Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Ano naman ang ating masasabi tungkol sa natuklasan ni Abraham na ating ninuno sa laman? 2 Kung itinuring siyang matuwid dahil sa mga gawa, mayroon siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. 3 Ano ba (A) ang sinasabi ng Kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at ito ang pinagbatayan ng kanyang pagiging matuwid.” 4 Sa taong nagtatrabaho, ang kanyang tinatanggap ay hindi itinuturing na kaloob kundi sahod. 5 Sa kanya namang walang kalakip na gawa ngunit sumasampalataya sa Diyos at nagtuturing na matuwid sa masama, ang kanyang pananampalataya ang batayan ng kanyang pagiging matuwid. 6 Ganoon din ang sinasabi ni David, na pinagpala ng Diyos ang taong itinuturing na matuwid hindi batay sa anumang gawa:
7 “Pinagpala (B) ang mga taong pinatawad ang mga pagsuway,
at silang pinawi na ang mga kasalanan.
8 Pinagpala ang taong hindi na kailanman sisingilin ng Panginoon sa kanyang kasalanan.”
9 Ang pagpapala bang ito ay para lamang sa mga tuli, o para din sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin ayon sa kasulatan, “Ang pananampalataya ay pinagbatayan ng pagiging matuwid ni Abraham.” 10 Kailan ito nangyari? Bago o pagkatapos siyang tuliin? Hindi pagkatapos kundi bago siya tinuli. 11 Tinanggap (C) niya ang tanda ng pagtutuli, ang tatak na dahil sa kanyang pananampalataya ay itinuring siyang matuwid sa harapan ng Diyos. Taglay na niya ang pananampalatayang ito bago pa siya tinuli. Sa gayon, siya'y naging ama ng mga sumasampalataya, bagama't hindi mga tuli, ay itinuring na matuwid. 12 Siya rin ang ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sila ay tuli, kundi dahil sila ay sumunod din sa mga hakbang ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli.
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat (D) ang pangako kay Abraham at sa kanyang mga supling na mamanahin nila ang sanlibutan ay dumating hindi dahil sa pamamagitan ng Kautusan, kundi ng pagiging matuwid mula sa pananampalataya. 14 Sapagkat (E) kung silang nasa ilalim ng Kautusan ang magiging mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at wala na ring saysay ang pangako. 15 Sapagkat ang Kautusan ay may dalang poot sa mga lumalabag, at kung walang Kautusan, wala ring paglabag. 16 Ang pangako, (F) kung gayon, ay batay sa pananampalataya, upang ito'y maging isang kaloob na makakamit ng buong lahi ni Abraham, hindi lamang ng mga nasa ilalim ng Kautusan, kundi pati naman ng mga nanampalataya tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Tulad (G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Tinanggap niya ang pangako sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay, at lumilikha ng mga bagay na dati ay wala. 18 Sa kabila (H) ng kawalan ng pag-asa, umasa si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa sapagkat sinabi sa kanya, “Magiging gayon karami ang iyong lahi.” 19 Hindi (I) nanghina ang kanyang pananampalataya, sa kabila ng katotohanang maituturing na patay na noon ang kanyang katawan, palibhasa'y halos isandaang taon na siya, at baog pa ang kanyang asawang si Sarah. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang pinatatag ng kanyang pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos. 21 Lubos na nagtiwala si Abraham na kayang tuparin ng Diyos ang kanyang ipinangako. 22 Sa pagtitiwalang ito ibinatay ng Diyos ang pagiging matuwid ni Abraham.[a] 23 Ang salitang “ibinatay ang kanyang pagiging matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para rin sa atin. Ituturing tayong matuwid ng Diyos, tayong sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Ibinigay (J) siya upang mamatay dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ituring na matuwid.
Mga Bunga ng Pagiging Matuwid
5 Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[b] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. 3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. 6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. 8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.
12 Sa (K) pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito'y naranasan ng lahat ng tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa dumating ang Kautusan, ngunit hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan kung walang Kautusan. 14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala gaya ng paglabag ni Adan, na siyang larawan ng isang paparating.
15 Subalit ang biyaya ng Diyos ay hindi gaya ng pagsuway. Dumating nga ang kamatayan sa marami dahil sa pagsuway ng isang tao; subalit sa pamamagitan din ng isang tao—si Jesu-Cristo—dumating at sumagana sa marami ang handog ng kagandahang-loob ng Diyos! 16 Hindi katulad ng bunga ng pagkakasala ng isang tao ang bunga ng biyaya ng Diyos. Nagbunga ng hatol na parusa ang pagkakasala ng isa, subalit ang biyaya ay nagdulot ng pagiging matuwid ng tao sa kabila ng maraming pagsuway. 17 Sapagkat kung naghari ang kamatayan dahil sa pagsuway ng isang tao, lalong higit ang nakamtan ng mga taong kinahabagan nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos! Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Cristo. 18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagbunga ng parusa para sa lahat, sa gayon ding paraan, ang pagiging matuwid ng isang tao ay nagbunga ng pagiging matuwid at buhay para sa lahat. 19 Sapagkat kung marami ang naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, sa pamamagitan din ng pagsunod ng isang tao maraming ituturing na matuwid. 20 Ang pagdating ng Kautusan ay nagbunga ng maraming pagsuway. Ngunit habang dumarami ang kasalanan ay lalong sumasagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin namang ang kagandahang-loob ng Diyos ay maghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid. Magbubunga ito ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.