y nagtitiis; 13 at kapag inaalipusta, magalang kaming sumasagot. Hanggang ngayon ay para kaming mga basura ng daigdig, dumi ng lahat ng mga bagay.

14 Hindi ko isinusulat ang mga ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay pagpayuhan bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit magkaroon pa kayo kay Cristo ng libu-libong mga tagapagturo ay hindi naman marami ang inyong ama; sapagkat kay Cristo Jesus ako ang naging ama ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya't nakikiusap ako, tumulad kayo sa akin. 17 Dahil dito, pinapunta ko sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking pagtalima kay Cristo Jesus[a] katulad ng itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. 18 Ngunit may mayayabang na para bang hindi na ako darating sa inyo. 19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at malalaman ko, hindi lamang ang sinasabi ng mga taong nagyayabang diyan, kundi ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita lamang, kundi sa kapangyarihan. 21 Ano'ng gusto ninyo? Pumunta ako riyan na may dalang pamalo, o may pagmamahal at may kaamuan?

Ang Hatol Laban sa Imoralidad

Sa katunayan ay may naiulat na may pakikiapid na nagaganap sa inyo, na ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama. Ang ganyang uri ng pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano. At nagyayabang pa kayo! Dapat sana'y nalungkot kayo, upang maitiwalag ninyo ang gumagawa nito? Sapagkat kahit wala ako riyan sa katawan, ako'y kasama ninyo sa espiritu. Kaya't para na ring nasa harapan ninyo, humatol na ako sa gumawa ng bagay na ito. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo ang ganyang tao kay Satanas para sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus. Hindi tama ang inyong pagmamalaki. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, na talaga namang kayo'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo na kordero ng ating paskuwa ay naialay na. Kaya't magdiwang tayo ng pista, nang walang lumang pampaalsa, ni pampaalsa ng maruming pag-iisip at kasamaan. Sa halip, magdiwang tayo nang may tinapay ng kalinisan at katotohanan, isang tinapay na walang pampaalsa.

Sinabi ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga mapakiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o ang mga sakim at mga magnanakaw, o ang mga sumasamba sa diyus-diyosan; kung gayo'y kailangan ninyong lumabas ng daigdig. 11 Ngayon, isinusulat ko sa inyo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o mapanlait, o lasenggo, o magnanakaw—ni huwag kayong makisalo sa pagkain sa ganyang uri ng tao. 12 Ano ang karapatan kong humatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat hinahatulan ninyo ang mga nasa loob? 13 At ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas. “Palayasin ninyo mula sa inyo ang masamang tao.”

Tungkol sa Pagsasakdal Laban sa Kapatid

Kapag sinuman sa inyo na may usapin laban sa isang kapatid, nangangahas ba siya na magsakdal sa harapan ng mga di-matuwid at hindi sa harapan ng mga hinirang ng Diyos? Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan sa pamamagitan ninyo, hindi ba ninyo kayang humatol sa napakaliliit na bagay? Hindi ba ninyo nalalaman na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay tungkol sa buhay na ito? Kung kayo'y may mga usaping may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong hindi naman kinikilala ng iglesya? Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala ba ni isang marunong diyan sa inyo na maaaring magpasya sa usapin ng mga magkakapatid? Sa halip, may kapatid na nagsasakdal laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya! Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi na lamang ninyo tanggapin na kayo'y apihin? Bakit hindi na lamang kayo magparaya? Ngunit kayo mismo ang nang-aapi at nandaraya at ito'y sa mga kapatid pa naman ninyo! Hindi ba ninyo alam na ang masasamang tao ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga nakikiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, 10 ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga mapanlait, mga magdaraya ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayo; ginawa na kayong banal, at itinuring na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at ng Espiritu ng Diyos.

Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos

12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.