New Testament in a Year
23 Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.”
2 Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. 3 Sinabi(A) ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.”
4 Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!”
5 Sumagot(B) si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduseo at mga Pariseo sa kapulungan, sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.”
7 Nang sabihin ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. 8 Sapagkat(C) naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. 9 At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”
10 Naging mainitan ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka magkaluray-luray si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo
12 Kinaumagahan, nagkasundo ang mga Judio at ang bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya, hilingin ninyo at ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.