Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mateo 27:27-50

Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(A)

27 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29 Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro[a] niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(B)

32 Nang nasa labas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cyrene na ang pangalan ay Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo,” 34 pinainom nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, pero nang matikman ito ni Jesus ay hindi niya ininom.

35 Ipinako nila si Jesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. 36 Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Jesus. 37 Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

39 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila 40 at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, bumaba ka sa krus!” 41 Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang Hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. 43 Nagtitiwala siya sa Dios at sinasabi niyang siya ang Anak ng Dios. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Dios!” 44 Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(C)

45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[b] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®