Read the New Testament in 24 Weeks
Manatili Kayong Malaya
5 Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
2 Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. 3 Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. 5 Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. 9 Ang(A) sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.
11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat(B) ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.
Ang Espiritu at ang Laman
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat(C) ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. 18 Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
19 Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, 21 pagkainggit, [pagpatay][a] paglalasing, walang habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito. 24 At ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang laman at ang masasamang hilig nito. 25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging palalo, huwag nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa.
Magtulungan sa mga Pasanin
6 Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[b] ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, 5 sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Pangwakas na Babala at Pagbati
11 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. 14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.
17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.