Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Babae at ang Dragon
12 May isang kapansin-pansin na tanda na lumitaw sa langit: isang babaing nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay isang koronang may labindalawang bituin. 2 Kagampan siya at sumisigaw sa hirap at sakit dala ng pagluluwal. 3 May isa (A) pang tandang lumitaw sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa mga ulo niya'y may pitong korona. 4 Kinaladkad (B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin ng langit at itinapon ang mga ito sa lupa. Pagkatapos ay tumayo ang dragon sa harap ng babaing malapit nang manganak, upang pagkapanganak ay lamunin ng dragon ang anak nito. 5 At ang (C) babai'y nagsilang ng isang batang lalaki na mamamahala sa lahat ng mga bansa gamit ang isang pamalong bakal. Ngunit inagaw ang kanyang anak at dinala sa Diyos at sa kanyang trono. 6 Tumakas ang babae patungo sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar upang maalagaan siya sa loob ng isang libo dalawandaan at animnapung araw.
7 At (D) nagkaroon ng digmaan sa langit; si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. Nakipaglaban ang dragon at ang kanyang mga anghel, 8 ngunit natalo sila, at wala na ring lugar para sa kanila sa langit. 9 At itinapon (E) ang malaking dragon, ang matandang ahas, na tinatawag na Diyablo at Satanas, ang nandaraya sa buong daigdig. Itinapon siya sa lupa, kasama ang kanyang mga anghel.
10 At (F) pagkatapos ay isang malakas na tinig sa langit ang aking narinig:
“Dumating na ang pagliligtas, ang kapangyarihan,
ang kaharian ng ating Diyos,
at ang pamumuno ng kanyang Cristo,
sapagkat naitapon na ang nang-uusig sa ating mga kapatid,
siya na nagpaparatang sa kanila sa harap ng ating Diyos araw at gabi.
11 Nagtagumpay sila laban sa kanya sa pamamagitan ng dugo ng Kordero
at sa pamamagitan ng salita ng kanilang patotoo;
at hindi nila pinahalagahan ang kanilang buhay sa harap man ng kamatayan.
12 Kaya nga magalak kayo, kalangitan
at pati na ang mga sa inyo'y naninirahan!
Ngunit kaylagim ng sasapitin ninyo, lupa at dagat,
sapagkat sa inyo bumaba ang Diyablong may matinding galit,
sapagkat alam niyang kaunti na lamang ang kanyang panahon!”
13 Nang mapagtanto ng dragon na siya'y itinapon na sa lupa, tinugis niya ang babaing nagsilang ng batang lalaki. 14 Ngunit (G) binigyan ang babae ng dalawang pakpak ng malaking agila, upang makalipad siya palayo sa ahas patungong ilang, upang doon ay maalagaan siya sa loob ng isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon. 15 At binugahan ng ahas ng tubig mula sa kanyang bibig ang babae; ito'y tulad ng isang ilog, upang tangayin nito ang babae. 16 Ngunit tinulungan ng lupa ang babae; nagbuka ng bibig ang lupa at nilunok ang ilog na ibinuga ng dragon. 17 Kaya sa tindi ng galit ng dragon sa babae, umalis iyon upang makipaglaban sa iba pang mga anak nito, sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at naninindigan sa patotoo ni Jesus. 18 Pagkatapos ay tumayo ang dragon sa dalampasigan.
Ang Dalawang Halimaw
13 At (H) nakita ko ang isang halimaw na umaahon mula sa dagat. Mayroon itong sampung sungay at pitong ulo; at sa mga sungay nito ay may sampung korona, at sa mga ulo nito ay may mga pangalang mapaglapastangan. 2 Tulad (I) ng isang leopardo ang halimaw na nakita ko, ang mga paa nito ay tulad ng sa oso, at ang bibig ay parang sa leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan, ang trono, at ang kanyang malawak na pamamahala. 3 Ang isa sa mga ulo nito ay may malubhang sugat na maaari nitong ikamatay, subalit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig at sumunod sa halimaw. 4 Sinamba nila ang dragon dahil ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw, at sino ang may kakayahang lumaban sa kanya?”
5 Binigyan (J) ng halimaw ang isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan at mga kalapastanganan, at pinahintulutan nitong mamahala sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 6 Sinimulan niyang lapastanganin ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, at ang tahanan ng Diyos, at ang mga naninirahan doon. 7 Pinahintulutan (K) din itong makipaglaban sa mga banal at daigin sila. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat lipi, bayan, wika, at bansa. 8 Lahat (L) ng naninirahan sa ibabaw ng lupa ay sasamba sa kanya, bawat isang ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero na pinatay mula pa nang likhain ang sanlibutan.[a]
9 Makinig ang may pandinig:
10 (M) Sinumang matakdang mabihag,
sadyang mabibihag;
sinumang matakdang mamatay sa tabak,
sadyang mamamatay sa tabak.
Ito ay panawagan para sa pagtitiis at katapatan ng mga banal.
11 At pagkatapos isa pang halimaw ang nakita kong umaahon mula sa lupa. Mayroon itong dalawang sungay tulad ng sa kordero ngunit nagsasalita itong parang dragon. 12 Ginagamit nito ang lahat ng kapangyarihan ng halimaw na nauna sa kanya, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga nakatira dito sa unang halimaw, siya na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumagawa ito ng mga kamangha-manghang tanda, ginagawa nitong magpababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao. 14 Sa pamamagitan ng mga tandang pinahintulot na gawin niya sa harapan ng unang halimaw, nililinlang niya ang mga nakatira sa lupa, sinasabihan silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na nasugatan ng tabak subalit nabuhay. 15 Pinayagan itong magbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ay makapagsalita at maipapatay ang mga ayaw sumamba sa larawan nito. 16 Pinatatakan nito ang kanang kamay o noo ng lahat—ang mga hamak at ang mga dakila, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at mga alipin, 17 upang walang sinuman ang makabili o makapagtinda kung walang tatak ng pangalan ng halimaw o bilang ng pangalan nito. 18 Nangangailangan ito ng karunungan: sinumang may pang-unawa ay unawain ang bilang ng halimaw, sapagkat ito ay bilang ng isang tao. Ang bilang niya ay 666.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.