Read the New Testament in 24 Weeks
Humingi ng Mahimalang Tanda kay Jesus(A)
16 Dumating (B) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin si Jesus, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang himala mula sa langit. 2 Sinabi niya sa kanila, “[Sa dapithapon ay sinasabi ninyo, ‘Maganda ang panahon bukas, sapagkat mapula ang langit.’ 3 At sa umaga, ‘Maulan ngayon, sapagkat mapula ang langit at makulimlim.’ Marunong kayong bumasa ng anyo ng langit, subalit hindi kayo marunong umunawa ng mga palatandaan ng mga panahon.][a] 4 Ang (C) isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda, ngunit walang mahimalang tanda na ibibigay rito, maliban sa tanda ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan niya sila at siya ay umalis.
Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(D)
5 Nang tumawid sa kabilang pampang ang mga alagad ay nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6 Sinabi (E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.” 7 Pinag-usapan nila iyon at sinabi nila, “Dahil hindi tayo nagdala ng tinapay.” 8 Ngunit batid ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “Kayong mahina ang pananampalataya! Bakit pinagtatalunan ninyo na kayo'y walang tinapay? 9 Hindi (F) pa ba kayo nakauunawa? Hindi ba ninyo naaalala ang limang tinapay na ipinakain sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon; 10 o (G) iyong pitong tinapay na ipinakain sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon? 11 Paanong hindi ninyo nauunawaan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at mga Saduceo!’ ” 12 Noon ay naunawaan nila na hindi niya sinabing mag-ingat sila sa pampaalsa ng tinapay, kundi sa itinuturo ng mga Fariseo at mga Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)
13 Nang dumating si Jesus sa pook ng Cesarea Filipos, nagtanong siya sa kanyang mga alagad ng ganito, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” 14 At (I) sumagot sila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias, at ang iba naman ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” 16 Sumagot (J) si Simon Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang nagpahayag nito sa iyo ay hindi laman at dugo kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[b] at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay (K) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay ang natalian na sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay ang nakalagan na sa langit.” 20 Pagkatapos ay mahigpit niyang pinagbilinan ang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Sinabi ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(L)
21 Mula noon ay nagsimula si Jesus na tahasang sabihin sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem, at magdusa ng maraming bagay sa kamay ng matatandang pinuno, at sa mga pinunong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Doon, siya'y papatayin at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. 22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Kahabagan ka nawa, Panginoon! Hindi po kailanman mangyayari iyon sa iyo.” 23 Hinarap niya si Pedro at sinabihan ito, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Sagabal ka sa akin, sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
Pasanin ang Krus at Sumunod kay Jesus
24 Pagkatapos (M) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, talikuran niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat (N) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[d] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay kanyang matatagpuan ito. 26 Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong daigdig subalit buhay naman niya ang kapalit? O ano ang maibibigay ng tao, kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat (O) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at gagantihan niya ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makalalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating na naghahari sa kanyang kaharian.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(P)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at sila'y kanyang dinala na walang kasamang iba sa isang mataas na bundok. 2 At nagbagong-anyo siya sa harapan nila, nagliwanag ng tulad sa araw ang kanyang mukha, at naging parang ilaw sa kaputian ang kanyang mga damit. 3 At doon ay nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti at naririto tayo. Kung nais mo po, gagawa ako ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” 5 Nagsasalita (Q) (R) pa siya noon nang napailalim sila sa isang maningning na ulap, at isang tinig mula roon ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nasisiyahan. Siya ang inyong pakinggan.” 6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at labis na natakot. 7 Subalit lumapit si Jesus at sila'y hinawakan. Sinabi niya, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila ay wala silang nakitang sinuman, kundi si Jesus lamang. 9 At nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.” 10 Tinanong (S) siya ng kanyang mga alagad, “Kung gayon, bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan munang dumating si Elias?” 11 Sumagot siya, “Talagang darating si Elias at panunumbalikin ang lahat ng mga bagay. 12 Subalit (T) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit siya'y hindi nila kinilala, sa halip ay kanilang ginawa sa kanya ang anumang kanilang maibigan. Gayundin naman, ang Anak ng Tao ay malapit nang dumanas ng pagdurusa sa kanilang mga kamay.” 13 At naunawaan ng mga alagad na tungkol kay Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(U)
14 At pagdating nila sa maraming tao, may isang lalaking lumapit sa kanya at lumuhod sa harapan niya. 15 Sinabi niya, “Panginoon, maawa ka po sa aking anak na lalaki. Siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; madalas siyang bumabagsak sa apoy at pati sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila kayang pagalingin.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong walang pananampalataya at napakasamang lahi, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal pa akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.” 18 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Ang bata ay gumaling nang oras ding iyon. 19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at nagtanong sila, “Bakit po hindi namin nakayang palayasin iyon?” 20 Sinabi (V) niya sa kanila, “Maliit kasi ang inyong pananampalataya. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat. Walang anuman na hindi ninyo kayang gawin. 21 Ngunit hindi lumalabas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”[e]
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(W)
22 Nang sila'y nagkatipon[f] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating (X) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[g] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.