New Testament in a Year
16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(A) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(B) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(C) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?
22 Kaya,(D) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(E) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,
“Ang dating hindi ko bayan
ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(F) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”
27 Ito(G) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(H) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(I) ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.