Read the New Testament in 24 Weeks
Higit na Dakila si Jesus kay Moises
3 Kaya, mga kapatid kong banal, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo si Jesus, ang Apostol at Kataas-taasang Pari ng ating ipinapahayag. 2 Tapat (A) siya sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos. 3 Sapagkat si Jesus ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa sa bahay. 4 Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos. 5 Si Moises, bilang lingkod ng buong sambahayan ng Diyos, ay naging tapat upang magpatotoo sa mga bagay na sasabihin. 6 Subalit si Cristo, bilang isang anak ay tapat sa sambahayan ng Diyos, at tayo ang sambahayang iyon, kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang pagtitiwala at pagmamalaki natin dahil sa ating pag-asa.
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't (B) gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso tulad noong sila’y naghimagsik,
noong araw na sila’y subukin sa ilang,
9 kung saan sinubok ako ng inyong mga magulang,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Ang puso nila'y laging lumalayo sa akin,
at ang mga daan ko'y ayaw nilang alamin.’
11 Kaya sa aking galit ay isinumpa ko,
‘Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.’ ”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyo na magkaroon ng pusong masama at walang pananampalataya, na ito’y naglalayo sa buháy na Diyos. 13 Palakasin ninyo ang loob ng isa't isa araw-araw, habang matatawag pa itong “araw na ito,” baka sinuman sa inyo ay patigasin ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung matatag nating panghahawakan hanggang katapusan ang pagtitiwalang ipinakita natin noong una pa man. 15 Gaya (C) ng sinasabi,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong sila’y naghimagsik.”
16 Sapagkat (D) sino ba ang mga naghimagsik bagaman sila’y nakarinig? Hindi ba silang lahat na umalis sa Ehipto sa pangunguna ni Moises? 17 Kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala na ang mga bangkay ay kumalat sa ilang? 18 At sino ba ang tinukoy niya noong siya’y sumumpa na sila’y hindi makakapasok sa kanyang kapahingahan? Hindi ba't ang mga matitigas ang ulo? 19 Kaya't nakikita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
4 Dahil nananatili pang may bisa ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo at baka mayroon sa inyo na hindi makapasok doon. 2 Sapagkat tulad ng naranasan natin ay dumating din sa kanila ang Magandang Balita; ngunit ang salitang narinig nila'y hindi nila pinakinabangan, sapagkat hindi nila sinamahan ng pananampalataya ang kanilang pakikinig. 3 Tayong sumampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,
“Sa aking galit ay isinumpa ko,
hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.”
Sinabi ito ng Diyos kahit na natapos na ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan. 4 Sapagkat (E) ganito ang sinabi tungkol sa ikapitong araw sa isang bahagi ng Kasulatan, “At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kanyang mga gawa.” 5 At (F) sa dakong ito naman ay muling sinabi, “Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.” 6 Kaya't dahil nananatili pang bukás para sa ilan ang makapasok doon, at dahil sa pagsuway ay hindi nakapasok ang mga naunang pinangaralan ng Magandang Balita, 7 muling (G) nagtakda ang Diyos ng isang araw, “Sa araw na ito;” ayon nga sa mga salitang nabanggit, sinabi sa pamamagitan ni David paglipas ng ilang panahon,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat (H) kung ang mga Israelita ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita pa ang Diyos paglipas ng ilang panahon tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kaya't may nakalaan pang isang Sabbath na kapahingahan para sa bayan ng Diyos; 10 sapagkat (I) ang pumasok sa kapahingahang ibinigay ng Diyos ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos na nagpahinga rin sa kanyang paglikha. 11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang walang sinumang mabuwal dahil sa pagsunod sa halimbawa ng pagsuway ng mga Israelita noon.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim. Tumatagos ito hanggang sa pagitan ng kaluluwa at ng espiritu, hanggang sa mga kasukasuan at utak sa buto; at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso. 13 Walang nilalang na makapagtatago sa harapan ng Diyos na ating pagsusulitan. Sa mga mata niya ang lahat ng bagay ay hubad at hayag.
Si Jesus ang Dakilang Kataas-taasang Pari
14 Kaya nga, dahil mayroon tayong isang Dakilang Kataas-taasang Pari na pumasok na sa kalangitan, at iyon ay si Jesus na Anak ng Diyos, matatag nating panghawakan ang ating ipinahahayag. 15 Sapagkat mayroon tayong Kataas-taasang Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan. Tulad natin ay tinukso rin siya sa lahat ng mga paraan, gayunma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't lumapit tayo na may lakas ng loob sa trono ng biyaya, upang tumanggap tayo ng awa, at makatagpo ng biyaya na makatutulong sa panahon ng ating pangangailangan.
5 Bawat Kataas-taasang Pari ay pinili mula sa mga tao at itinalaga upang mangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos para sa kanilang kapakanan—ang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan. 2 May kakayanan siyang makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, dahil siya mismo ay mayroon ding kahinaan. 3 Dahil (J) dito ay kailangan niyang maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, kung paanong kailangan din niyang maghandog para sa kasalanan ng taong-bayan. 4 Hindi (K) maaaring kunin ng sinuman sa kanyang sariling kagustuhan ang karangalan ng pagiging Kataas-taasang Pari malibang siya ay tinawag ng Diyos tulad ni Aaron.
5 Gayundin (L) si Cristo; hindi niya pinarangalan ang kanyang sarili upang maging Kataas-taasang Pari. Sa halip, siya ay itinalaga ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang Anak ko,
Ako, sa araw na ito, ang nagsilang sa iyo.”
6 Sinabi (M) rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
7 Noong (N) nabubuhay pa si Jesus dito sa lupa,[a] kalakip ang malakas na pagtangis at pagluha ay naghandog siya ng mga panalangin at mga pakiusap sa Diyos na may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang banal na pagpapasakop. 8 Kahit na siya'y Anak, natutunan niya ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis. 9 Nang siya ay naging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya; 10 yamang siya'y itinalaga ng Diyos bilang Kataas-taasang Pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Babala Laban sa Pagtalikod sa Pananampalataya
11 Marami pa kaming masasabi tungkol dito ngunit mahirap ipaliwanag dahil mabagal kayong umunawa.[b] 12 Katunayan, (O) sa panahong ito'y dapat tagapagturo na sana kayo; subalit kailangan pa rin ninyong turuan ng mga panimulang aralin ukol sa Salita ng Diyos. Gatas pa rin ang kailangan ninyo, at hindi solidong pagkain. 13 Sapagkat sinumang umaasa pa sa gatas ay hindi pa sanay sa salita ng katuwiran, dahil sanggol pa lamang. 14 Ngunit ang solidong pagkain ay para sa mga nasa hustong gulang, sa kanila na sa palagiang paggamit ay nasanay na sa pag-alam ng pagkakaiba ng mabuti at masama.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.