Read the New Testament in 24 Weeks
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Ipagmamalaki na naman ba naming muli ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri ng aming mga sarili para sa inyo, o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat na nakasulat sa aming mga puso at ito'y nauunawaan at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Ipinapahayag (A) ninyo na kayo'y sulat na ipinadala ni Cristo sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Kayo'y isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na yari sa bato kundi sa mga tapyas na gawa sa puso ng tao.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo sa harapan ng Diyos. 5 Hindi dahil sa mayroon kaming sariling kakayahan upang mag-angkin na sa amin galing ang anuman, kundi sa Diyos nanggaling ang aming kakayahan. 6 Ginawa (B) niya kaming karapat-dapat na maging mga lingkod ng bagong tipan, isang tipan na hindi batay sa titik, kundi sa Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
7 Ngayon, (C) kung ang paglilingkod[a] na may dalang kamatayan na nakasulat at nakaukit sa mga bato ay dumating na may kaluwalhatian, anupa't ang mga Israelita ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito, bagama't ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas, 8 di ba't magtataglay ng higit na kaluwalhatian ang paglilingkod na dala ng Espiritu? 9 Kung ang paglilingkod na may dalang kahatulan ay maluwalhati, lalong maluwalhati ang paglilingkod na may dalang katuwiran. 10 Sapagkat sa ganitong kalagayan, ang dating maluwalhati ay wala na ngayong kaluwalhatian, dahil doon sa may higit na kaluwalhatian. 11 At kung ang lumilipas ay dumating na may kaluwalhatian, ang nananatili ay lalong may kaluwalhatian.
12 Kaya't yamang taglay namin ang gayong pag-asa, napakalakas ng loob namin sa pagsasalita. 13 Hindi kami (D) katulad ni Moises, na nagtakip ng kanyang mukha upang hindi makatitig ang mga Israelita sa pagtatapos ng kaluwalhatiang naglalaho. 14 Ngunit nakasara ang kanilang mga pag-iisip, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay naroroon pa rin, sapagkat sa pamamagitan lamang ni Cristo ito maaalis. 15 At hanggang ngayon, tuwing binabasa ang Kautusan ni Moises,[b] may talukbong na nakatakip sa kanilang puso. 16 Gayunman, (E) kapag ang isang tao ay lumalapit sa Panginoon, naaalis ang talukbong na iyon. 17 Ngayon, ang Panginoon ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. 18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, parang sa salamin nakikita sa pamamagitan natin ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binabago ang ating anyo upang maging kalarawan niya, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, na nagmumula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Mga Kayamanan sa Sisidlang-Lupa
4 Kaya't yamang sa pamamagitan ng kahabagan ng Diyos ay tinataglay namin ang paglilingkod na ito, hindi kami pinanghihinaan ng loob. 2 Sa halip ay itinatakwil namin ang mga kahiya-hiyang bagay na inililihim. Hindi kami namumuhay sa katusuhan at hindi namin binabaluktot ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay inilalapit namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa paningin ng Diyos. 3 At kung ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay natatalukbungan lamang sa mga napapahamak. 4 Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi sumasampalataya, upang hindi nila makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos. 5 Sapagkat hindi ang mga sarili namin ang aming ipinangangaral, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at ang aming mga sarili ay mga alipin ninyo alang-alang kay Cristo. 6 Sapagkat (F) ang Diyos na nagsabi, “Magliwanag ang ilaw sa kadiliman,” ay siyang nagliwanag sa aming mga puso upang ihasik ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa mukha ni Jesu-Cristo.
7 Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang walang kapantay na kapangyarihang ito ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin. 8 Kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nadudurog; nalilito ngunit hindi nanlulupaypay; 9 pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan; pinababagsak, ngunit hindi nawawasak. 10 Dala-dala namin sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang mahayag din sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11 Sapagkat kaming nabubuhay ay laging nabibingit sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang kanyang buhay ay mahayag sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan. 12 Kaya't ang kumikilos sa amin ay kamatayan, ngunit sa inyo naman ay buhay. 13 Ngunit dahil (G) taglay namin ang gayunding espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” sumasampalataya rin kami, kaya't kami ay nagsasalita. 14 Sapagkat alam namin na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan. 15 Ang lahat ng mga ito ay para sa inyo, upang ang biyayang nakararating sa mas marami pang mga tao ay lalong magparami ng pagpapasalamat tungo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Mamuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao. 17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman. 18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.