Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Juan 16-17

16 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananampalataya. Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. At dumarating na nga ang oras na ang mga papatay sa inyo ay mag-iisip na ginagawa nila ito bilang paglilingkod sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako man. Subalit sinabi ko ang mga ito sa inyo upang pagdating ng oras ay maalala ninyo ang sinabi ko tungkol sa kanila.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga ito noon, sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngayon, pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin, gayunma'y wala sa inyong nagtatanong kung saan ako pupunta? Subalit dahil sinabi ko na sa inyo ang mga ito, napuno na ng kalungkutan ang inyong mga puso. Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo. Sa kanyang pagdating, ilalantad niya ang kamalian ng sanlibutan tungkol sa kasalanan at sa katarungan at sa paghatol: tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila sumasampalataya sa akin; 10 tungkol sa katarungan, dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 tungkol sa paghatol, dahil ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin ngayon. 13 Kapag dumating siya, ang Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; sapagkat hindi mula sa sarili ang kanyang sasabihin, kundi kung ano ang naririnig niya at ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat tatanggapin niya kung ano ang mula sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Lahat ng sa Ama ay sa akin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko na tatanggapin niya ang mula sa akin at sa inyo'y ipapahayag.

Kagalakan Pagkatapos ng Paghihirap

16 “Sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita.” 17 Kaya ilan sa mga alagad ang nagsabi sa isa’t isa, “Ano kaya'ng ibig sabihin ng sinabi niya sa atin na sandali na lang at hindi na natin siya makikita, at sandali pa, muli natin siyang makikita, at sinabi rin niyang pupunta siya sa Ama?” 18 Sinabi nila, “Anong ibig niyang sabihin sa ‘sandali na lang’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na ibig nila siyang tanungin, kaya sinabi niya sa kanila, “Pinag-uusapan ba ninyo kung ano ang ibig kong sabihin na sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita? 20 Tinitiyak ko sa inyo na kayo’y iiyak at tatangis, ngunit ang sanlibutan ay magagalak; maghihirap kayo, subalit ang paghihirap ninyo ay magiging kagalakan. 21 Kapag manganganak ang babae, siya’y naghihirap, sapagkat dumating na ang takdang oras. Ngunit pagkatapos niyang manganak, nalilimutan na niya ang hirap dahil sa kagalakan, na isinilang ang isang sanggol sa sanlibutan. 22 Kaya, kayo'y naghihirap ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa kagalakan ang inyong mga puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo hihingi pa sa akin ng anuman. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman sa aking pangalan, ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon hindi pa kayo humihingi ng anuman sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo'y tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging ganap.

Madadaig ang Sanlibutan

25 “Sinabi ko ang lahat ng mga ito sa inyo nang patalinghaga. Darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi malinaw kong ipapahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa aking pangalan. Hindi ko sinasabi na hihingi ako sa Ama para sa inyo, 27 ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, sapagkat minahal ninyo ako at naniwala kayo na ako’y mula sa Diyos. 28 Ako’y galing sa Ama at dumating sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.” 29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon, tuwiran na po kayong nagsasalita, hindi na patalinghaga. 30 Ngayo'y alam na namin na alam ninyo ang lahat ng bagay. Hindi na kailangang magtanong ang sinuman sa inyo. Dahil dito, naniniwala kaming kayo'y nagmula sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon? 32 Dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na kayo’y magkakawatak-watak at magkakanya-kanya, at iiwan ninyo akong nag-iisa. Subalit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan, haharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, nadaig ko na ang sanlibutan.”

Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad

17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. (A)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 12 (B)Habang ako ay kasama pa nila, iningatan ko sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin. Binantayan ko sila, at wala akong naiwala ni isa man sa kanila maliban sa isa na anak ng kapahamakan, upang ang Kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang makamtan nila ang aking lubos na kagalakan. 14 Ibinigay ko pa sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan sapagkat sila ay hindi tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa Masama. 16 Hindi sila tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila ay inilalaan ko ang aking sarili sa iyo upang sila'y mailaan din sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.

20 “Nakikiusap ako hindi lamang para sa mga taong ito, kundi para rin sa mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa, tulad mo, Ama, na nasa akin at ako'y nasa iyo, na sila rin ay mapasaatin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako'y isinugo mo. 22 Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa, at malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at minahal mo sila kung paanong minahal mo ako.

24 “Ama, hinahangad kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa man maitatag ang sanlibutan. 25 Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at alam ng mga taong ito na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko ang pangalan mo sa kanila, at ipapakilala ko pa, upang ang pagmamahal na iniukol mo sa akin ay mapasakanila, at ako rin ay mapasakanila.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.