Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Marcos 14:54-72

54 Si Pedro ay sumunod sa kanya sa malayo, hanggang sa loob ng patyo ng pinakapunong pari; at nakiumpok siya sa mga kawal, at nagpainit ng sarili sa apoy.

55 Ang mga punong pari naman at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan,

56 sapagkat marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nagkakatugma.

57 Tumayo ang ilan at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, na sinasabi,

58 “Narinig(A) naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.’”

59 Ngunit sa gayong paraan ay hindi rin nagkatugma ang patotoo nila.

60 Tumayo sa harapan nila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatotohanan nila laban sa iyo?”

61 Ngunit siya'y tumahimik at hindi nagsalita ng anuman. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?”

62 Sinabi(B) ni Jesus, “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga alapaap ng langit.”

63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at nagsabi, “Ano pang kailangan nating mga saksi?

64 Narinig(C) ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasiya?” At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay.

65 Nagsimula ang ilan na duraan siya, tinakpan ang kanyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, na sinasabi nila sa kanya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga bantay at siya'y pinagsasampal.

Itinatwa ni Pedro si Jesus(D)

66 Samantalang nasa ibaba si Pedro, sa patyo, lumapit ang isa sa mga alilang babae ng pinakapunong pari.

67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit, siya'y kanyang tinitigan at sinabi, “Ikaw man ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”

68 Ngunit siya'y nagkaila, na sinasabi, “Hindi ko nalalaman, ni nauunawaan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [pagkatapos ay tumilaok ang manok].

69 Nakita siya ng alilang babae at nagsimulang magsabing muli sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila.”

70 Ngunit muling nagkaila siya. At pagkaraan ng ilang sandali, sinabing muli ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Tunay na ikaw ay isa sa kanila, sapagkat ikaw ay taga-Galilea.”

71 Ngunit siya'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi.”

72 At kaagad, sa ikalawang pagkakataon ay tumilaok ang manok at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ng makalawa ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001