Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 5:17-39

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo(A)

17 Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling.

18 At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus.[a]

19 Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus.

20 Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”

21 Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?”

22 Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso?

23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’

24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”

25 Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos.

26 Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.”

Tinawag ni Jesus si Levi(B)

27 Pagkatapos nito ay umalis si Jesus[b] at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

28 Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.

29 Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila.

30 Nagbulung-bulungan(C) ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.

32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(D)

33 At sinabi nila sa kanya, “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom.”

34 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila?

35 Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.”

36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma.

37 At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat.

38 Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat.

39 At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, ‘Masarap ang laon.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001