Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Marcos 13:1-20

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”

Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.

“Mag-ingat(C) kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. 10 Ngunit kailangan munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita. 11 Kapag kayo'y dinakip nila at nilitis, huwag kayong mabahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sabihin ninyo ang mga salitang ibibigay sa inyo, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 13 Kapopootan(D) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”

Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)

14 “Kapag(F) nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15 Ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19 sapagkat(H) sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20 At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.