Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Galacia 1-2

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol na hinirang hindi ng tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama, na siyang muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay; mula na rin sa lahat ng mga kapatid na naririto, magkakasama kaming bumabati sa mga iglesya sa Galacia: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at mula sa ating Panginoong Jesu-Cristo, siya na ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama ay nag-alay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan upang tayo'y palayain mula sa kasamaang naghahari sa kasalukuyang panahon. Sa Diyos ang kaluwalhatian magpakailanman! Amen.

Kaisa-isang Ebanghelyo

Nagtataka ako kung bakit ganoon na lamang kabilis ninyong tinalikuran ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang ebanghelyo. Ang totoo'y wala namang ibang ebanghelyo. Subalit sinabi ko ito sapagkat may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo. Subalit sinuman ang mangaral ng ebanghelyong naiiba kaysa ipinangaral na namin sa inyo, kami man ito o isang anghel mula sa langit, dapat siyang sumpain ng Diyos! Sinabi na namin ito noon, at ngayo'y uulitin ko: sinuman ang mangaral sa inyo ng kakaibang ebanghelyo kaysa tinanggap na ninyo ay dapat sumpain ng Diyos!

10 Ang tao ba o ang Diyos ang nais kong bigyan ng lugod? Hangad ko ba ang pagsang-ayon ng tao? Sapagkat kung ang hangad ko ay bigyang-lugod pa rin ang mga tao, hindi na sana ako naging alipin pa ni Cristo!

Ang Pagkatawag kay Pablo

11 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyong aking ipinangangaral ay hindi ayon sa tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng tao. Ito ay ipinahayag sa akin mismo ni Jesu-Cristo. 13 Hindi naman (A) kaila sa inyo kung paano ako nabuhay noon bilang masugid na kaanib ng Judaismo. Masugid kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na wasakin ito. 14 Tinupad ko ang kaugaliang Judio (B) nang higit pa kaysa ginawa ng maraming Judiong kasing-edad ko. Ito'y dahil sa aking maalab na malasakit sa kaugalian ng aking mga ninuno. 15 Subalit (C) ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay hinirang niya akong maglingkod sa kanya bago pa ako isinilang. At nang minarapat na niyang 16 ipahayag ang kanyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. 17 Hindi rin ako kaagad nagtungo sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco.

18 Tatlong taon pa ang nagdaan (D) bago ako nagtungo sa Jerusalem upang dalawin si Pedro.[a] Namalagi akong kasama niya ng labinlimang araw. 19 Ngunit wala akong nakitang ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Sa harap ng Diyos ay tinitiyak ko sa inyo na ang lahat ng isinusulat kong ito'y hindi pagsisinungaling. 21 Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Syria at Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na kaanib sa mga iglesya ng Judea. 23 Narinig lamang nila ang ganitong mga salita tungkol sa akin, “Ang lalaking dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.

Tinanggap si Pablo ng mga Apostol

Pagkalipas (E) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama sina Tito at Bernabe. Ang pagtungo ko roon ay dahil sa pahayag ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Palihim akong nakipagpulong sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang ebanghelyong aking ipinangaral sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang lahat ng aking ginawa at ginagawa. Subalit maging ang kasama kong si Tito, kahit na siya'y isang Griyego, ay hindi pinilit na magpatuli, bagama't pinagtangkaan ng ilan na gawin iyon. Nagkunwari silang mga kapatid at nakihalubilo sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay namin kay Cristo-Jesus. Ginawa nila ito upang kami'y muling maging alipin. Subalit hindi kami sumuko sa kanila kahit isang saglit, sapagkat layunin naming maingatan ang katotohanan ng ebanghelyo para sa inyo. Tungkol sa mga kinikilalang pinuno—(F) ang totoo ay walang anuman sa akin sino man sila sapagkat walang kinikilingan ang Diyos—wala naman silang pinuna tungkol sa aking ipinapangaral. Sa halip, kinilala nilang sa akin ipinagkatiwala ng Diyos ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga hindi tuli, kung paanong kay Pedro niya ipinagkatiwala ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tuli. Sapagkat ang Diyos na nagbigay kay Pedro ng tungkuling maging apostol sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng tungkuling maging apostol sa mga Hentil. Nang makita ng mga kinikilalang haligi ng iglesya na sina Santiago, Pedro, at Juan, na ibinigay sa akin ng Diyos ang tanging kaloob na ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan naming kami ni Bernabe ay mangangaral sa mga Hentil, at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiniling lamang nila ay ang patuloy naming pagmamalasakit sa mga dukha, na siya namang gusto kong gawin.

Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia

11 Nang dumating si Pedro sa Antioquia ay pinagsabihan ko siya nang harapan dahil sa kanyang maling ginagawa. 12 Dati kasi siyang kumakaing kasalo ng mga Hentil bago dumating ang mga isinugo ni Santiago. Ngunit nang dumating ang mga iyon ay umiwas na siya at humiwalay na sa mga Hentil dahil sa takot sa mga Judio. 13 Maging ang ibang mga kapatid na Judio ay naduwag din at gumaya sa kanya sa ganitong pagkukunwari, at natangay pa maging si Bernabe! 14 Kaya't nang makita kong ang ikinikilos nila ay lihis sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, paano mo pipilitin ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”

Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya

15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio at hindi mga “makasalanang Hentil.” 16 Nalalaman (G) natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kaya't tayo'y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil sa pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung tayo mismo na nagsisikap na maituring na matuwid dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo ay natagpuang makasalanan, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hindi ganyan! 18 Kung ang mga winasak ko'y muli kong itatayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako nga'y makasalanan. 19 Namatay na ako sa Kautusan sa pamamagitan na rin ng Kautusan, upang ako'y mabuhay para sa Diyos. 20 Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayo'y sa pamamagitan na ng pananampalataya sa Anak[b] ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. 21 Hindi ko pinawawalang halaga ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y ituturing na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, namatay si Cristo nang walang kabuluhan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.