Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Babae at ang Halimaw
17 Pagkatapos, (A) isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa napakahalay na babaing nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2 Nakiapid (B) sa kanya ang mga hari sa daigdig, at nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid ang mga naninirahan sa lupa.” 3 At (C) habang nasa Espiritu, dinala niya ako sa ilang, at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa pulang halimaw na puno ng mga pangalang mapaglapastangan at ito ay may pitong ulo at sampung sungay. 4 Ang (D) (E) babae ay nakadamit ng kulay-ube at pula, at nababalutan ng ginto at mamahaling bato at perlas, hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng mga karumihan at mga kahalayan ng kanyang pakikiapid. 5 Sa kanyang noo ay nakasulat ang isang mahiwagang pangalan: “Tanyag na Babilonia, ina ng mahahalay na babae at ng mga kalaswaan ng daigdig.” 6 At nakita ko ang babae, lasing sa dugo ng mga banal at ng mga nagpatotoo para kay Jesus.
Labis akong nagtaka nang makita ko siya. 7 Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nagtataka? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng kanyang sinasakyang halimaw, na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa walang hanggang kalaliman patungo sa pagkawasak. Ang mga naninirahan sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan ay mamamangha sa sandaling makita nila ang halimaw sapagkat siya'y buháy noon at ngayo'y wala na, at darating pa.
9 “Nangangailangan ito ng isip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok kung saan nakaupo ang babae. Sila rin ang pitong hari, 10 at lima sa kanila ay bumagsak na, ang isa'y buhay pa, ang isa ay hindi pa dumarating; at sa kanyang pagdating, sandali lang siyang mananatili. 11 At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na ang ikawalo, ngunit kabilang din sa pito, at siya'y patungo sa pagkawasak. 12 Ang (F) sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa nakakatanggap ng kaharian, subalit tatanggap sila ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. 13 Nagkakaisa ang mga ito sa pag-iisip, at ibinigay nila ang kanilang kapangyarihan at pamamahala sa halimaw. 14 Makikipagdigma sila laban sa Kordero, ngunit dadaigin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay yaong mga tinawag, mga hinirang at mga tapat.”
15 At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga tubig na iyong nakitang kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan at napakaraming tao, mga bansa at mga wika. 16 Ang nakita mo namang sampung sungay, ang mga ito at ang halimaw ay masusuklam sa mahalay na babae. Siya'y kanilang pababayaan at iiwang hubad at kanilang lalamunin ang kanyang laman at siya'y susunugin sa apoy. 17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at pagkaisahin sila na ibigay ang kanilang kaharian sa halimaw, hanggang sa matupad ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na naghahari sa mga hari ng daigdig.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos ng mga ito, nakita ko ang isa pang anghel na bumababa mula sa langit. Taglay niya ang dakilang kapangyarihan; at naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian ang daigdig. 2 Sumigaw (G) siya nang napakalakas,
“Bumagsak na, bumagsak na ang tanyag na Babilonia!
Tirahan na ito ng mga demonyo,
kulungan ng bawat maruming espiritu,
kulungan ng bawat maruming ibon,
at kulungan ng bawat marumi't nakapandidiring hayop.
3 Sapagkat (H) lahat ng bansa ay uminom
ng alak ng kanyang kahalayan,
at sa kanya'y nakiapid ang mga hari ng daigdig,
at mula sa kapangyarihan ng kanyang kaluhuan,
ang mga mangangalakal ng daigdig ay nagpayaman.”
4 Pagkatapos, (I) mula sa langit ay narinig ko ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Lumabas kayo mula sa kanya, bayan ko,
upang kayo'y hindi makabahagi sa kanyang mga kasalanan,
at upang sa kanyang mga salot ay hindi kayo madamay;
5 sapagkat (J) abot na sa langit ang kanyang mga kasalanan,
at binalingan ng Diyos ang kanyang mga kasamaan.
6 Ibalik (K) ninyo sa kanya kung ano'ng ibinigay niya,
at bayaran ninyo siya ng doble sa kanyang mga gawa;
sa pinaghaluan niyang kopa, ipaghalo ninyo siya ng doble.
7 Gaya (L) ng pagpaparangal niya sa kanyang sarili at kaluhuan,
ganoon din karaming pahirap at pighati ang ibigay ninyo sa kanya.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
‘Nakaupo akong isang reyna,
hindi ako isang balo,
at kailanma'y hindi ko malalasap ang dalamhati.’
8 Dahil dito ay darating ang mga salot sa kanya sa loob ng isang araw—
kamatayan, pagluluksa, taggutom—
at siya'y susunugin sa apoy;
sapagkat ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya ay makapangyarihan.”
9 At (M) ang mga hari ng daigdig na nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kaluhuan kasama niya ay tatangisan at pagluluksaan siya kapag nakita na nila ang usok ng pagsunog sa kanya. 10 Tatayo sila sa malayo dahil sa takot sa kanyang paghihirap at sasabihing,
“Kakila-kilabot ang sinapit mo, dakilang lungsod,
makapangyarihang lungsod ng Babilonia!
Sapagkat sa loob ng isang oras, naigawad ang parusa sa iyo.”
11 At (N) ang mga mangangalakal ng daigdig ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bumibili ng kanilang paninda— 12 panindang (O) ginto, pilak, mamahaling bato at perlas, pinong lino; granate, sutla at pulang tela; lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kasangkapang garing, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol; 13 sinamon, pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak, langis, magandang uri ng harina at trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga katawan, samakatuwid ay mga kaluluwa ng tao.
14 “Ang mga bungang ninasa ng kaluluwa mo'y
wala na sa iyo,
at lahat ng mga marangya at maringal na bagay
ay naglaho sa iyo,
at kailanma'y hindi na matatagpuan ang mga ito!”
15 Ang (P) mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa paghihirap niya, na sila'y nagluluksa, malakas na tumatangis, 16 na nagsasabi,
Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
siya na nakasuot ng pinong lino at kulay ube at pulang damit,
at napalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!
17 Sapagkat (Q) ang lahat ng yamang iyon ay naglaho sa loob ng isang oras!”
At lahat ng kapitan ng barko at mga naglalayag, ang mga mandaragat at lahat ng mangangalakal sa dagat ay tumayo sa malayo. 18 Sumigaw (R) (S) sila habang pinagmamasdan ang usok ng kanyang pagkasunog na nagsasabi,
“Saan mo ihahambing ang tanyag na lungsod?”
19 Nagsaboy sila ng alikabok sa kanilang mga ulo habang tumatangis at nagluluksa na sumisigaw,
“Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
na nagpayaman sa lahat ng may barko sa dagat, mula sa kanyang kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak.
20 O (T) langit, magalak ka dahil sa kanya,
kayong mga banal at mga apostol at mga propeta!
Sapagkat alang-alang sa inyo ay iginawad ng Diyos ang parusang hatol sa kanya.”
21 Pagkatapos, (U) isang malakas na anghel ang dumampot ng isang batong tulad ng isang malaking gilingan at itinapon iyon sa dagat. Ang sabi ng anghel,
“Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod na Babilonia,
at hindi na siya muling makikita;
22 at (V) (W) ang himig ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng trumpeta
kailanma'y hindi na maririnig mula sa iyo;
at bawat manggagawa ng anumang kalakal
kailanma'y hindi na matatagpuan sa iyo;
ang tunog ng gilingang bato
kailanma'y hindi na maririnig sa iyo.
23 Ang liwanag ng ilawan
kailanma'y hindi na tatanglaw sa iyo;
at ang tinig ng lalaki at babaing ikakasal
kailanma'y hindi na maririnig sa iyo;
sapagkat ang iyong mga mangangalakal ay dating mga kilalang tao sa daigdig,
at sapagkat sa pangkukulam mo ay nadaya ang lahat ng mga bansa.
24 Sa (X) kanya natagpuan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
at lahat ng mga pinaslang sa ibabaw ng lupa.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.