Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mateo 27:1-26

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan[a] kung paano nilang maipapapatay si Jesus. Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.

Ang Pagkamatay ni Judas(B)

Nang(C) malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.”

“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.

Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.

Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”

Sa(D) gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10 at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harap ni Pilato(E)

11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.

13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(F)

15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.[b] 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”

20 Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan[c] na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”

“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”

At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.

Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”

24 Nang(G) makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo[d] ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.

25 Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo[e] niya.”

26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.