Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Hebreo 10-11

10 Ang Kautusan ay nagtataglay ng anino lamang ng mabubuting bagay na darating at hindi ng totoong anyo ng mga iyon. Kaya, kailanman ay hindi kaya ng kautusan na gawing ganap ang mga lumalapit sa pamamagitan ng mga alay na laging ihinahandog taun-taon. Kung hindi gayon, sana ay tinigil na ang paghahandog ng mga iyon, kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan ay wala nang kamalayan sa kanilang kasalanan. Ngunit ang mga handog na iyon ay taun-taong nagsisilbing paalala ng mga kasalanan. Sapagkat hindi kayang pawiin ng dugo ng mga toro at ng mga kambing ang mga kasalanan.

Kaya't (A) nang dumating si Cristo sa sanlibutan, sinabi niya,

“Alay at handog, hindi mo kinalugdan,
    ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
sa mga handog para sa kasalanan, sa mga handog na sinusunog,
    sa mga ito ay hindi ka nalugod.
Kaya't sinabi ko, ‘Masdan mo, O Diyos, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban,
    gaya ng sinasaad tungkol sa akin, sa balumbon ng Kasulatan.’

Nang sabihin niya na, “Alay at handog, hindi mo kinalugdan; sa mga handog para sa kasalanan, sa mga handog na sinusunog,” na ihinahandog ayon sa Kautusan, idinagdag din niya, “Masdan mo, O Diyos, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang pag-aalay upang bigyang-daan ang pangalawa, ang pag-aalay ni Cristo.[a] 10 At dahil sa pagsunod ni Jesu-Cristo sa kalooban ng Diyos, tayo'y ginawang banal dahil sa pag-aalay ng katawan ni Cristo, pag-aalay na minsanan at ang bisa ay magpakailanman.

11 Araw-araw (B) na ginagampanan ng pari ang paglilingkod, paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog na hindi naman kailanman nakapapawi ng mga kasalanan. 12 Ngunit (C) minsan lamang naghandog si Cristo ng iisang alay na panghabang-panahon para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Pagkatapos nito'y umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Mula nang panahon na iyon ay naghihintay siya hanggang ang kanyang mga kaaway ay maipailalim sa kanyang mga paa. 14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang alay ay kanyang ginawang sakdal magpakailanman ang mga ginagawang banal.

15 Ang Banal na Espiritu ay nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Una ay sinabi niya,

16 “Ito (D) ang pakikipagtipan na gagawin ko sa kanila,
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga tuntunin sa kanilang mga puso,
    itatanim ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”

17 pagkatapos ay sinabi (E) rin niya,

“Ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

18 Dahil mayroon nang kapatawaran sa mga kasalanan, hindi na kailangang mag-alay pa para sa mga ito.

Mga Paalala at Babala

19 Kaya, mga kapatid, mayroon na tayong lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daan sa gitna ng tabing; samakatuwid ay sa pamamagitan ng kanyang katawan. 21 At dahil tayo ay may isang Kataas-taasang Pari sa bahay ng Diyos, 22 lumapit tayo (F) sa Diyos na may tapat na puso at lubos na pananampalataya. Lumapit tayo na may pusong winisikan upang maging malinis mula sa maruming budhi at may katawang hinugasan ng dalisay na tubig. 23 Matatag nating panghawakan ang pag-asa na ating ipinapahayag, yamang siya na nangako ay tapat. 24 At isipin natin kung paano natin hihimukin ang isa't isa sa pag-ibig at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, sa halip ay palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na habang nakikita ninyo na papalapit na ang Araw.

26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala matapos na lubos nating malaman ang katotohanan, wala nang maaari pang ialay para sa mga kasalanan. 27 Sa halip, (G) ang natitira na lamang ay ang paghihintay sa isang kakila-kilabot na paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway. 28 Ang (H) sumuway sa Kautusan ni Moises, batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang pinapatay. 29 Sa (I) tingin ninyo, hindi ba higit na parusa ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa taong iyon, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? 30 Sapagkat (J) kilala natin siya na nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti, ako ang maniningil.” Sinabi rin, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot na bagay ang mahulog mula sa mga kamay ng buháy na Diyos.

32 Alalahanin ninyo ang nagdaang mga araw. Matapos kayong maliwanagan, matibay kayong nanindigan sa gitna ng mga pagtitiis at pakikipaglaban. 33 May mga panahong hayagan kayong inaalipusta at inusig; at may mga panahon ding naging kasama kayo ng mga taong pinaranas ng gayon. 34 Sapagkat kinahabagan ninyo ang mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkamkam ng inyong mga ari-arian, palibhasa'y alam ninyo na mayroon kayong kayamanang higit na mabuti at magpakailanman. 35 Kaya't huwag ninyong sayangin ang inyong pagtitiwala sa Diyos, sapagkat nagdudulot ito ng dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyong magpakatatag, upang pagkatapos ninyong gampanan ang kalooban ng Diyos ay tatanggapin ninyo ang kanyang ipinangako.

37 Sapagkat (K) “kaunting panahon na lamang,
    Siya na dumarating ay darating at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.
Kung siya'y tumalikod,
    hindi malulugod sa kanya ang aking kaluluwa.

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; sa halip, kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Ang Pananampalataya

11 Ngayon, ang pananampalataya ay pagiging tiyak sa mga bagay na inaasahan at paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita. Sa pamamagitan nito, ang mga tao noong unang panahon ay kinalugdan ng Diyos.

Sa (L) pamamagitan ng pananampalataya ay nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nilikha mula sa mga bagay na hindi nakikita.

Sa (M) pamamagitan ng pananampalataya, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na mainam na handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito, siya'y pinatunayang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang mga kaloob. Sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya ay nagsasalita pa siya bagaman siya ay patay na. Sa (N) pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay kinuhang paitaas upang siya'y hindi dumanas ng kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Bago siya kinuha, napatunayang nalugod sa kanya ang Diyos. At kung walang pananampalataya, hindi maaaring malugod ang Diyos sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay-gantimpala sa mga nagnanais maglingkod sa kanya. Sa (O) pamamagitan ng pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nakikita, kaya't siya'y gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng pagiging matuwid na bunga ng pananampalataya.

Sa (P) pamamagitan ng pananampalataya, sumunod si Abraham nang tawagin siya ng Diyos na pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana. Sumunod nga siya, bagama't hindi niya nalalaman ang lugar na kanyang pupuntahan. Sa (Q) pamamagitan din ng pananampalataya, siya'y nanirahan sa lupang pangako bilang dayuhan. Nanirahan siya sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako. 10 Sapagkat inaasahan niya ang lungsod na may mga saligan, isang lungsod na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos. 11 Sa (R) pamamagitan ng pananampalataya, bagaman matanda na at baog si Sarah ay tumanggap pa rin siya ng kakayahang magkaanak, palibhasa'y itinuring ni Abraham[b] na tapat ang nangako. 12 Kaya't (S) mula sa isang lalaki na halos patay na ay isinilang ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng di mabilang na mga buhangin sa dalampasigan.

13 Namatay (T) lahat ang mga taong ito na may pananampalataya bagamat hindi nila tinanggap ang mga ipinangako ng Diyos. Ngunit natanaw nila at binati ang mga iyon mula sa malayo. Ipinahayag nila na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa. 14 Ang mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan. 15 Kung ang iniisip nila ay ang kanilang pinanggalingang lupain, nagkaroon pa sana sila ng pagkakataong makabalik. 16 Ngunit ang ninanais nila ay higit na mabuting lupain, isang lupaing makalangit. Kaya't hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.

17 Sa (U) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin ng Diyos si Abraham ay ihinandog niya sa Diyos si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang kaisa-isang anak, 18 gayong (V) sinabi ng Diyos, “Kay Isaac magmumula ang iyong lahi.” 19 Itinuring ni Abraham na may kapangyarihan ang Diyos na buhayin ang sinuman mula sa kamatayan, at sa patalinghagang pananalita, tinanggap nga niya si Isaac mula sa kamatayan. 20 Sa (W) pamamagitan ng pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na magaganap. 21 Sa (X) pamamagitan ng pananampalataya, nang si Jacob ay mamamatay na, isa-isa niyang binasbasan ang mga anak ni Jose, at sumamba sa Diyos habang nakahawak sa kanyang tungkod. 22 Sa (Y) pamamagitan ng pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita mula sa Ehipto, at nagbiling dalhin nila ang kanyang mga buto.

23 Sa (Z) pamamagitan ng pananampalataya, itinago si Moises ng kanyang mga magulang sa loob ng tatlong buwan matapos siyang ipanganak, sapagkat nakita nilang siya ay magandang bata. Hindi sila natakot sa utos ng hari. 24 Sa (AA) pamamagitan ng pananampalataya, nang si Moises ay nasa hustong gulang na, tumanggi siya na kilalaning apo ng Faraon.[c] 25 Sa halip, pinili pa niyang makibahagi sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos, kaysa magtamasa ng panandaliang ligaya na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niya na mas malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa magtamasa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa gantimpala sa hinaharap. 27 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari; siya ay matiyagang nagpatuloy sapagkat ang Diyos na hindi nakikita ay kanyang nakita. 28 Sa (AB) pamamagitan ng pananampalataya, isinagawa niya ang Paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Tagapuksa ng mga panganay. 29 Sa (AC) pamamagitan ng pananampalataya, tinahak ng mga Israelita ang Dagat na Pula na parang lumalakad sila sa tuyong lupa, ngunit nang tangkain ng mga Ehipcio na gawin ito ay nalunod ang mga ito. 30 Sa (AD) pamamagitan ng pananampalataya, gumuho ang pader ng Jerico matapos itong malibot sa loob ng pitong araw. 31 Sa (AE) pamamagitan ng pananampalataya, si Rahab na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak kasama ng mga suwail sapagkat mapayapa niyang tinanggap ang mga espiya.

32 Ano (AF) pa ba ang dapat kong sabihin? Kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at tungkol sa mga propeta. 33 Sa (AG) pamamagitan ng pananampalataya, ang mga ito ay lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng bibig ng mga leon, 34 pumatay (AH) ng naglalagablab na apoy, nakaligtas mula sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, at nagpaurong ng mga hukbong dayuhan. 35 Sa (AI) pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap ng mga kababaihan ang mga namatay nilang mahal sa buhay nang ang mga ito'y muling buhayin. Ang iba nama'y pinahirapan at tumangging mapalaya upang makamit ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. 36 Ang (AJ) iba'y nagtiis ng paghamak at paghagupit, at maging ng pagkagapos at pagkabilanggo. 37 Ang iba ay (AK) pinagbabato hanggang mamatay, ang iba ay nilagari at ang iba ay pinatay sa tabak. Lumakad silang suot ang balat ng mga tupa at kambing, na mga nagdarahop, pinag-uusig, at pinagmamalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpalabuy-laboy sila sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.

39 Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman kinalugdan ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako. 40 Dahil may inihandang mas maganda ang Diyos para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal malibang kasama tayo.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.