Read the New Testament in 24 Weeks
Namatay si Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nang panahong iyon ay narinig ng pinunong[a] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. 2 At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Ang taong iyon ay si Juan na Tagapagbautismo! Siya'y ibinangon mula sa kamatayan kaya't nagagawa niya ang mga himalang ito.” 3 Nauna noon ay (B) ipinadakip ni Herodes si Juan. Iginapos niya ito at ibinilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[b] 4 Sapagkat (C) pinagsasabihan siya noon ni Juan, “Labag sa batas na angkinin mo ang babaing iyan.” 5 At kahit nais niyang ipapatay si Juan, natatakot siya sa taong-bayan sapagkat kinikilala nila si Juan na isang propeta. 6 Subalit pagsapit ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias na ikinalugod naman ni Herodes. 7 Kaya't nangako siya at nanumpa na ibibigay niya ang anumang hihingin ng dalaga. 8 Sa sulsol ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay ninyo sa akin ngayon, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!” 9 Ikinalungkot ito ng hari, subalit dahil sa kanyang binitawang pangako sa harap ng mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay ang kahilingang iyon. 10 Nagpadala siya ng tauhan at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga, at dinala naman niya ito sa kanyang ina. 12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita ito kay Jesus.
Pinakain ang Limang Libo(D)
13 Nang marinig ito ni Jesus, nilisan niya ang lugar na iyon. Sumakay siya sa isang bangka patungo sa isang hindi mataong lugar at doon ay nag-iisa siya. Subalit nang mabalitaan ito ng napakaraming tao, naglakad sila mula sa mga bayan at sinundan siya. 14 Pagdating ni Jesus sa pampang at nakita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na naroon. 15 Nang palubog na ang araw, nilapitan siya ng kanyang mga alagad at sinabi, “Malayo sa kabayanan ang lugar na ito, at pagabi na. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao para makabili sila ng makakain nila.” 16 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 At sinabi naman nila sa kanya, “Limang tinapay lang po at dalawang isda ang mayroon tayo rito.” 18 “Dalhin ninyo rito sa akin” ang sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang napakaraming tao. Nang makuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat para sa mga ito. Pinagputul-putol niya ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad. Ipinamahagi ito ng mga alagad sa mga tao. 20 Ang lahat ay kumain at nabusog. Pagkatapos ay tinipon ng mga alagad ang mga labis na mga pinagputul-putol na tinapay, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 21 Mga limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata ang mga kumain.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(E)
22 Pagkatapos ay agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna niya sa kabilang pampang, habang pinauuwi niya ang napakaraming tao. 23 Matapos niyang pauwiin ang mga tao, nag-iisang umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, naroroon pa rin siyang nag-iisa. 24 Ngunit nang mga sandaling iyon, ang bangka ay pumapalaot na at hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. 25 Nang madaling-araw na,[c] lumapit sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Nang makita ng mga alagad na lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, nasindak sila at nagsabi, “May multo!” At nagsisigaw sila sa takot. 27 Subalit nagsalita kaagad si Jesus, at sinabi sa kanila, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” 28 Sumagot sa kanya si Pedro, “Panginoon, kung ikaw po iyan, papuntahin mo ako diyan sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin ni Pedro[d] ang hangin, natakot siya. At nang siya'y nagsisimula nang lumubog ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Kaagad iniabot ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro, at sinabihan, “Ikaw na maliit ang pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Nang makasampa na sila sa bangka ay huminto na ang hangin. 33 Sumamba sa kanya ang mga nasa bangka. Sabi nila, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”
Pinagaling ang mga Maysakit sa Genesaret(F)
34 Pagdating nila sa kabilang pampang, dumaong sila sa Genesaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa lugar na iyon, ipinamalita nila ito sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. 36 Nakiusap sila sa kanya na mahawakan nila kahit ang laylayan ng kanyang damit. At lahat ng nakahawak nito ay gumaling.
Mga Minanang Kaugalian(G)
15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, 2 “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” 3 Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4 Sapagkat (H) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ 5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, 6 at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[e] ng Diyos. 7 Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang (I) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”
Ang Nagpaparumi sa Tao(J)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (K) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[f] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (L) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”
Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(M)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis doon si Jesus at bumagtas sa tabi ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Dumagsa sa kanya ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, mga paralitiko, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y kanyang pinagaling. 31 Namangha ang maraming tao nang makita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, lumalakas ang mga paralitiko, nakalalakad ang mga piláy, at nakakikita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Pinakain ang Apat na Libo(N)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Naaawa ako sa maraming taong ito, sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at ngayon ay wala silang pagkain. Ayaw ko naman silang paalising gutóm, at baka himatayin sila sa daan.” 33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na tinapay sa liblib na pook na ito upang ipakain sa ganito karaming tao?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo niya sa lupa ang mga tao, 36 kinuha ang pitong tinapay at ang mga isda at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. 37 Silang lahat ay kumain at nabusog. At nakapagtipon sila ng pitong kaing na punô ng mga labis na pinagputul-putol na pagkain. 38 May apat na libong lalaki ang kumain bukod pa sa mga babae at sa mga bata. 39 Pagkatapos pauwiin ang maraming tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa nasasakupan ng Magadan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.