Read the New Testament in 24 Weeks
Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti
8 Katapus-tapusan, magkaisa kayong lahat sa pag-iisip, maging madamayin, mapagmahal sa mga kapatid, mababait at may mapagpakumbabang pag-iisip.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi ng pagpapala; sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, upang kayo'y magmana ng pagpapala.
10 Sapagkat,(A)
“Ang nagmamahal sa buhay,
at nais makakita ng mabubuting araw,
ay magpigil ng kanyang dila sa masama,
at ang kanyang mga labi ay huwag magsalita ng daya,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y lakaran.
12 Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid,
at ang kanyang mga tainga ay bukas sa kanilang mga panalangin.
Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”
13 At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo'y masigasig sa paggawa ng mabuti?
14 Subalit(B) magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala,
15 kundi(C) sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo,
16 ngunit gawin ito nang may kaamuan at paggalang.[a] Ingatan ninyong malinis ang budhi, upang kapag kayo ay inalipusta, ang mga nagsasalita ng laban sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo ay mapahiya.
17 Sapagkat mas mabuting magdusa dahil sa paggawa ng mabuti kung iyon ay kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa[b] dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo[c] ay madala niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu;
19 sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,
20 na(D) noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.
21 At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,
22 na umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos, na ipinasakop sa kanya ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.
Mga Binagong Buhay
4 Kung paanong si Cristo ay nagdusa sa laman ay sandatahan din naman ninyo ang inyong sarili ng gayong pag-iisip, sapagkat ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan,
2 upang hindi na kayo mamuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masasamang pagnanasa ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos.
3 Sapat na ang nakaraang panahon sa paggawa ninyo ng mga gustong gawin ng mga Hentil, na namumuhay sa kahalayan, masasamang pita, paglalasing, kalayawan, pag-iinuman, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.
4 Sila ay nagtataka na kayo ay hindi na nakikisama sa gayong labis na kaguluhan, kaya't kayo'y nilalait nila.
5 Ngunit sila'y magbibigay-sulit sa kanya na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.
6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila'y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.
Mga Katiwala ng mga Kaloob ng Diyos
7 Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,[d] kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin.
8 Higit(E) sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.
9 Maging mapagpatulóy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.
10 Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.
11 Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang kataka-takang bagay na nangyayari sa inyo.
13 Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag.
14 Kung kayo'y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo.
15 Ngunit huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamatay-tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapanghimasok.
16 Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito.
17 Sapagkat ito'y panahon upang simulan ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At(F) kung ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, ano kaya ang mangyayari sa masasama at makasalanan?
19 Kaya't ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na lumikha sa paggawa ng mabuti.
Pangangalaga sa Kawan ng Diyos
5 Ngayon, bilang kapwa matanda at isang saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag, ipinapakiusap ko sa mga matatanda sa inyo,
2 na(G) pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos,[e] ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig.
3 Huwag kayong maging panginoon ng mga pinangangasiwaan ninyo, kundi kayo'y maging mga halimbawa sa kawan.
4 At sa pagpapakita ng punong Pastol, tatanggapin ninyo ang hindi kumukupas na putong ng kaluwalhatian.
5 Gayundin(H) naman, kayong mga kabataan, pasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat ay magsuot ng kapakumbabaan sa inyong pakikitungo sa isa't isa, sapagkat “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga palalo, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
6 Kaya't(I) kayo'y magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo'y kanyang itaas sa takdang panahon.
7 Ilagak ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo.
8 Magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa.
9 Siya'y labanan ninyo, maging matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nararanasan ng inyong mga kapatid sa buong sanlibutan.
10 At pagkatapos na kayo'y magdusa nang sandaling panahon, ang Diyos ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag tungo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ay siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.
11 Sumakanya nawa ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Pangwakas na Pagbati
12 Sa(J) pamamagitan ni Silvano, na itinuturing kong tapat nating kapatid, ay sinulatan ko kayo nang maikli upang pasiglahin kayo at magpatotoo na ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Manindigan kayo rito.
13 Binabati(K) kayo ng babaing nasa Babilonia, na kasama ninyong hinirang, at ni Marcos na aking anak.
14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.
Kapayapaan nawa ang sumainyong lahat na na kay Cristo.[f]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001