New Testament in a Year
Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(A)
31 “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo,
32 subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.”
33 At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”
34 Sinabi ni Jesus,[a] “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit.”
Walang Supot, Pagkain, Sandalyas
35 At(B) sinabi niya sa kanila, “Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, o supot ng pagkain, at mga sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At kanilang sinabi, “Hindi.”
36 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain. At ang walang tabak ay ipagbili niya ang kanyang balabal, at bumili ng isang tabak.
37 Sapagkat(C) sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin, ‘At ibinilang siya sa mga suwail’; sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad.”
38 At sinabi nila, “Panginoon, tingnan ninyo, narito ang dalawang tabak.” Sinabi naman niya sa kanila, “Tama na iyan.”
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(D)
39 At siya'y lumabas at pumaroon, gaya ng kanyang nakaugalian, sa bundok ng mga Olibo at sumunod naman sa kanya ang mga alagad.
40 Nang siya'y dumating sa pook na iyon, ay sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa panahon ng pagsubok.”[b]
41 Siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang pukol ng bato. Siya'y lumuhod at nanalangin,
42 “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma'y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”
[43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya.
44 Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.]
45 Pagtayo niya mula sa pananalangin, lumapit siya sa mga alagad at naratnan silang natutulog dahil sa kalungkutan,
46 at sinabi sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001