New Testament in a Year
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,
21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,
22 tayo'y(A) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.
23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.
24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,
25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.
26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,
27 kundi(B) isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.
28 Ang(C) sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.
29 Gaano(D) pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?
30 Sapagkat(E) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”
31 Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.
32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,
33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.
34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.
35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.
36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.
37 Sapagkat(F) “sa sandaling panahon,
ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”
39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001