Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Galacia 3-4

Kautusan o Pananampalataya

Nasisiraan na kayo ng ulo, mga taga-Galacia! Sino ba ang gumayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo kung paanong ipinako si Cristo sa krus! Sagutin nga ninyo ito: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagtupad ninyo sa mga hinihingi ng Kautusan, o sa pamamagitan ng pananampalataya sa narinig ninyong ebanghelyo? Talaga bang nasisiraan na kayo ng ulo? Nagsimula kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa sariling pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang mga pinaghirapan ninyo? Tiyak kong mayroon! Ipinagkaloob ba ng Diyos sa inyo ang Espiritu at gumagawa ba siya ng mga himala sa gitna ninyo dahil sa mga gawa ninyo ayon sa Kautusan, o dahil sa pananampalataya ninyo sa inyong narinig? Tingnan ninyo si Abraham! (A) “Sumampalataya siya sa Diyos, kaya't siya'y itinuring na matuwid.”

Kaya't dapat ninyong maunawaan (B) na ang mga sumasampalataya ang mga tunay na anak ni Abraham. Sa simula pa ay ipinakita na ng kasulatan (C) na ituturing ng Diyos na matuwid ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang una pa man ay ipinahayag na ang ebanghelyo kay Abraham nang sabihing, “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” Sumampalataya si Abraham kaya't siya'y pinagpala. Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham. 10 Nasa ilalim ng sumpa ang lahat na umaasa sa mga gawa ng Kautusan, (D) sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Maliwanag (E) na walang sinumang itinuturing na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan. Ang kasulatan ay nagsabi, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a] 12 Subalit (F) ang Kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya. Sa halip, sabi nga ng kasulatan, “Ang tumutupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.” 13 Subalit si Cristo ay isinumpa para sa atin (G) at tinubos niya tayo mula sa sumpa ng Kautusan. Ayon nga sa nakasulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Tinubos tayo ni Cristo upang ang pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay ipagkaloob din sa mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, at upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang Espiritu na siyang ipinangako.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, hayaan ninyong magbigay ako ng isang pang-araw-araw na halimbawa: kapag napagtibay na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-bisa o madadagdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi ng kasulatan na, “At sa mga binhi,” na nangangahulugang marami, kundi “At sa iyong binhi,” na nangangahulugang isa lamang, at ito'y si Cristo. 17 Ito (H) ang ibig kong sabihin: Ang kasunduan na dati nang pinagtibay ng Diyos ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan, na dumating lamang pagkaraan ng apatnaraan at tatlumpung taon. 18 Sapagkat (I) kung ang pamana ay nakasalig sa Kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako. Subalit ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang ipinagkaloob kay Abraham ang pamana bilang katuparan ng kanyang pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Kung ganoo'y bakit ibinigay pa ang Kautusan? Idinagdag ito upang ipakita ang mga pagsuway, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.

21 Nangangahulugan bang ang Kautusan ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Kung may kautusang ibinigay na makapagbibigay-buhay, sana'y ituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng pagsunod niya dito. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, upang ang pangako ay makamtan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.

23 Ngunit bago dumating ang panahon ng pananampalataya ay nasa ilalim tayo ng kapangyarihan ng Kautusan hanggang ang pananampalataya kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ay naging tagapagturo natin hanggang dumating si Cristo, upang tayo'y ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. 25 Subalit ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya kay Cristo ay wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan. 26 Sapagkat kayong lahat ay anak ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Nang kayo'y mabautismuhan kay Cristo, mismong siya ay parang damit na isinuot sa inyo. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at Griyego, ang alipin at malaya, ang lalaki at babae; kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At (J) kung kayo'y nakipag-isa kay Cristo, kayo'y kabilang na sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos.

Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana ay wala siyang pagkakaiba sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. Sa halip ay nasa ilalim siya ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang dumating ang panahong itinakda ng kanyang ama. Ganoon din tayo. Noong tayo'y mga bata pa, inalipin din tayo ng mga espiritung naghahari sa sanlibutan. Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan, upang (K) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa gayo'y matanggap natin ang karapatang maging mga anak ng Diyos. Sapagkat kayo ngayon ay mga anak na ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak, ang Espiritung sumisigaw sa ating[b] mga puso, “Ama,[c] aking Ama!” Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. At dahil ikaw ay anak, ikaw ay ginawa na ring tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.

Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia

Kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos. Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik na naman sa mahihina at hamak na mga espiritung iyan? Bakit ibig ninyong muling maalipin ng mga iyon? 10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon! 11 Nangangamba akong ang mga pagpapagal ko para sa inyo'y mawalan ng kabuluhan.

12 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, gayahin ninyo ako, sapagkat ako nama'y gaya rin ninyo noon. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong kaya ako nakapangaral ng ebanghelyo sa inyo ay dahil nagkaroon ako ng karamdaman. 14 At kahit na ako'y naging malaking pasanin sa inyo dahil sa aking karamdaman, hindi pa rin ninyo ako hinamak o tinanggihan. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang isang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ang kagalakang iyon ngayon?[d] Ano na ang nangyari? Ako mismo ang makapagpapatotoo na kung maaari lang ay dudukutin ninyo noon ang inyong mga mata maibigay lang ito sa akin. 16 Naging kaaway ba ninyo ako ngayon dahil sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? 17 Masigasig ang mga taong iyan upang mahikayat kayo, subalit hindi mabuti ang kanilang layunin. Ang naisin nila ay ang ilayo kayo sa akin, upang kayo'y sa kanila maging masigasig. 18 Mabuti naman ang maging laging masigasig, basta para sa mabuting layunin. Gawin ninyo lagi ito at hindi lamang kapag kaharap ninyo ako! 19 Minamahal kong mga anak! Para sa inyo'y muli akong dumaranas ng hirap gaya ng isang babaing nanganganak, hanggang hindi nabubuo sa inyo ang pagkatao ni Cristo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ko ang tono ng aking pagsasalita. Labis akong nag-aalala para sa inyo!

Paghahambing kina Hagar at Sarah

21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais pailalim sa Kautusan: hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sapagkat (L) nasusulat doon na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, isa sa aliping babae, at isa sa babaing malaya. 23 Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak sa karaniwang paraan,[e] ngunit ang anak niya sa babaing malaya ay isinilang bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing: Ang mga babaing ito'y larawan ng dalawang tipan. Ang isa ay ang tipan na nagmula sa bundok ng Sinai na inilalarawan ni Hagar na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin. 25 Ngayon, si Hagar ay kumakatawan sa bundok ng Sinai sa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem na nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Sapagkat (M) nasusulat,

“Magalak ka, O babaing baog, ikaw na hindi magkaanak;
    umawit ka at humiyaw sa galak, ikaw na ang sakit sa panganganak ay hindi man lang dinanas;
sapagkat ang mga babaing pinabayaan ay higit na marami ang supling
    kaysa supling ng mga babaing may asawang kapiling.”

28 At tulad ni Isaac, kayo, mga kapatid, ay mga anak ayon sa pangako. 29 Kung paanong inusig noon (N) ng ipinanganak sa karaniwang paraan ang ipinanganak ayon sa Espiritu, ganoon din naman ngayon. 30 Subalit (O) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamanang magkasama ang anak ng babaing alipin at ang anak ng babaing malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga supling ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.