Read the New Testament in 24 Weeks
Ang 144,000 na Tinatakan
7 Pagkatapos (A) nito, nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at pumipigil sa apat na hangin ng lupa, upang walang hanging makaihip sa lupa, sa dagat, at maging sa anumang puno. 2 Nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa silangan, dala-dala ang tatak ng Diyos na buháy, at sumigaw nang malakas sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang salantain ang lupa at ang dagat. 3 Sinabi niya sa kanila, “Huwag (B) ninyong salantain ang lupa o ang dagat, o ang mga puno, hanggang matatakan na namin sa kanilang noo ang mga alipin ng ating Diyos. 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan—isandaan at apatnapu't apat na libo ang tinatakan, mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda, 12,000;
sa lipi ni Ruben, 12,000;
sa lipi ni Gad, 12,000;
6 sa lipi ni Aser, 12,000;
sa lipi ni Neftali, 12,000;
sa lipi ni Manases, 12,000;
7 sa lipi ni Simeon, 12,000;
sa lipi ni Levi, 12,000;
sa lipi ni Isacar, 12,000;
8 sa lipi ni Zebulun, 12,000;
sa lipi ni Jose, 12,000;
sa lipi ni Benjamin, 12,000.
Ang Makapal na Bilang ng Tao mula sa Bawat Bansa
9 Pagkatapos nito ay tumingin ako, at naroon ang napakakapal na bilang ng taong hindi kayang bilangin ng sinuman, mula sa bawat bansa, mula sa lahat ng lipi, mga bayan, at mga wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, nakasuot ng puting damit at may hawak-hawak na mga sanga ng palma. 10 Sumisigaw sila na nagsasabi,
“Ang kaligtasan ay buhat sa ating Diyos na nakaupo sa trono at sa Kordero!”
11 At lahat ng anghel ay tumayo sa paligid ng trono, sa paligid ng matatanda, at ng apat na buháy na nilalang. Nagpatirapa sila sa harap ng trono at sinamba ang Diyos, 12 na nagsasabi,
“Amen! Sa aming Diyos ang kapurihan,
kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat,
karangalan, kapangyarihan at kalakasan
magpakailanpaman! Amen.”
13 Isa sa matatanda ang nagtanong sa akin, “Sino ang mga ito na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sinabi ko sa kanya, “Ginoo, (C) ikaw po ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa matinding kapighatian; hinugasan nila at pinaputi ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.
15 Dahil dito, sila'y nasa harap ng trono ng Diyos,
at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa kanyang templo,
at sila'y kukupkupin ng nakaupo sa trono.
16 Hindi (D) na sila magugutom ni mauuhaw man;
hindi na sila sasaktan ng sikat ng araw,
o ng anumang nakapapasong init;
17 sapagkat (E) ang Korderong nasa gitna ng trono ang kanilang magiging pastol,
at kanyang aakayin sila tungo sa mga bukal ng tubig ng buhay,
at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”
Ang Ikapitong Tatak
8 Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak, nagkaroon ng katahimikan sa langit nang halos kalahating oras. 2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harap ng Diyos, at binigyan sila ng pitong trumpeta.
3 (F) Isa pang anghel na may dalang gintong lalagyan ng insenso ang dumating at tumayo sa dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang kanyang ialay kasama ang mga panalangin ng lahat ng banal sa gintong dambanang nasa harap ng trono. 4 At ang usok ng mga insenso, kasama ang mga panalangin ng mga banal, ay umakyat sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel. 5 (G) Kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno ito ng apoy mula sa dambana at itinapon ito sa lupa. Noon di'y kumulog, nagkaingay, kumidlat at lumindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 (H) Ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay humanda upang hipan ang mga ito.
7 Hinipan (I) ng unang anghel ang kanyang trumpeta, at nagkaroon ng yelo at apoy, na may halong dugo. Itinapon ang mga ito sa lupa. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa at ng mga puno. Ang lahat ng luntiang damo ay nasunog din.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, at itinapon sa dagat ang isang tulad ng malaking bundok na nagliliyab sa apoy. 9 Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, namatay ang ikatlong bahagi ng may buhay sa ilalim ng dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga barko.
10 Hinipan (J) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, at isang malaking bituin ang nahulog mula sa langit, nagliliyab na parang isang sulo. Nahulog ito sa ikatlong bahagi ng mga ilog at sa mga bukal ng tubig. 11 (K) Halamang Mapait ang pangalan ng bituin. Naging mapait ang ikatlong bahagi ng mga tubig. Maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito'y naging mapait.
12 Hinipan (L) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin, kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nabawasan din ang ikatlong bahagi ng liwanag at ang maghapon at magdamag.
13 Tumingin ako, at narinig ko ang isang agilang sumisigaw habang lumilipad sa himpapawid, “Kaylagim, kaylagim, kaylagim ng sasapitin ng mga naninirahan sa lupa dahil sa iba pang mga trumpeta na hihipan ng tatlo pang anghel!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.