Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Pahayag 3-4

Ang Mensahe para sa Sardis

“At sa anghel ng iglesya sa Sardis, isulat mo: Ito ang mga sinasabi niya na may pitong espiritu ng Diyos at pitong bituin:

“Alam ko ang iyong mga gawa, kilala ka bilang buháy, subalit ikaw ay patay. Gumising ka, palakasin mo ang natitira sa iyo na malapit nang mamatay, sapagkat natagpuan kong kulang ang iyong mga gawa sa paningin ng aking Diyos. Kaya't (A) alalahanin mo ang iyong tinanggap at narinig; gawin mo ito, at magsisi ka. Kung hindi ka gigising, darating akong parang magnanakaw, at hindi mo alam kung anong oras ako darating. Subalit mayroon pang ilan sa Sardis na ang mga damit ay walang bahid; lalakad silang nakaputi kasama ko, sapagkat sila'y karapat-dapat. Ang (B) nagtatagumpay ay magdadamit ng puti, at kailanma'y hindi ko buburahin ang pangalan niya sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang pangalan niya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel. Makinig ang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe para sa Filadelfia

(C) “At sa anghel ng iglesya sa Filadelfia, isulat mo:

Ito ang sinasabi ng banal, at ng totoo,
na may hawak ng susi ni David,
na nagbubukas at walang makapagsasara,
    na nagsasara at walang makapagbubukas:

“Alam ko ang mga gawa mo. Tingnan mo, naglagay ako sa harapan mo ng isang bukás na pinto, na walang sinumang makapagsasara nito. Maliit lang ang iyong kapangyarihan, gayon ma'y tinupad mo ang aking salita at hindi mo ikinaila ang aking pangalan. Tingnan (D) mo ang mga kabilang sa sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, at nagsisinungaling lamang—papupuntahin ko sila sa inyo at pasasambahin sa inyong paanan, at malalaman nilang ikaw ang aking minahal. 10 Dahil tinupad mo ang sinabi kong ikaw ay magtiis, ilalayo kita sa oras ng pagsubok na paparating sa buong sanlibutan upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa. 11 Darating ako agad; manindigan ka sa anumang nasa iyo, nang sa gayon ay walang makaagaw ng iyong korona. 12 Ang (E) nagtatagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos; at hindi na siya lalabas mula roon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lungsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit ng aking Diyos, at ang bago kong pangalan. 13 Makinig ang sinumang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe para sa Laodicea

14 (F) “At sa anghel ng iglesya sa Laodicea, isulat mo: Ang sinasabi ng Amen, ang tapat at totoong saksi, ang pinagmulan ng mga nilikha ng Diyos:

15 “Alam ko ang mga gawa mo; hindi ka malamig ni mainit. Nais ko sanang ikaw ay malamig o kaya'y mainit. 16 Kaya dahil ikaw ay maligamgam, hindi malamig ni mainit man, iluluwa kita. 17 Sapagkat sinasabi mo, ‘Mayaman ako, masagana, at wala nang kailangan pa.’ Hindi mo alam na ikaw ay aba, kawawa, dukha, bulag, at hubad. 18 Kaya't, pinapayuhan kita na bumili sa akin ng gintong dinalisay sa apoy para yumaman ka, at ng puting kasuotan na maidadamit sa iyo upang hindi malantad ang nakahihiya mong kahubaran, at bumili ka rin ng gamot na pampahid sa iyong mga mata upang makakita ka. 19 Sinasaway (G) ko at dinidisiplina ang mga minamahal ko. Kaya magsikap ka at magsisi. 20 Narito ako! Ako'y nakatayo sa may pintuan at kumakatok; sinumang makinig sa aking tinig at magbukas ng pintuan, papasok ako sa kanya at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko. 21 Ang nagtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang makasama ko sa aking trono, kung paanong nagtagumpay ako at umupo kasama ng aking Ama sa kanyang trono. 22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”

Pagkatapos nito ay tumingin ako, at doon sa langit ay may isang pintong nakabukas! Ang unang tinig na narinig kong nagsasalita sa akin ay parang isang trumpeta, na nagsasabi, “Umakyat ka rito at ipakikita ko sa iyo kung ano ang kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.” At (H) agad akong kinasihan ng espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong may nakaupo! At ang nakaupo doon ay nagniningning tulad ng batong jasper at sardio, at sa paligid ng trono ay may bahagharing parang esmeralda. Sa paligid ng trono ay may dalawampu't apat pang trono at sa mga ito ay may nakaupong dalawampu't apat na matatanda na nakaputing damit, at sa kanilang mga ulo ay nakaputong ang mga gintong korona. Mula (I) sa trono ay may nanggagaling na mga siklab ng kidlat, mga ingay at mga dagundong ng kulog. At sa harapan ng trono ay may pitong nag-aapoy na sulo. Ang mga ito'y ang pitong espiritu ng Diyos; at sa (J) (K) harapan ng trono ay may tila dagat na salamin tulad ng kristal.

Sa paligid ng trono, sa bawat gilid nito ay may apat na buháy na nilalang, na puno ng mga mata sa harap at sa likod. Parang leon ang unang buhay na nilalang, isang baka ang katulad ng ikalawa, ang ikatlong nilalang ay may mukhang tulad ng sa tao, at ang ikaapat ay parang isang lumilipad na agila. Ang (L) bawat isa sa apat na nilalang ay may anim na pakpak, sa paligid at loob ay puno ng mga mata. Araw at gabi'y hindi sila tumitigil sa pagsasabi,

“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang noon, ngayon, at darating.”

At tuwing magbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat ang mga buháy na nilalang sa kanyang nakaupo sa trono, siyang nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod ang dalawampu't apat na matatanda sa harap ng nakaupo sa trono at sumasamba sa kanyang nabubuhay magpakailanman; at inihahagis nila sa harap ng trono ang kanilang mga korona, na nagsasabi,

11 “Karapat-dapat ka, Panginoon naming Diyos,
    na tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban,
    sila'y nalikha at pinaiiral.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.