Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Corinto 12-13

Ang mga Ipinahayag ng Dios kay Pablo

12 Napilitan akong magmalaki kahit na alam kong wala akong mapapala dito. Sasabihin ko sa inyo ngayon ang mga ipinahayag at ipinakita sa akin ng Panginoon. 2-3 May 14 na taon na ang nakakaraan nang dalhin ako sa ikatlong langit. (Cristiano na ako noon.) Hindi ko matiyak kung nasa katawan ako noon o nasa espiritu lamang, ang Dios lang ang nakakaalam. Ang tanging alam ko ay nakarating ako sa Paraiso, at narinig ko roon ang mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang ipaliwanag at hindi dapat sabihin kahit kanino. Maipagmamalaki ko ang karanasan kong iyon. Pero kung tungkol sa aking sarili, wala akong maipagmamalaki maliban sa aking mga kahinaan. At kung magmamalaki man ako, hindi ako magmimistulang hangal, dahil totoo naman ang aking sasabihin. Pero hindi ko ito gagawin dahil baka sumobra ang palagay ng ilan sa akin kaysa sa nakikita nila sa aking pamumuhay.

Para hindi ako maging mayabang dahil sa mga kamangha-manghang ipinakita ng Dios sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Dios na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan para hindi ako maging mayabang. Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito sa akin. Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil dito, maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios.

Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Para akong hangal sa aking pagmamalaki, pero kayo na rin ang nagtulak sa akin para gawin ito. Dapat sanaʼy pinuri ninyo ako sa mga nagpapanggap na mga apostol, pero hindi ninyo ito ginawa. Kahit na wala akong maipagmamalaki sa aking sarili, hindi naman ako nahuhuli sa mga taong iyan na magagaling daw na mga apostol. 12 Pinatunayan ko sa inyo na akoʼy tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala, kababalaghan, at iba pang mga kamangha-manghang gawain. 13 Kung ano ang mga ginawa ko riyan sa inyo, ganoon din ang ginawa ko sa ibang mga iglesya, maliban na lamang sa hindi ko paghingi ng tulong sa inyo. Kung sa inyoʼy isa itong pagkakamali, patawarin sana ninyo ako!

14 Handa na ako ngayong dumalaw sa inyo sa ikatlong pagkakataon. At tulad ng dati, hindi ako hihingi ng tulong sa inyo dahil kayo ang gusto ko at hindi ang inyong ari-arian. Para ko kayong mga anak. Di baʼt ang mga magulang ang nag-iipon para sa kanilang mga anak at hindi ang mga anak para sa mga magulang? 15 Ang totoo, ikaliligaya kong gugulin ang lahat at ialay pati ang aking sarili para sa inyo. Ngunit bakit katiting lang ang isinusukli ninyo sa sobra-sobrang pagmamahal ko sa inyo?

16 Sumasang-ayon kayo na hindi nga ako naging pabigat sa inyo, pero may nagsasabi pa rin na nilinlang ko kayo at dinaya sa ibang paraan. 17 Pero paano? Alam naman ninyong hindi ako nagsamantala sa inyo sa pamamagitan ng mga kapatid na pinapunta ko riyan. 18 Noong pinapunta ko sa inyo si Tito, kasama ang isang kapatid, nagsamantala ba siya sa inyo? Hindi! Sapagkat iisang Espiritu ang aming sinusunod,[a] at iisa ang aming layunin.

19 Baka sa simula pa iniisip na ninyo na wala kaming ginagawa kundi ipagtanggol ang aming sarili. Aba, hindi! Sa presensya ng Dios at bilang mga Cristiano, sinasabi namin sa inyo, mga minamahal, na lahat ng aming ginagawa ay para sa ikatitibay ng inyong pananampalataya. 20 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay makita ko kayong iba sa aking inaasahan at makita rin ninyo akong iba sa inyong inaasahan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway-away, nag-iinggitan, nagkakagalit, nagmamaramot, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay ipahiya ako ng aking Dios sa inyong harapan. At baka maging malungkot ako dahil marami sa inyo ang nagkasala na hanggang ngayon ay hindi pa nagsisisi sa kanilang kalaswaan, sekswal na imoralidad, at kahalayan.

Pangwakas na mga Bilin at mga Pangangamusta

13 Ito na ang pangatlong pagdalaw ko sa inyo. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang anumang kaso ng isa laban sa kapwa ay dapat patotohanan ng dalawa o tatlong saksi.”[b] Ngayon, binabalaan ko ang mga nagkasala noon, pati na rin ang lahat, na walang sinumang makakaligtas sa aking pagdidisiplina. Sinabi ko na ito noong pangalawang pagbisita ko riyan, at inuulit ko ngayon habang hindi pa ako nakakarating. Gagawin ko ito para patunayan sa inyo na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko, dahil ito rin ang hinahanap ninyo sa akin. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na nagpakababa siya[c] nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Dios. Ganoon din naman, nagpapakababa rin kami[d] bilang mga mananampalataya ni Cristo. Pero nabubuhay kami sa kapangyarihan ng Dios para makapaglingkod sa inyo.

Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang may pananampalataya kayo kay Cristo. Tingnan ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi nʼyo ba alam na si Cristo ay nasa inyo? – maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya. Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Cristo. Ipinapanalangin namin sa Dios na hindi kayo gagawa ng kahit anumang masama. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi para patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin man nilang hindi kami tunay na mga apostol. Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. Nagagalak kami dahil sa aming pagpapakumbaba ay naging matatag kayo sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na walang makitang kapintasan sa inyo. 10 Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako riyan, para pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.

11 Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo.[e] Sikapin ninyo na walang makitang kapintasan sa inyo, at sundin ninyo ang mga payo ko. Magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Nang sa ganoon, ang Dios na pinanggagalingan ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.

12 Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Cristo.[f]

Kinukumusta kayong lahat ng mga mananampalataya[g] rito.

13 Nawaʼy sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Dios, at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu.[h]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®