New Testament in a Year
22 Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,
23 na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”
24 Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.
25 At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”
26 Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.
27 Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,
28 “Hindi(A) ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”
29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.
30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.
31 Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,[a] at ng kapatawaran ng mga kasalanan.
32 Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33 Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.
34 Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.
35 Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.
36 Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.
37 Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.
38 Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.
39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”
40 Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.
41 Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.
42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001