Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Pahayag 5-6

Ang Aklat at ang Kordero

At nakita (A) ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang balumbon na may sulat sa harap at likod at sarado ng pitong tatak. Nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na pasigaw na nagpapahayag, “Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magtanggal ng mga tatak nito?” Ngunit walang sinuman sa langit, sa lupa o sa ilalim man ng lupa ang makapagbukas ng balumbon o kaya'y makatingin sa loob nito. Umiyak ako nang umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas ng balumbon o tumingin sa loob nito. (B) Isa sa matatanda ay nagsabi sa akin, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon ng lipi ni Juda, na ugat ni David, ay nagtagumpay at kaya niyang buksan ang balumbon at tanggalin ang pitong tatak nito.”

At (C) nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na buháy na nilalang at ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad ng isang pinatay na may pitong sungay at pitong mata. Ang mga ito'y ang pitong[a] espiritu ng Diyos na isinugo sa buong daigdig. Lumapit ang Kordero at kinuha ang balumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. At nang (D) makuha niya ang balumbon, nagpatirapa sa harap ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat na matatanda. Ang bawat isa ay may hawak na alpa at mga gintong mangkok na puno ng insenso, na ang mga ito'y mga panalangin ng mga banal. At umaawit (E) sila ng isang bagong awit:

“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon
    at magbukas sa mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinaslang at sa pamamagitan ng iyong dugo, tinubos mo para sa Diyos
    ang tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa;
10 at ginawa (F) mo silang isang kaharian at mga paring naglilingkod sa aming Diyos,
    at sila'y maghahari sa daigdig.”

11 (G) Ako'y muling tumingin at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel na nakapaligid sa trono, at ng mga buháy na nilalang, at ng mga matatanda; milyun-milyon at libu-libo ang bilang nila, 12 na malakas na umaawit,

“Ang pinaslang na kordero ay karapat-dapat
na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan!”

13 At narinig ko ang bawat nilalang sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat, at maging ang lahat ng bagay na nasa mga ito, na nagsasabi,

“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan
magpakailanpaman!”

14 Sinabi ng apat na buháy na nilalang, “Amen!” At nagpatirapa ang matatanda at sila'y sumamba.

At nakita kong binuksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na buháy na nilalang na nagsasalita na parang dagundong ng kulog, “Halika!” Tumingin ako, at (H) naroon ang isang puting kabayo. Ang nakasakay doon ay may hawak na pana; binigyan siya ng korona, at lumabas siyang nagwawagi sa laban at magwawagi pa.

Nang buksan ng Kordero ang ikalawang tatak, narinig ko ang ikalawang nilalang na nagsasabi, “Halika!” At isang (I) pulang kabayo ang lumitaw, ang nakasakay doon ay pinahintulutang alisin ang kapayapaan sa daigdig, nang sa gayon ay magpatayan ang mga tao, at siya ay binigyan ng malaking tabak.

(J) Nang buksan ng Kordero ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong buháy na nilalang na nagsasabi, “Halika!” Tumingin ako at naroon ang isang itim na kabayo, ang nakasakay doon ay may hawak na timbangan. At narinig ko ang parang isang tinig sa gitna ng apat na buháy na nilalang na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denaryo,[b] at tatlong takal na sebada, subalit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”

At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, narinig ko ang tinig ng ikaapat na buháy na nilalang na nagsasabi, “Halika!” Tumingin ako at (K) naroon ang isang maputlang kabayo, ang nakasakay doon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. Binigyan sila ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng daigdig upang pumatay sa pamamagitan ng tabak, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa daigdig.

At nang buksan ng Kordero ang ikalimang tatak, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos at dahil sa patotoong pinanindigan nila. 10 Sumigaw sila nang malakas na nagsasabi, “Dakilang Panginoong banal at totoo, kailan mo pa ba hahatulan ang mga naninirahan sa daigdig at ipaghihiganti ang aming dugong dumanak?” 11 Ang bawat isa sa kanila ay binigyan ng mahabang puting kasuotan at sila'y sinabihang magpahinga ng kaunti pang panahon, hanggang ang bilang ng mga kapwa nila alipin at kapatid ay mabuo; na ang mga ito'y papatayin ding tulad nila.

12 (L) Nang buksan ng Kordero ang ikaanim na tatak, tumingin ako, at nagkaroon ng malakas na lindol, naging itim ang araw na tulad ng damit-panluksa, at naging parang dugo ang buwang kabilugan; 13 (M) at ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa tulad ng puno ng igos na naglalaglag ng bubot na bunga kapag niyuyugyog ng malakas na hangin. 14 Nahawi (N) ang langit na parang isang balumbon na ibinabalumbong mag-isa, at naalis sa kinalalagyan ang bawat bundok at pulo. 15 (O) Ang mga hari ng daigdig, tagapamahala, mga pinuno, mga mayaman, mga makapangyarihan, ang bawat alipin, at bawat malaya ay nagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok. 16 (P) Sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at ikubli ninyo kami mula sa mukha niya na nakaupo sa trono at mula sa galit ng Kordero; 17 sapagkat (Q) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makatatagal dito?”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.