Read the New Testament in 24 Weeks
Tungkulin sa mga nasa Kapangyarihan
13 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga nasa kapangyarihan[a], sapagkat walang kapangyarihang hindi mula sa Diyos; at ang mga kapangyarihang umiiral ay itinatag ng Diyos. 2 Kaya't ang lumalaban sa maykapangyarihan ay sumasalungat sa itinatag ng Diyos. At ang mga sumasalungat ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili. 3 Ang mga namumuno ay hindi nagdadala ng takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Kung ayaw mong matakot sa maykapangyarihan, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka niya. 4 Sapagkat siya'y lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo. Ngunit matakot ka kung masama ang ginagawa mo, sapagkat may dahilan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos upang igawad ang poot ng Diyos sa gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop, hindi lamang upang iwasan ang poot ng Diyos, kundi alang-alang na rin sa budhi.[b] 6 Ito (A) rin ang dahilan kung bakit nagbabayad kayo ng buwis. Sapagkat ang mga namamahala ay mga lingkod ng Diyos na nagtalaga ng kanilang sarili sa gawaing ito. 7 Ibigay ninyo sa lahat ang nararapat sa kanila: buwis sa dapat buwisan; bayad sa dapat bayaran; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Tungkulin sa Kapatid
8 Huwag kayong manatiling may pagkakautang kaninuman, maliban sa pagkakautang na magmahalan kayo, sapagkat ang nagmamahal sa kanyang kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang (B) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang maging sakim;” at ang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 10 Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.
Huwag Hatulan ang Iyong Kapatid
14 Tanggapin (C) ninyo ang mahina sa paniniwala, ngunit hindi upang magtalo sa mga bagay na tungkol sa kuru-kuro lamang. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman. Ngunit ang isa namang mahina sa paniniwala ay gulay lamang ang kinakain. 3 Ang kumakain ng kahit anong pagkain ay huwag humamak sa hindi kumakain. At ang hindi kumakain ay hindi dapat humatol sa kumakain ng kahit anong pagkain, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa alipin ng iba? Ang kanyang panginoon lamang ang makapagsasabi kung siya'y tama o mali. At siya'y patutunayang tama sapagkat kaya siyang panindigan ng Panginoon. 5 May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang araw. May iba namang pare-pareho lamang ang turing sa bawat araw. Maging panatag ang bawat isa sa kanyang sariling pag-iisip. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At ang kumakain ng kahit anong pagkain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat din sa Diyos. 7 Sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang at walang namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para sa Panginoon; at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay para sa Panginoon. 9 Dahil dito, si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Bakit (D) mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat (E) nasusulat,
“Yamang ako ay buháy,” sabi ng Panginoon, “sa aking harapan ang bawat isa ay luluhod,
at ang bawat tao ay magpapahayag ng pagkilala sa Diyos.”
12 Kaya, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng sarili sa Diyos.
Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala
13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.