Read the New Testament in 24 Weeks
Si Cristo na Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang pumunta ako sa inyo, hindi ako dumating na nagbabalita sa inyo ng hiwaga[a] ng Diyos ayon sa kahusayan ng pananalita o ng karunungan. 2 Sapagkat napagpasyahan ko noong kasama ninyo ako na walang anumang makilala, maliban kay Jesu-Cristo, siya na ipinako sa krus. 3 Ako nga'y nakasama ninyo nang may kahinaan, may takot, at matinding panginginig. 4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na salita ng karunungan, kundi sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi mapasalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos
6 Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. 7 Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. 8 Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos. 12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13 At ang mga bagay namang ito ay ipinapahayag namin hindi sa pamamagitan ng mga salitang ayon sa pagtuturo ng karunungan ng tao, kundi sa pagtuturo ng Espiritu, na aming ipinapaunawa ang mga bagay na espirituwal sa mga espirituwal. 14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[b] ang pag-iisip ni Cristo.
Mga Kamanggagawa para sa Diyos
3 Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2 Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, 3 sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? 4 Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? 5 Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. 9 Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.
18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[c] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.