Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Paggaling ng Taong Lumpo
3 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. 4 Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”
5 Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. 6 Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[a] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” 7 At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. 8 Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. 9 Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon
11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila. 12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan? 13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. 14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya. 15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli. 16 Ang pananampalataya kay Jesus[c] ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.
17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya. 18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios. 19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo. 21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’[d] 24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon. 25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”
Sina Pedro at Juan sa Harapan ng Korte
4 Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga tao, nilapitan sila ng mga pari, ng kapitan ng mga guwardya sa templo, at ng mga Saduceo. 2 Nagalit sila dahil nangangaral ang dalawa na muling nabuhay si Jesus, at itoʼy nagpapatunay na may muling pagkabuhay. 3 Kaya dinakip nila sina Pedro at Juan. Iimbestigahan pa sana ang dalawa, pero dahil gabi na, ipinasok na lang muna sila sa bilangguan hanggang sa kinaumagahan. 4 Pero kahit ganito ang nangyari sa kanila, marami sa mga nakarinig ng kanilang pagtuturo ang sumampalataya. Ang mga lalaki na sumampalataya ay 5,000.
5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at mga tagapagturo ng Kautusan. 6 Naroon din si Anas na punong pari, si Caifas, si Juan, si Alexander, at ang iba pang mga miyembro ng pamilya ni Anas. 7 Iniharap sa kanila sina Pedro at Juan at tinanong, “Sa anong kapangyarihan at kaninong awtoridad[e] ang inyong ginamit sa pagpapagaling sa taong lumpo?”
8 Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay sumagot, “Kayong mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio, 9 kung ang itinatanong ninyo sa amin ay tungkol sa paggaling ng taong lumpo, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng lahat ng taga-Israel, na ang taong ito na nakatayo rito ngayon ay pinagaling ng kapangyarihan[f] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret. Siya ang inyong ipinako sa krus at pinatay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. 11 Si Jesus ang tinutukoy na bato sa talatang ito ng Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ 12 Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang.”
13 Namangha sila kina Pedro at Juan dahil sa lakas ng loob nilang magsalita, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lang sila at walang mataas na pinag-aralan. Namukhaan din nilang silaʼy mga kasama ni Jesus noon. 14 Magsasalita pa sana sila laban sa himalang ginawa nina Pedro at Juan, pero dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa, wala na silang nasabi. 15 Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi natin ito maikakaila. 17 Kaya para huwag nang kumalat ang kanilang pangangaral sa mga tao, balaan natin sila na huwag nang magturo tungkol kay Jesus.”
18 Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Jesus. 19 Pero sumagot sina Pedro at Juan, “Isipin nga ninyong mabuti kung alin ang tama sa paningin ng Dios: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios? 20 Hindi pwedeng hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
21 Pero mahigpit pa rin silang binawalan na mangaral bago sila pinakawalan. Gusto sana nilang parusahan ang dalawa, pero hindi nila magawa. Natatakot sila sa mga tao, dahil pinupuri ng mga ito ang Dios sa nangyaring himala. 22 Sapagkat ang taong pinagaling sa pamamagitan ng himala ay mahigit 40 taon nang lumpo.
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita nila kung ano ang sinabi ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 24 Nang marinig iyon ng mga mananampalataya, nanalangin sila sa Dios. Sinabi nila, “Panginoon na makapangyarihan sa lahat, kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at lahat ng nasa mga ito. 25 Nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
26 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa kanyang Cristo.’[g]
27 Natupad na ngayon ang sinabi ninyo noon, dahil dito mismo sa Jerusalem, ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan nʼyo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan. Loobin nʼyo na sa pamamagitan ng kapangyarihan[h] ni Jesus na inyong banal na lingkod ay mapagaling namin ang mga may sakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.”
31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.
Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya
32 Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan. Itinuring ng bawat isa na ang kanilang mga ari-arian ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat. 33 Patuloy ang paggawa ng mga apostol ng mga kamangha-manghang gawa bilang patunay na ang Panginoong Jesus ay talagang nabuhay muli. At lubusang pinagpala ng Dios ang lahat ng mga mananampalataya. 34 Hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan dahil ipinagbili ng mga may kaya ang kanilang mga lupaʼt bahay, 35 at ang peraʼy ibinigay nila sa mga apostol. At ibinigay naman ito ng mga apostol sa bawat isa ayon sa kanilang pangangailangan.
36 Ganyan din ang ginawa ng Levitang si Jose na taga-Cyprus. Tinatawag siya ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihin ay “Tagapagpalakas ng Loob.” 37 Ibinenta ni Jose ang kanyang lupa at ang peraʼy ibinigay niya sa mga apostol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®