Read the New Testament in 24 Weeks
1 Mula kina (A) Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, para sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at ang mga tagapaglingkod:[a] 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, lagi akong nananalanging may kagalakan, 5 dahil sa inyong pakikibahagi upang maipalaganap ang ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos ang aking pagtitiwala na ang Diyos na nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ang tatapos nito hanggang sa araw ni Cristo Jesus. 7 Tama lamang na ganoon ang isipin ko tungkol sa inyong lahat, dahil kayo'y nasa aking puso.[b] Ang dahilan nito'y kayong lahat ay aking mga katuwang sa biyaya ng Diyos maging sa aking pagkakabilanggo, sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. 8 Sapagkat saksi ko ang Diyos, kalakip ang pagmamahal ni Cristo Jesus kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat. 9 Idinadalangin ko na lalo pang sumagana ang inyong pag-ibig kalakip ang kaalaman at malalim na pang-unawa; 10 upang matiyak ninyo kung alin ang pinakamahalagang bagay. Sa gayon, kayo'y maging dalisay at sa inyo'y walang maisusumbat pagsapit ng araw ni Cristo, 11 yamang kayo'y napuno ng bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tungo sa kaluwalhatian at karangalan ng Diyos.
Ang Mithiin ni Pablo
12 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbigay-daan sa paglaganap ng ebanghelyo, 13 anupa't (B) naging malinaw sa lahat ng mga bantay ng pamahalaang Romano at sa iba pang tao na ang aking pagkabilanggo ay dahil kay Cristo. 14 Kaya karamihan sa mga kapatid sa Panginoon ay nagkaroon ng lakas ng loob na ipahayag nang buong tapang at walang takot ang salita ng Diyos dahil sa aking pagkabilanggo.
15 Totoo nga na ipinangangaral ng iba si Cristo sapagkat sila'y naiinggit at nais lamang makipagpaligsahan, samantalang ang iba naman ay dahil sa mabuting hangarin. 16 Ang mga ito'y nangangaral dahil sa pag-ibig sapagkat alam nila na ako'y itinalaga para ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ipinangangaral naman ng iba si Cristo dahil sa mga pansariling layunin; wala silang katapatan, at ang hangarin ay lalo pa akong pahirapan sa aking pagkakabilanggo. 18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.
27 Mamuhay lamang kayo sa paraang karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Sa gayon dumating man ako at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang inyong kalagayan, malalaman kong kayo'y matatag na naninindigan sa iisang espiritu, at may isang layunin na sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya ng ebanghelyo, 28 at sa anumang paraan ay hindi kayang takutin ng inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang pagkapahamak, ngunit sa inyo naman ay tanda ng inyong kaligtasan, at ito'y galing sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magdusa rin alang-alang sa kanya, 30 yamang (C) nararanasan ninyo ang pakikipaglaban na nakita ninyong hinarap ko, at ngayo'y nababalitaan ninyong kinakaharap ko pa rin.
Ang Pagpapakumbaba ni Cristo
2 Kaya't kung may anumang pampalakas ng loob na nagmumula kay Cristo, kung may anumang pampasiglang dulot ng pag-ibig, kung may anumang pagsasamahang mula sa Espiritu, kung may anumang pagmamalasakit at habag, 2 lubusin ninyo ang aking kagalakan. Magkaisa kayo sa pag-iisip, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa diwa at layunin. 3 Huwag ninyong gawin ang anuman dahil sa pansariling hangarin o dahil sa kayabangan. Sa halip, magpakumbaba kayo at ituring ang iba na mas mahalaga kaysa inyong sarili. 4 Pahalagahan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang kapakanan ng inyong sarili. 5 Taglayin ninyo ang pag-iisip na tulad ng kay Cristo Jesus;
6 kahit siya'y nasa kalikasan ng Diyos,
ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
ang pagiging kapantay ng Diyos,
7 sa halip ay itinuring niyang walang halaga ang sarili,
kinuha ang kalikasan ng alipin,
at naging katulad ng mga tao.
At nang natagpuan sa kaanyuan ng tao,
8 ibinaba niya ang kanyang sarili,
at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
maging kamatayan sa krus.
9 Kaya naman siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at ginawaran ng pangalang higit na mataas kaysa lahat ng pangalan;
10 upang (D) sa pangalan ni Jesus
ang bawat tuhod ay lumuhod,
ang mga nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat bibig
na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan
12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang kung ako'y kaharap ninyo, kundi lalo ngayong ako'y wala riyan sa inyo, magpatuloy kayo sa gawain nang may takot at lubos na pag-iingat upang maunawaan ninyo ang kahulugan ng inyong kaligtasan, 13 sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo, upang naisin ninyo at gawin ang kanyang mabuting layunin. 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang angal at pagtatalo, 15 upang (E) kayo'y maging mga walang kapintasan at dalisay na mga anak ng Diyos. Hindi kayo dapat maparatangan ng anuman sa pamumuhay ninyo sa gitna ng isang salinlahing baluktot at masama. Magningning kayong tulad ng mga tanglaw sa sanlibutan. 16 Patuloy ninyong panghawakan ang salita ng buhay upang sa araw ni Cristo ay maipagmalaki ko na hindi nasayang ang aking pagtakbo at hindi nauwi sa wala ang aking pagpapagal. 17 At kahit ibinubuhos pa ako na parang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikiisa sa kagalakan ninyong lahat. 18 Sa gayunding paraan, dapat kayong matuwa at makiisa sa aking kagalakan.
Sina Timoteo at Epafrodito
19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo agad sa inyo si Timoteo, upang mapanatag din ang isip ko kapag nalaman ko na ang kalagayan ninyo. 20 Wala akong ibang maitutulad sa kanya na totoong magmamalasakit sa inyong kapakanan, 21 sapagkat ang hinahanap lamang ng lahat ay ang sarili nilang kapakanan, hindi ang mga nauukol kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam ninyong napatunayan na ni Timoteo[c] ang kanyang sarili; sapagkat gaya ng paglilingkod ng anak sa kanyang ama ay naglingkod siyang kasama ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 23 Kaya umaasa ako na isusugo ko siya kaagad, kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24 Nagtitiwala rin ako sa Panginoon na malapit na akong makapunta riyan.
25 Bukod dito, iniisip kong kailangang papuntahin diyan si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, na isinugo ninyo upang maglingkod para sa aking pangangailangan. 26 Sabik na sabik na siyang makita kayo. Nalulungkot siya sapagkat nabalitaan ninyo na siya'y nagkasakit. 27 Totoo ngang siya'y nagkasakit at halos mamatay na. Ngunit naawa sa kanya ang Diyos; at hindi lamang sa kanya kundi pati sa akin, kung hindi'y nagkapatung-patong sana ang aking kalungkutan. 28 Kaya't lalo kong sinikap na isugo siya, upang kapag makita ninyo siyang muli, matutuwa kayo at ako naman ay mababawasan ng pangamba. 29 Kaya't buong kagalakan ninyo siyang tanggapin bilang lingkod ng Panginoon. Parangalan ninyo ang mga taong katulad niya. 30 Nabingit siya sa kamatayan dahil sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan ng inyong paglilingkod sa akin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.