Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Bilang 12-13

Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. Si(A) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.

Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit(B) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.

10 Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, 11 sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. 12 Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” 13 Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!”

14 Ngunit(C) ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” 15 Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam. 16 Mula sa Hazerot, patuloy silang naglakbay. Pagdating sa ilang ng Paran ay nagkampo sila.

Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(D)

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:

LipiPinuno
RubenSamua na anak ni Zacur
SimeonSafat na anak ni Hori
JudaCaleb na anak ni Jefune
IsacarIgal na anak ni Jose
EfraimOseas na anak ni Nun
BenjaminPalti na anak ni Rafu
ZebulunGadiel na anak ni Sodi
ManasesGadi na anak ni Susi
DanAmiel na anak ni Gemali
AsherSetur na anak ni Micael
NeftaliNahabi na anak ni Vapsi
GadGeuel na anak ni Maqui

16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.

21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[a] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.

25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”

30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”

31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(E) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”

Mga Awit 49

Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
    kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
    makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
    ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
    sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.

Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
    kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
    dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
    hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
    gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
    upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
    at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.

10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
    kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
    sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
    kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
    katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.

13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
    at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
    itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
    laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
    sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
    aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]

16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
    lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
    ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
    dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
    masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
    katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!

Isaias 2

Kapayapaang Walang Hanggan(A)

Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:

Sa mga darating na araw,
    ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok,
    at mamumukod sa lahat ng burol,
daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito:
“Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh,
    sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan;
    at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan,
    at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.”
Siya(B) ang mamamagitan sa mga bansa
    at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao;
kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak,
    at karit naman ang kanilang mga sibat.
Mga bansa'y di na mag-aaway
    at sa pakikidigma'y di na magsasanay.

Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
    lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.

Wawakasan ang Kapalaluan

Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan,
sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero[a] mula sa silangan
    at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo;
    nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak,
    at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan.
Sa buong lupai'y maraming kabayo,
    at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan;
    mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran,
    mga bagay na inanyuan at nililok lamang.
Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya;
    huwag mo silang patatawarin!
10 Magtatago(C) sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay
    upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan.
11 Pagdating ng araw ni Yahweh,
    ang mga palalo ay kanyang wawakasan,
itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan;
    pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan.
12 Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw,
    laban sa lahat ng palalo at mayabang,
    laban sa lahat ng mapagmataas;
13 laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon,
    at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok
    at mga burol;
15 laban sa lahat ng matataas na tore
    at matitibay na pader;
16 laban sa mga malalaking barko,
    at magagandang sasakyang dagat.
17 Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain,
    at ang mga maharlika ay pababagsakin,
    pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
18 at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan.
19 Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato
    at sa mga hukay sa lupa,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh;
    at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
    kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki,
ang mga rebultong yari sa ginto at pilak
    na ginawa nila upang kanilang sambahin.
21 Magtatago sila sa mga yungib na bato
    at sa mga bitak ng matatarik na burol,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh
    at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
    kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
22 Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao.
    Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho.
    Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo?

Mga Hebreo 10

10 Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.

5-6 Dahil(A) diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:

“Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
    at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.
Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos,
    upang sundin ang iyong kalooban,’
    ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. 10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.

11 Bawat(B) pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit(C) si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis

ng Diyos.

15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,

16 “Ganito(D) ang gagawin kong tipan sa kanila
    pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
    at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”

17 Pagkatapos(E) ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” 18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.

Lumapit Tayo sa Diyos

19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(F) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon. 26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(G) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(H) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(I) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(J) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!

32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(K)

“Kaunting panahon na lamang,
    hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
    ngunit kung siya'y tatalikod,
    hindi ko siya kalulugdan.”

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.